Kim Chiu says KimXi fans will support her partnership with Coco Martin

Kim Chiu on her reunion with Coco Martin in Ikaw Lamang: “Hindi na kami bago sa isa’t isa. May pinagsamahan na rin kami kahit papaano. Pero ‘yon nga, yung mga kilig-kilig, trinatrabaho talaga namin.”


Umaasa si Kim Chiu na pareho ang magiging suporta ng fans nila ni Xian Lim sa teleseryeng gagawin niya kasama si Coco Martin, ang Ikaw Lamang.

Bago pa man naipalabas ang pinakahuling pelikula nila ni Xian, ang Bride for Rent, alam na raw ni Kim na iba ang makakapareha niya sa kanyang susunod na teleserye.

Maluwag naman daw itong tinanggap ng Kapamilya actress.

“Parang it’s time for growth na rin siguro,” sabi ni Kim sa ginanap na pocket press conference para sa bagong teleseryeng Ikaw Lamang kagabi, February 25.

Ngunit paglilinaw niya, “Hindi rin naman paghihiwalayin ang tandem namin ni Xian since may movie nga kami this coming third quarter na gagawin.

“Si Xian din, mayroon din naman siyang gagawin na teleserye, so wala naman sigurong pagbubuwag.

“And kung ano man po yung proyekto na ibinigay sa amin, we’re very happy and very thankful.

“Siguro naman po, kung si Xian ang nasa lugar ko, ganun din po ang tatanggapin niya, kasi iba po ang pakiramdam na mapabilang sa teleseryeng ito.”

Sa kabila ng panandaliang paghihiwalay, tiniyak naman daw ng fans nila Kim at Xian ang patuloy na pagsuporta sa kanilang dalawa.

Sabi ng Kapamilya actress, “Yung suporta ng mga fans, nandoon pa rin naman and hindi pa rin sila nawawala.

“Nag-promise sila na susuportahan nila yung bawat proyekto namin ni Xian, and dodoblehin nila yung suporta nila sa mga ginagawa namin ngayon.

“Sa mga mall shows, nandoon sila. Sa mga taping nandiyan din sila.

“Hopefully, sa movie namin ni Xian, nandiyan din sila para suportahan kami.”



NEW PARTNER. Dalawang beses nang nagkatrabaho sina Kim at Coco—ang Tayong Dalawa noong 2009 at Kung Tayo’y Magkakalayo noong 2010.

Dahil dito, wala na araw ilangan sa pagitan nilang dalawa nang magsimula silang magtrabaho para sa Ikaw Lamang.

Sabi ni Kim, “Nagsama na kasi ni Coco, so hindi masyadong nakakahiya o nakakailang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagkasama na kami sa dalawang teleserye.

“Kapag may event o party-party, nagkikita kami.

“Kaya hindi na kami bago sa isa’t isa.

“May pinagsamahan na rin kami kahit papaano.”

Pero dahil hindi naman sila talaga magkapareha sa mga nakaraang proyekto nila, inamin ni Kim na kailangan nilang pagbutihin ang trabaho para mabuo ang chemistry sa kanilang dalawa.

“Yung mga kilig-kilig, tinatrabaho talaga namin,” sabi pa niya.



TELESERYE PRINCESS. Bukod sa bagong loveteam, dagdag pressure din daw para kay Kim ang bansag sa kanya ng ABS-CBN na "Teleserye Princess," na siyang ginamit na pagpapakilala sa kanya kagabi sa press conference.

Nang tanungin kung ano ang pakiramdam niya tungkol dito, sagot ni Kim, “Siyempre, yung bigyan ng pangalang ganun, ang sarap ng pakiramdam.

“Parang dagdag-inspirasyon ‘yon.

“Sa bawat proyekto na ibibigay sa ’yo, dapat galingan mo kasi baka mawala ang pangalan na ‘yon, sayang.

"So, kailangan pangalagaan mo."

Dagdag pa niya, “May pressure din kasi sa lahat naman siguro ng proyekto na gagawin namin, kakabahan kami.

“Hindi ka na siguro normal kung hindi ka kakabahan.

“Masyado ka nang presko kung, ‘Ay, okay na ‘yan, hindi ako kinakabahan.’

“Every project na ginagawa namin, nandoon pa rin yung kaba.”

Para iwasan ang ganitong pakiramdam, sabi ni Kim, “Ayun, dinadaan na lang namin sa dasal, na sana suportahan kami ng mga tao.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN