Rose Fostanes reveals discrimination prevented her from pursuing singing career in the Philippines

Ito ang payo ni Rose Fontanes sa ibang kababaihang nakararanas ng panunukso dahil sa kanilang panlabas na anyo: “Ang masasabi ko po, dahil po sa mga naririnig natin na hindi po maganda sa pandinig natin, yun po ang magtutulak para magsumikap tayo, e. Gaya pag sinabing ‘Ang taba mo naman!’ yun ang time na puwede kang mag-diet dahil nakakarinig ka ng hindi maganda sa kapwa. At yun din po ang nakakatulong kaya tayo nagiging strong.”


Nasa Pilipinas ngayon si Rose Fostanes, ang Pinay caregiver na nanalo sa unang season ng X Factor Israel.

Kahapon, March 2, ay live siyang nag-guest sa showbiz talk show ng ABS-CBN na Buzz Ng Bayan.

Tanong ng host na si Janice de Belen: Kailan niya nalamang magaling siyang kumanta?

“Noong six years old po ako, kumakanta na po ako,” sagot ni Rose.

Pinangarap niya talagang maging isang singer?

“Opo, noon pa pong bata pa ako. Pero hindi po… wala sa hinagap ko na hahabol ako sa ganitong edad.”

Forty-seven years old na ngayon si Rose.



DISCRIMINATION. Bakit hindi yun ang ginawa niya—ang ipagpatuloy ang pangarap na maging singer?

Sagot niya, “Ginawa ko po ‘yan, sumali po ako ng mga singing contests noong medyo bata pa ko. Dito po sa Pilipinas.

“Pero hindi po maiiwasan na tutuksuhin ako. Mataba nga po ako, pandak pa.

“Parang doon pa lang, nawalan na ako ng gana.

“At saka, hindi po ako palaging nananalo.”

Dahil ba dito kaya siya nagdesisyon na ibang landas na lang ang tahakin?

Sagot ni Rose, “Opo, parang naisip ko, malayo pong mangyari na dito ako magsimula ng singing career ko, kasi nga po, dahil nga sa discrimination.”

Twenty-three years old lang daw si Rose nang magsimula siyang magtrabaho sa ibang bansa.

Nagtrabaho raw siya ng apat na taon sa Egypt, anim na taon sa Lebanon, at anim na taon sa Israel.

Naisantabi ba ni Rose ang pangarap niyang maging singer dahil sa kanyang pamilya?

Pagsang-ayon niya, “Ganoon na nga din po yun.

“Kasi siguro po, kung meron po akong hitsura, baka natupad ko rin po yun.

“Pero dahil alam kong wala, kaya ipinagpalit ko ang pagkanta ko sa ibang propesyon.”

Gaano kahirap ang bagay na yun para sa kanya?

Saad ni Rose, “Sa akin po, masakit pong talaga, lalo na noong bata po ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumakanta ako, hindi pa ako nakakaakyat ng stage, sasabihin nila, magigiba raw ang stage. ‘Uulan, uulan!’ sabi nila.

“So, masakit po yun, pero binabalewala ko lang.

“Nagbabakasakaling sumali sa contest na yun, baka po manalo.

“Kaya kahit po masakit ang naririnig ko sa mga manonood, tinitiis ko po yun.”

Kahit daw sa X Factor Israel ay hindi raw naisip ni Rose na mananalo siya.

“Hindi po, hindi po talaga. Kahit noong nag-audition po ako, hindi ko talaga inisip na makakapasok po ako.”

Pagkatapos ba niyang manalo sa X Factor Israel ay bumalik na siya agad sa trabaho?

Sabi ni Rose, “Opo, siguro nagpahinga lang ako ng isang araw, kasi puyat talaga kami.

“The next day, pumasok ako sa employer ko.

“Pero siguro, nahihiya rin siya. Ako raw po ang nag-champion, ano raw ang ginagawa ko dun.

“Kailangan ko raw magpahinga.”



ROSE’S PARTNER. Humarap din sa interview ang girlfriend ni Rose for 31 years na si Mel Adel.

Nagsimula raw ang relasyon nila sa pamamagitan ng sulatan, voice tape dahil wala pang Internet noon.

Pero sa kabila nito ay nagtagal ang kanilang long-distance relationship.

Tinanong ni Janice si Mel kung hindi ba nito binisita si Rose sa Israel.

Tugon niya, “Nito lang po, yung pagpunta namin sa Israel, pinanood namin siya.”

Ano naman ang mga plano pa nilang dalawa?

Ayon kay Rose, “Ewan ko po sa kanya, pero ako po, babalik po ako sa Israel.

“Meron po kasi akong pinirmahang contract dun na kailangan kong tapusin.

“So, dito muna po siguro siya sa Pilipinas.

“Bibisitahin ko na lang siya o kaya, ako ang bibisitahin niya dun.

“Wala pa po talaga ngayon na plano.”

May plano ba silang bumuo ng pamilya o mag-ampon ng bata?

Sabi ni Rose, “Noon pong mga bata pa kami, inisip po namin ‘yan.

“Pero ngayon po na pareho kaming busy saka may edad na po kaming dalawa… wala po sigurong mag-aalaga kung mag-aampon kami.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil nga nakaranas si Rose ng discrimination dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan, ano ang mensahe niya sa ibang kababaihan na nakakaranas din ng ganito?

“Ang masasabi ko po, dahil po sa mga naririnig natin na hindi po maganda sa pandinig natin, yun po ang magtutulak para magsumikap tayo, e.

“Gaya pag sinabing ‘Ang taba mo naman!’ yun ang time na puwede kang mag-diet dahil nakakarinig ka ng hindi maganda sa kapwa.

“At yun din po ang nakakatulong kaya tayo nagiging strong.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN