Yassi Pressman on Kaleidoscope World’s dismal box-office performance: “It was a learning experience.”

Yassi Pressman on fellow MTV Pinoy VJ Andre Paras: “Sobrang bait ’yan ni Andre. Masaya na isa siya sa kasama ko dito sa show na ’to. Masaya siyang kasama although minsan ay parang nahihiya pa siya na parang ako rin naman.”


Si Yassi Pressman ang isa sa mga bagong video jocks (VJs) na ipinakilala ng MTV Pinoy, kasama nina Sam Pinto, Andre Paras, at Josh Padilla.

Ang MTV Pinoy ay dating nakilala bilang MTV Philippines. Matatandaang nagkaroon ito ng final broadcast noong February 15, 2010.

Nagsimulang umere ang MTV Pinoy noong February 14 kung saan inokupa nito ang mahigit tatlong oras ng MTV Asia.

Napili si Yassi sa daan-daang nag-audition noong 2013 sa tinawag nilang MTV VJ Hunt.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) para sa isang show sa Infanta, Quezon, noong Valentine’s Day mismo, hindi masidlan ang kanyang katuwaan na ibinibida ang bago niyang karanasan sa kanyang hosting job.

Pahayag ni Yassi, “Dati kasi nasa Viva Channel ako. Heto yung nagsilbing pinaka-training ko.

“Kasi noong first day ko, akala ko madali lang, salita nang salita lang, daldal lang nang daldal.

"Pero nung first day ko, parang hihimatayin ako sa sobrang pagod.

“Ako lang nandun, salita lang nang salita the whole day, so kailangan mo ring magpahinga at kumain in between.

“Then dito [sa MTV Pinoy], kailangan ko rin ang isang buong araw para rito.

"Lalo na noong hinahabol namin yung launching, yung dalawang Sabado ko, pinagsabay ko yung dito sa MTV Pinoy at yung technical rehearsals ng SAS [Sunday All Stars].

“So, ang hirap.

"’Tapos noong first day namin sa recording, may Eat Bulaga! pa ako in the morning, so sabi ko sa sarili ko, ’Ano ang gagawin ko?’

“Pero yun, kinaya ko naman.”

Isa siya sa mainstays ng Sunday All Stars na kadalasan ay nakikitang sumasayaw sa production numbers.

Ngayong video jock na siya, ibig bang sabihin nito ay hindi na niya magiging prayoridad ang pagsasayaw at magku-concentrate na lang siya bilang si VJ Yassi?

Pagkontra ng Viva contract artist, “Siyempre, hindi ko pa rin bibitawan ang pagsasayaw dahil first love ko yun, pero I really want to focus more on hosting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi hindi ko masasabi na ako yun paghu-hosting, pero ako rin kasi yung pagsasayaw.

“It’s something new sa akin [hosting] kaya ayaw ko rin namang basta-bastahin yun.

“Dapat talagang paghandaan ko rin ng husto.”

NO TIME FOR LOVE. Dahil sa dalawang trabaho niyang ito, hindi na rin daw niya naisipan na mag-boyfriend ngayon matapos ang paghihiwalay nila ni Sef Cadayona, na kauna-unahan niyang boyfriend.

“No, hindi na muna,” sabi ng 18-year-old actress-VJ.

“Ayoko. Ayoko na muna.

“Masaya ako sa work ko, sa family ko, at sa friends ko.

“Sobrang walang oras.”

ANDRE PARAS. Binanggit ni Andre Paras sa isang panayam na isa si Yassi sa showbiz crushes nito. Ano ang masasabi niya rito?

“Talaga? Sinabi niya yun?” buwelta niya na halos mamilog ang mga mata.

“Ano... mabait ’yan [si Andre].

“Sobrang bait ’yan ni Andre.

“Masaya na isa siya sa kasama ko dito sa show na ’to.

“Masaya siyang kasama, although minsan ay parang nahihiya pa siya na parang ako rin naman.

“But, no, they are really amazing people lalo na kapag nasa backstage, hindi tumitigil ’yan, sobrang daldal!” natatawang sabi pa niya.

KALEIDOSCOPE WORLD. Samantala, naitanong din ng PEP kung ano ang reaksiyon niya sa naging kapalaran ng pelikula nila ni Sef noong nakaraang 39th Metro Manila Filmfest, ang Kaleidoscope World.

Maaga kasi itong na-pull out sa mga sinehan dahil hindi ito kumikita sa takilya.

Pag-aanalisa ni Yassi, “Well, kasi nagkaroon kami ng mga technical difficulties doon sa pelikula.

“Pero kung nakita niyo yung movie at yung kabuuan ng istorya, I’m still proud of it.

“I’m still proud, at tulad ng sinabi ko dati, ibang klase na mapabilang sa isang festival na kahilera sina Bossing [Vic Sotto], si Ms. Kris Aquino dahil ibang level ang saya.

“So, hindi ko pinagsisihan na ganun ang nangyari.”

Dugtong pa niya, “After that, nag-usap kami ni Sef. Pinag-usapan namin ang nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga, charged to experience na lang ang lahat.

“Ang importante, sa paggawa namin ng movie ay meron kaming natutunan. Yung fighting spirits namin sa pagsayaw, yun ang panalo.

“It was a learning experience.”

Pero hindi naman daw siya pinanghinaan ng loob para hindi na gumawa pa ng pelikula.

“No, hindi po,” pagsisiguro niya.

“Sabi nga, take it as another opportunity para mas lalo ka pang ma-inspire to be better.

“I think halos lahat naman ng big stars natin started from the bottom at naka-experience din sila na hindi kumita ang movies nila and yet hindi nasiraan ang kanilang mga loob.

“That’s how I would take it also.

"Maybe ngayon, ganun ang nangyari pero who knows, ’di ba, sa mga susunod naming gawin ay may chance pa.

“So, okay lang sa akin.

"Pero siyempre, how we wished na kumita yun kasi ginastusan din naman yun ng producers namin and we did our best."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN