Mike Tan wants to prove he is more than just a handsome face

Pinaghuhusay raw ni Mike Tan ang kanyang pag-arte. Saad niya, "Pinaghirapan ko talaga para naman maging maayos yung pag-arte ko at mapatunayan ko sa GMA na kaya ko talaga. Wala namang madaling landas, lahat kailangan mong paghirapan. Kung hindi mo pinaghirapan, ‘tapos kuntento ka na sa ipinapakita mo, baka sa susunod, magulat ka na lang, wala na."


Kilala si MikeTan sa pagiging disiplinado pagdating sa kanyang katawan. Bukod sa pagdyi-gym ay maingat din siya sa pagkain.

Pero natatawang sabi ni Mike, isang malaking challenge sa kanya ang paghabol sa katawan ng mga kasamahan niya sa bagong primetime series ng GMA na Kambal Sirena.

“Ang gaganda ng katawan ng mga lalaki. E, kilala ko lang ang sarili ko na hindi talaga ako nabiyayaan ng abs!”

Ang ilan sa mga lalaking may magandang abs daw sa serye nila ay sina Aljur Abrenica, Pancho Magno, Polo Ravales, at maging si Yul Servo.

Nagdyi-gym din naman siya, ‘di ba?

“Nagpapaganda naman po ng katawan, yun naman po ang ginagawa ko ngayon. Kailangang humabol sa kanila!” tawa ni Mike.



LEADING MAN. Si Mike ang isa sa leading men ni Louise delos Reyes sa Kambal Sirena.

Sa grand launch ng programa kagabi, March 4, sa Studio 7 ng GMA Network Center, sina Mike, Louise, at Aljur ang huling ipinakilala.

Sa kabila nito, ayon kay Mike, “Ewan ko, hindi ko rin naman kasi kinu-consider ang sarili ko na leading man. Sinusuportahan ko ang dalawa.”

Sinasabi ba niyang suporta lang siya sa Kambal Sirena at hindi lead?

“Ano ba? Hindi ko rin alam, e, kayo, ano ba sa tingin niyo?” balik-tanong ng StarStruck winner.

May nagsabi naman na baka second lead siya.

“Yun siguro, second lead,” pagsang-ayon ni Mike.

Wala ba siyang nararamdamang inggit kay Aljur dahil sa naging paraan ng pagpapakilala rito sa press conference, at maging sa billboard ng Kambal Sirena na sina Louise at Aljur lamang ang naroroon?

Bagamat pareho silang produkto at winners ng StarStruck, mas senior si Mike (Season 2) kay Aljur (Season 4).

Sabi ni Mike, “Hindi, hindi… masaya ako na may trabaho ako.

“Kahit na anong mangyari, binibigyan ako ng trabaho ng GMA-7. Napa-practice ko ang craft ko sa pag-arte.”

Hindi ba niya hinahangad na yung ibinigay na karakter ni Aljur ngayon sa Kambal Sirena ay napunta sana sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahayag ni Mike, “Hindi, ibinigay sa kanya yun, e.

“Sa kanya ibinigay ang role na yun kaya dapat sa kanya yun.

“Sa akin, may mga ibinigay na rin sa akin noon, so masaya na ako dun.

“Kung mabibigyan ako ulit, mas masaya ako.

“Maghihintay lang tayo ng pagkakataon ulit.”

Pero dahil hindi ang pangalan niya ang nakapronta sa Kambal Sirena, ibig bang sabihin nito ay mas less ang pressure sa kanya kumpara kina Louise at Aljur?

Tugon ni Mike, “Tingin ko, pressure ito sa aming lahat.

“Kahit na anong sabihin natin, palabas namin itong lahat.

“Kung isa sa amin ay hindi aayusin ang trabaho nila, maaapektuhan ang buong show.

“So, teamwork ‘to.”



MAGPAKAILANMAN. Sa isang episode ng GMA drama anthology na Magpakailanman ay gumanap si Mike bilang asawa ng premyado at batikang aktres na si Jaclyn Jose.

Hindi ba siya kinabahan?

Sabi ng 27-year-old actor, “Hindi naman.

“Ang ginawa ko kasi, minahal ko si Ms. Jaclyn Jose. Kailangan mahalin mo bilang girlfriend, mahalin mo bilang asawa.

“Siguro dahil sa tagal ko na rin o dahil sa kailangan ko. Kung hindi ko ginawang ganun, baka lamunin ako ni Ms. Jaclyn.

“At saka, si Ms. Jaclyn, noong magka-eksena kami, nahahawakan mo siya.

“Kung may gusto kang ibigay sa kanya, tatanggapin niya.

“Madali siyang katrabaho. Yun ang nakakatuwa.

“Hindi ka mai-intimidate sa kanya. Open siya sa ‘yo, nakakausap mo siya.”

Dagdag ni Mike, “Pero masaya ako na nakakausap ako ni Direk Andoy [Ranay], na yun ang gusto niyang arte, simple lang.

“Binati pa niya ako sa Instagram. Masaya na ako dun, sobrang saya ko na dun.

“Na-appreciate ka ng director mo.”

Gusto raw baguhin ni Mike ang takbo ng kanyang acting career, mula sa pagiging matinee idol papunta sa pagiging isang aktor.

“Gusto kong makita ako ng mga tao bilang aktor. Yung nakikita ng mga tao ang versatility ko bilang aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung hindi nila ako nakikita bilang isang mukha lang o yung mukha ko lang ang napapansin nila.

“At least, kapag nagkausap tayo, naaalala niyo kung ano ang ginawa ko. Yung tumatak.

“Minsan may nagbi-bring up pa ng Kung Aagawin Mo Ang Langit, Legacy… nakakatuwa, kasi tumatak yung ginawa ko.”

Naniniwala si Mike “na-achieve” na niya ang maging mahusay sa pag-arte, lalo na kung ikukumpara noon na marami ang bumabatikos sa kanya.

Saad niya, “Opo, sana naman magtuluy-tuloy.

“Pinaghirapan ko talaga para naman maging maayos yung pag-arte ko at mapatunayan ko sa GMA na kaya ko talaga.

“Wala namang madaling landas, lahat kailangan mong paghirapan.

“Kung hindi mo pinaghirapan, ‘tapos kuntento ka na sa ipinapakita mo, baka sa susunod, magulat ka na lang, wala na.

“Hindi naman habang buhay guwapo ka. Tatanda ka, kukulubot ang balat mo.”

MARK HERRAS. Isa sa Kapuso stars na malapit kay Mike ay ang kapwa niya StarStruck alumnus na si Mark Herras.

Ano ang naging reaksiyon ni Mike nang malaman niyang may anak na si Mark sa pagka-binata?

“Proud ako sa kanya kasi inamin niya,” mabilis na sagot niya.

Bilang isa sa malapit na kaibigan ni Mark, alam ba ni Mike na may anak na ito bago pa man ang ginawang pag-amin ng una sa Startalk?

Read: Mark Herras admits fathering baby girl: “Pero ito lang ang masasabi ko, hindi ho kasalanan si Ada.”

Ayon kay Mike, “May hint na ako, kasi kaibigan ko naman yun.

“Pero madalang din kaming magkita kasi kaya hindi rin namin napag-usapan o nabanggit man lang.

“Pero yun nga, sabi ko nga, may hint na rin ako.”

Hindi pa rin daw sila nagkakausap mula nang umamin si Mark.

Pero alam naman daw ni Mark na buo ang suporta nila sa kaibigan.

“Alam niya yun. Ako kasi yung tao na ayoko naman na lahat, idadaan ko sa tweet o sa Instagram para ipakita ang suporta ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ko nga, sa showbiz, isa si Mark sa pinaka-close ko na artista.

“Alam niya naman na kapag kailangan niya, nandito lang ako, si Buboy [Rainier Castillo].

“Hindi naman mababaw yung pagiging magkaibigan namin,” saad niya.



NOT HIS PLAN. Kumusta naman ang personal na buhay at ang lovelife niya?

“Okay naman, ganoon pa rin,” matipid na sagot ni Mike.

Kailan naman kaya magkakaroon ng Mike Tan Jr.?

Sagot niya, “Matagal pa ‘yan, wala pa po sa plano.

“At saka, hindi ko pa po iniisip.

“Ayoko kasi na kapag nagkaroon ako ng anak, mag-suffer ang bata. Hindi mo maibigay yung dapat na sa kanya.

“Nanggaling din naman kasi ako sa mahirap na pamilya.

“Naranasan ko ang hirap na kapag may gusto ka, hindi mo magawa.

“Yung edukasyon mo, hindi naibibigay nang buo sa ‘yo, yun ang pinakamahirap.

“Ayokong maranasan ng anak ko yun.

“Gusto ko, kapag nagkaanak ako, maibibigay ko ang lahat ng para sa kanya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN