Gladys Reyes fears losing her niche as kontrabida actress to younger stars

Gladys Reyes is usually the first choice when casting for an antagonist in a teleserye.


Hindi pa raw handang mag-retire si Gladys Reyes sa kanyang paglabas bilang kontrabida sa mga teleserye.

Kahit marami na ang puwedeng pumalit sa kanyang trono bilang mga bagong kontrabida, patuloy pa rin ang aktres hanggang may kumukuha sa kanya.

“Siyempre, habang may mga gusto pa na mapanood akong umarte sa mga kontrabida roles, hindi ko puwedeng iwan ito.

“Dito na tayo nakilala at ito na nga ang naging career natin sa showbiz.

"Kaya nandito pa rin ako kahit na may mga mas bata at mas sariwa pa sa akin!” sabay tawa ni Gladys nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng Kambal Sirena.



COMPETITION. Hindi naman itinatanggi ni Gladys na medyo kinakabahan siya dahil marami sa mga baguhan ngayon ang gustong pasukin ang teritoryo niya sa pagiging kontrabida.

Natutuwa naman si Gladys dahil kung noon ay iniiwasan ng ibang artista ang maging kontrabida, ngayon ay nag-aagawan na sila para sa ganitong role.

“Sa totoo lang, maraming magagaling na magkontrabida.

“Napapanood ko sina Maxene Magalona, Pauleen Luna, Winwyn Marquez, Rich Asuncion, Joyce Ching, at Michelle Madrigal.

"May sarili silang mga style sa pagiging kontrabida.

“Kanya-kanya namang style talaga ’yan.

"Kahit na sina Cherie Gil, Jean Garcia, Eula Valdes, may sarili silang tatak na hinahanap ng mga manonood.

“Tama nga na nagiging important role na ang pagiging kontrabida.

“Kahit na sa mga roles ng mga lalaki, gusto rin nilang maging kontrabida kasi nga nakakapag-create ka ng character mo.

“Nakakagulat nga na pinag-aagawan na ang maging kontrabida ngayon.

“Kaya kaming mga veterans na sa pagiging kontrabida e may mga kakumpitensiya na kami.

“Thankful lang ako na kapag may casting nga for a new teleserye, mabilis nila akong naiisip kapag may kontrabida roles.”

CHROMA. Sa Kambal Sirena ay first time na maging kontrabida si Gladys na kailangan niyang mag-costume at mag-prosthetics.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang si Barracuda, kailangan magsuot ni Gladys ng mabigat na mermaid’s tale with matching headdress pa.

Sa chroma wall parati ang taping ni Gladys dahil hindi siya puwedeng kunan sa location ng Kambal Sirena sa dagat.

“Kami ni Angelika dela Cruz, chroma kami parati dahil nga sa costume namin.

“Pero kahit na nagte-taping na sila sa dagat, nakakasama pa rin namin sina Polo Ravales, Rich Asuncion, Yul Servo, at Louise delos Reyes sa chroma.

“Kahit na sa chroma lang kami kinukunan, mahirap din kasi kailangan tiisin mo yung init ng ilaw, yung bigat ng costume.

"Pero in fairness kapag mapanood mo naman sa monitor ang eksena namin, ang ganda.

“Magaling itong director naming si Dondon Santos, kasi alam niya ang magagandang anggulo at maayos siyang magbigay ng directions sa amin,” pahayag ni Gladys.

SENSITIVE SKIN. Ang naging problema lang ni Gladys ay ang prosthetics na inilagay sa kanya dahil nagkaroon ng hindi magandang reaction sa kanyang balat.

“Noong una naman akong lagyan ng prosthetics, wala namang naging problema.

“Kinabitan kasi ako ng mga tahong, mga barnacles sa may leeg at braso ko.

"Si Barracuda kasi, matanda na siya at matagal siyang nagtago sa pinakamalalim na parte ng dagat na malayo sa Sirenadia.

“Nakapag-shoot naman ako ng maraming eksena, pero noong tumatagal na yung init ng ilaw, humahapdi na, hanggang sa nagkaroon na ako ng rashes.

“Kaya nag-sorry ako kay Direk Dondon. Sinabi ko na hindi ko talaga kaya yung prosthetics na kinakabit sa akin.

"Alam niyo naman itong balat ko, super-sensitive ever.

“Nakiusap naman ako kung puwede nilang gawan ng paraan para hind imaging mahapdi sa balat ko ang prosthetics.

"Ayoko namang maging cause of delay kaya gumawa naman sila ng paraan.”

CHILDREN. Malapit lang daw sa bahay nila sa studio sa may Marcos Highway kunsaan kinukunan ang mga eksena ni Gladys, kaya minsan ay dumadalaw ang mga anak niya na tuwang-tuwa sa kanyang costume.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, “First time nila akong nakitang nag-costume.

"Yung bunso ko ngang si Carl, medyo natakot kasi nakakatakot nga naman ang make-up ko at ang suot kong costume.

“Pero later on ay okey na siya.

"Panay na ang pa-picture ng mga bagets sa akin na pinu-post ko sa Instagram at Facebook.

“Para raw akong kontrabida sa The Little Mermaid!” sabay tawa niya.

Bukod sa Kambal Sirena, busy rin si Gladys sa kanyang show sa Net 25, ang Moments, na nasa ika-25th season na.

Aktibo rin si Gladys sa kanyang trabaho bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN