Carl Guevara careful about admitting his relationship with Kris Bernal

Bagamat hindi pa nila direktang inaamin ang kanilang relasyon, marami ang naniniwalang sina Carl Guevara at Kris Bernal na. Ngunit itinanggi ng hunky actor na kaya hindi nila maamin ang kanilang relasyon ay dahil may nagbabawal sa kanila.


Wala pa ring ginagawang pag-amin si Carl Guevara tungkol sa relasyon nila ng Kapuso actress na si Kris Bernal.

Noong 2012 pa nagsimula ang panliligaw ni Carl kay Kris, at balitang sinagot na siya ng dalaga noong nakaraang taon.

Niregaluhan pa nga ni Carl si Kris ng aso bilang simbolo ng kanilang pagmamahalan.

Pero parehong tahimik ang dalawa tungkol sa kanilang relasyon kahit na may nagpapatunay na sila na at ilang beses na silang nakikitang nagde-date.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Carl sa press conference ng indie film na Flying Kiss, sa Department of Health Compound, Sta. Cruz, Manila, noong March 14, sinabi nitong hinihintay niyang manggaling kay Kris ang pag-amin sa relasyon nila.

“Kailangan manggaling kay Kris.

“Mahirap na kasi, baka kapag umamin ako, bigla naman siyang mag-deny.

“Kaya mas maganda na yung manggaling ang pag-amin kay Kris.

“Kung ano ang sabihin niya, yun na ‘yon,” pahayag ni Carl.



NOT ALLOWED TO ADMIT? Dahil dito, hindi tuloy maiwasang isipin ng iba na may nagbabawal sa kanilang dalawa na aminin ang relasyon nila.

Si Kris kasi ay may mga fans na ang gusto para sa kanya ay si Aljur Abrenica, kahit na meron nang Kylie Padilla ang aktor.

Si Carl naman ay wala muna sa bakuran ng GMA dahil tinanggap nito ang show sa TV5, ang local adaptation ng hit U.S. series na Pretty Little Liars.

Itinanggi naman si Carl na may humaharang sa pag-amin nila ni Kris.

Sabi niya, “Wala naman pong gano’n.

“From the start naman, wala namang nagbawal sa akin na ligawan si Kris.

“Kung hindi puwede, sana hindi na natin itinuloy, ‘di ba?

“Kaya wala namang humaharang.

“Tamang timing lang siguro ang hinihintay ni Kris.”



FLYING KISS. Second indie film ni Carl ang Flying Kiss, na idinirek ni Crisaldo Pablo.

Isa itong advocacy film tungkol sa sakit na tuberculosis o TB.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama nila sa pag-promote ng indie film ang Department of Health sa pangunguna ni Dr. Enrique Tayag.

Ayon kay Carl, “Nakakatuwa ngang all-out ang support ng DOH sa project na ito.

“First time kong gumawa ng isang advocacy film at marami akong natutunan tungkol sa sakit na TB.

“Marami pa rin palang hindi alam na may gamot na para sa sakit na ito.

“Kailangan lang ng alaga sa gamot at suporta mula sa iyong pamilya. Hindi dapat tayo natatakot, pero kailangan ng pag-iingat din.

“Dito sa Flying Kiss, kapatid ako ni Ate Gay.

“Si Ate Gay ang nagkaroon ng sakit dito na TB at ako ang nagtiyagang alagaan siya.

“Alam ko na maraming magtutulungan ang pelikulang ito, lalo na sa mga kulang sa information about TB.

“Ang kikitain ng movie namin ay mapupunta sa TB Task Force.

“Sila ang grupo na naghahatid ng tamang information at nag-aasikaso ng medical missions para sa sakit na ito nationwide.”

Nagsimula na ang special screening ng Flying Kiss kahapon, March 19, at magtatagal ito hanggang March 25, sa SM Megamall, SM City North EDSA, at SM Manila.

Bukod kay Carl, kasama rin sa Flying Kiss sina Winwyn Marquez, Fabio Ide, Ate Gay, Maey Bautista, at Maria Isabel Lopez.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN