Maribel Aunor hopes to mend row with cousin Nora Aunor: “Kung ang ibang tao napatawad ko, si Ate Guy pa kaya na kamag-anak ko?”

Maribel Aunor’s message for cousin Nora Aunor: “Ang gusto ko na lang iparating kay Ate Guy sa ngayon ay magkamag-anak nga kami. Kilala naman niya ako. Kami na lang dalawa ang mag-usap. Huwag siyang maniwala sa mga parating-parating na salita ng ibang tao.”


Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakaharap para magkausap at magkaayos ang magpinsang sina Nora Aunor at Maribel Aunor.

Alam ng dating artistang nakilala noong 1970s bilang miyembro noon ng Apat na Sikat na lalong lumala ang gusot nila ng Superstar, dahil mga dalawang taon na ang nakalilipas mula noong nakapagsalita siya tungkol sa hindi nila pagkakaunawaan ni Guy.

“Yung nangyari naman, kung ano ang mga sinabi ko ay isyu tungkol sa aming magpinsan na lumala, dahil siyempre’y showbiz ito, lumabas sa mga dyaryo,” wika ni Maribel nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Mary Grace Restaurant sa Serendra, Bonifacio Global City, noong Biyernes, February 2l.

“Minsan lang ako nagsalita. Yun na ‘yon.

“Ang sumunod din naman, nag-text din naman si Ate Guy sa akin ng masasakit na salita.

“Mga salitang hindi ko na kailangang ilabas pa. Amin na lang ‘yon.

“Hindi ko pinatulan ang mga sinabi ni Ate Guy sa text, dahil ayokong lumaki ang isyu.

“Kung anuman ang mga sinabi ni Ate Guy sa text na masasakit ay hindi ko na lang din pinatulan, dahil ang iniisip ko, baka may mga maling nakarating sa kanya. Sabi ko, dapat siguro, kami na lang ni Ate Guy ang magkausap nang personal.

“Kasi nga, isyu nga ito na kami lang magkamag-anak yung nasa loob. Kaya hangga’t maari, hindi ko na rin pinapansin, dahil hanggang doon na lang dapat ‘yon. Kami-kaming magkamag-anak.”

BLOOD IS THICKER THAN WATER. Mas nakababata raw si Maribel, kaya naroon pa rin ang respeto niya kay Nora.

“Marami naman kasing nangyayari na kahit magpipinsan ay naglalabasan talaga, kung minsan, ng mga hinanakitan,” ani Maribel.

“Pero kami ni Ate Guy, maganda naman din yung dinaanan namin bilang magkadugo.

“Noong ipinagbubuntis ko pa nga lang ang anak kong si Marion [Aunor], si Ate Guy mismo ang nagsabi sa akin na gusto raw niyang maging ninang ng magiging anak ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, ang kaso nga, hindi rin natuloy. Kaya nung binyagan si Marion, hindi ko na lang inilagay ang pangalan ni Ate Guy sa listahan ng mga ninang ni Marion.

“Pero talagang dapat sana ay ninang si Ate Guy ng anak ko.”

Maging ang pagkakautang ni Nora sa kanya ay ayaw na ring ungkatin pa ni Maribel.

“Kumbaga, inilibing ko na sa limot ‘yon, e. Kung yung ibang tao nga ay naloko ako, e. Di okey na lang din na kung ano yung nawala ay napunta sa kanya,” kuwento ni Maribel.

“Sa pakikipagsapalaran sa buhay, sa negosyo, marami ding mga tao ang nanloko sa akin. Pero ang mga iyon ay ipinagpasa-Diyos at napatawad ko na.

“Kung ang ibang tao napatawad ko, si Ate Guy pa kaya na kamag-anak ko?”

SENDING FEELERS. Parang nagpaparamdaman daw sila ngayon ni Nora para tuluyang magkabati.

“Minsan kasi ay in-interview ako ni Tita Cristy Fermin. Kasi, ‘di ba’t okey na rin yata silang dalawa ni Ate Guy? Nagkausap daw sina Tita Cristy at Ate Guy,” banggit ni Maribel.

“Sa pag-uusap daw nina Tita Cristy at Ate Guy, kinumusta daw ako ni Ate Guy. So, parang sa tingin ko, mas okey kung magkakaharap na nga kami. In God’s time, magkakaayos talaga siguro kami,” panalangin niya.

Maging si Mamay Belen na ina ni Maribel ay sobra na raw nasasabik kay Nora.

“Naaawa ako kay Mamay Belen, dahil nalulungkot siya at hinahanap niya talaga si Ate Guy.

“Kapag ini-interview si Ate Guy sa TV at napapanood ni Mamay, sabi niya, ‘Bakit hindi na ako nababanggit ni Guy?’

"Naghahanap si Mamay, naglalambing, nagtatampo si Mama kasi matanda na,” lahad ni Maribel.

MESSAGE FOR ATE GUY. Dahil hindi pa sila magkatagpo, ano ang gusto niyang iparating kay Nora?

“Sa aming angkan kasi, ang sinasabi kapag ganyang mayroong mga tampuhan, dapat daw na mas maunang magpakumbaba o lumapit ang mas nakababata,” banggit muna ni Maribel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaso naman, ang pagkaalam ko ay sobrang busy ngayon si Ate Guy.

“Ako naman din minsan, matigas ang ulo ko, e! Ha-ha-ha!

“Kasi din naman, si Ate Guy, kapag naunahan ‘yan ng sumbong ng iba, naniniwala.

“Pero ’pag naman nagkita kayo ni Ate Guy, parang walang nangyaring gusot. Ganun siya.

“Ang gusto ko na lang iparating kay Ate Guy sa ngayon ay magkamag-anak nga kami. Kilala naman niya ako. Kami na lang dalawa ang mag-usap. Huwag siyang maniwala sa mga parating-parating na salita ng ibang tao.

“Kilala naman niya ako, na hindi naman kasi ako plastik na tao na maglilihim ng kung ano ang nasa kalooban ko. Si Ate Guy din naman, hindi rin naman siya plastik na tao, e.

“Kami na lang ang dapat magkaintindihan. Kasi, sa ganang nalalaman ko ay wala naman talaga akong nakikitang kasalanan ko sa kanya.

“Kung nagkaroon kami ng gusot, isipin din naman niya ang maganda naming pinagsamahan noon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN