Maricel Soriano signs program contract with GMA; excited to work with Dingdong Dantes and Lovi Poe

Isa nang Kapuso ang Diamond Star na si Maricel Soriano pagkatapos niyang pumirma ng program contract sa GMA kaninang hapon, February 19. Ang unang proyektong gagawin ni Maricel ay ang primetime series na Ang Dalawang Mrs. Real, kung saan makakasama niya sina Dingdong Dantes at Lovi Poe.


Pumirma ng program contract sa Kapuso Network ang Diamond Star na si Maricel Soriano kaninang hapon, February 19, sa Boardroom ng GMA Network Center.

Kasama ang CEO at Chairman ng GMA na si Atty. Felipe Gozon sa pumirma sa kontrata, ngunit hindi na ito nagpaunlak ng panayam sa media dahil may iba pa itong commitment na kailangang habulin.

Sa halip, ang Senior Vice President for Entertainment na si Mrs. Lilybeth Rasonable ang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Sinabi ng network executive na program contract muna ang pinirmahan ni Maricel sa network.

Inaasahang magiging maganda ang kalalabasan ng drama series na gagawin ni Maricel para ituluy-tuloy na ang kontrata nito, at baka kasunod nito ay exclusive network contract na ang pipirmahan ng aktres.

Gagawin daw ng premyadong aktres ang primetime series na may tentative title na Ang Dalawang Mrs. Real.

Makakasama niya rito sina Dingdong Dantes at Lovi Poe, habang si Andoy Ranay naman ang direktor.

Pahayag ni Ms. Rasonable, “We’ll start first dito sa Ang Dalawang Mrs. Real na malaki talaga.

“She’s part of the main cast, tatlo sila. Bida siya dito.”

Ayon pa kay Mrs. Rasonable, hindi sila nahirapan kay Maricel nang napag-usapan ang unang full-length project na gagawin ng aktres sa Kapuso network.

Nagkaroon na kasi ng guest appearance si Maricel sa dating primetime series ng GMA na Pilyang Kerubin (2010), na pinagbidahan ni Barbie Forteza.

Kuwento pa ng GMA executive, “Nung inilatag sa kanya ang story, nung inilatag sa kanya ang role, kaagad-agad nagkaroon ng parang meeting of hearts and minds.

“After that meeting with Redgie [Magno, VP for Drama] and Maricel, nag-oo agad.”

Kaya masaya raw silang magiging bahagi si Maricel ng malaking project na ito ng GMA dahil isa si Maricel sa masasabing makapagbibigay ng magandang impluwensiya sa bagong henerasyon ng mga artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Ms. Rasonable, “I think for any artist na makasama si Maricel, napakagaling na artista, it will draw also the best from her co-stars.

“Sana maging magandang experience itong soap na ito para sa lahat.

“Kasi, she’s a precious actress na nakakadagdag sa drama ng GMA.”



SURRENDER EVERYTHING. Iba naman ang glow sa mukha ni Maricel pagkatapos niyang pumirma ng kontrata kanina.

Paliwanag ng Diamond Star, magaan na ang pakiramdam niya at wala na siyang dinadalang sama ng loob sa mga pinagdaanan niyang isyu.

Saad niya, “Alam niyo, bukod sa naka-rest ka, pag ni-let go mo na lahat ng dinadamdam mo…

“Lahat tayo may mga bitbit sometimes, ‘di ba? Bitawan na ‘yang mga bitbit na ‘yan nang makalarga na.

“Kasi, wala namang mangyayari pag lagi tayong naka-dwell, ‘di ba?”

Iniiwasan na rin ni Maricel na pag-usapan pa ang mga kinasangkutang isyu.

Lahat daw iyon ay iniwan na niya sa nakaraan at mas mabuting maging positibo na lang ang lahat na pag-uusapan.

“Mag-look forward na tayo sa kung ano yung susunod na kabanata.

“Ayoko nang pag-usapan, kasi gusto ko namang tumawa.

“Totoo ito, na-experience ko.

“Mula nang mawala ang mommy ko, feeling ko, wala na akong kakampi dahil siya lang yung taong magsasabi sa ‘yo ng totoo.”

Pumanaw ang ina ni Maricel na si Linda Dador Martinez noong July 19, 2009.

Hindi raw ganun kadali kay Maricel ang mga pinagdaanan niya, pero malaking bagay raw ang pagdarasal at ipinaubaya na raw niya lahat sa Diyos.

“’Di ba, nagdadasal tayo? Nasasabi natin sa Diyos lahat na, ‘Lord, ito ang dala-dala ko, nasaktan ako, ganyan.’

“Nasabi mo na lahat kay Papa God, ‘di ba? ‘Bahala Ka na sa akin, Lord, sinu-surrender ko na sa ‘yo, Lord, kung ano itong nararamdaman ko.’

“Aba! Pag sinabi mo ‘yan, aba’y tigilan mo na! Nasabi mo na, e. Husto na, ‘ne!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bitawan mo na, iwan mo na!”

Dagdag pa niya, “Yun lang talaga ang sikreto ko.

“’Pag binigay ko na kay Lord, hindi ko na papansinin yun.”

Pagdating sa lovelife, mabilis ang sagot ng Diamond Star sa tanong kung mayroon bang nagbibigay sa kanya ngayon ng inspirasyon.

“Sana nga meron, kasi bukas naman ang pinto saka mga bintana. Kailangan bang kumaway pa?” pabiro niyang sabi.

Dagdag ni Maricel, “Pero hindi pa talaga. Gusto ko namang maging ganun sana.”



KAPUSO STARS. Excited naman si Maricel ngayong makakatrabaho na niya ang prime artists ng Kapuso Network.

Nakatrabaho na raw niya noon si Lovi sa pelikulang Yesterday Today Tomorrow (2012), pero hindi naman sila nagkasama sa eksena. Kaya masaya siyang makakatrabaho na niya ito ngayon.

Hindi pa raw sila nagkatrabaho ni Dingdong, pero naipakilala na raw sa kanya noon ang GMA Primetime King ng nasirang talent manager na si Wyngard Tracy.

Saad ng Diamond Star, “Nae-excite ako, pero gusto ko yung pag andiyan na, saka ka titili na, ‘Sabi ko na, totoo na ‘to, e!’ Yung ganun.”

Ramdam din daw niyang magiging maganda at masaya ang pagsasama nila ni Dingdong sa drama series na ito dahil marami na raw naikuwento sa kanya noon si Marian Rivera.

Nagkasama sina Maricel at Marian sa pelikulang Bahay Kubo (2007).

Natatawang kuwento ni Maricel, “Kay Marian lang, ang dami ko nang nababalitaan!

“Anak-anakan ko ‘yan si Marian, e.

“Niloloko ko nga siya, sabi ko kay Marian, ‘Naku, anak, maraming salamat naman at pumasa ako sa credentials!’

“Sabi niya, ‘Ikaw pa, Inay, e, love na love kita!’

“E, love na love ko naman siya, alam naman niya yun.”

Ngayong magiging Kapuso na si Maricel, nakakaramdam ba siya ng paninibago dahil sa matagal din siyang naging Kapamilya star?

Sagot niya, “Alam mo, wala sa damit, wala sa utak ang pagmamahal, nasa puso.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay halaw sa isang pamosong linya ni Maricel sa pelikulang Saan Darating Ang Umaga? (1983).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN