Dennis Trillo shares acting award with My Husband’s Lover co-star Tom Rodriguez: “Hindi ko magagawa ’yon kung akong mag-isa [lang].”

Despite winning the award for Outstanding Performance by an Actor in a Drama Series during the 5th Golden Screen TV Awards, Dennis Trillo shares the honor with My Husband’s Lover co-star Tom Rodriguez: “Hindi siguro magiging kapani-paniwala na bading na kinikilig kung hindi si Tom ang ka-partner ko, isang matipuno at talented na tao. Malaki ang epekto niya dun sa performance ko.”


Si Dennis Trillo ang ginawaran ng award para sa Outstanding Performance by an Actor in a Drama Series sa 5th Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society (ENPRESS) na ginanap sa Teatrino Greenhills noong Biyernes ng gabi, March 21.

Nakuha niya ang karangalan para sa kanyang napakahusay na pagkakaganap bilang si Eric sa My Husband’s Lover noong nakaraang taon.

Pagkatapos ng awarding ceremonies, masayang nakapanayam si Dennis ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang entertainment press.

DESERVING? Ipinapalabas pa lang ang My Husband’s Lover (MHL) noon, marami na ang pumuri sa makatotohanang pag-arte ni Dennis bilang isang bading. Kaya noon pa man, may mga humuhula at nagsasabing hindi malayong humakot ng award ang aktor para sa natatanging pagganap.

Inaasahan ba niyang mananalo siya bilang Best Actor?

Ayon kay Dennis, “Hindi naman, pero nakita ko, parang walang ano... yung ibang nominees wala rito, baka kako sa akin ibigay.”

Sabi namin kay Dennis, nang gumanap siya sa karakter ni Eric, marami ang naka-relate at nain-love sa kanilang dalawa ni Tom Rodriguez. Naging phenomenal ang kanilang tambalan at talagang pinag-usapan ang MHL. Dahil ba dito’y naramdaman na rin niya ang posibilidad na mapapansin siya ng ilang award-giving bodies?

“Posible, kasi lahat naman kami naghirap para ro’n.

“Kahit sino doon sa show na ’yon, hindi imposibleng manalo ng award talaga,” pahayag niya.

MILESTONE FOR TV CAREER. Kung tutuusin, hindi na rin naman bago kay Dennis ang manalo ng mga acting award dahil ilang award-giving body na rin ang nakapagbigay ng rekognisyon sa kakayahan niyang umarte.

Pero kung tatanungin siya, ano ang kaibahan ng pagkapanalo niya ng Oustanding Performance by an Actor para sa My Husband’s Lover sa dating niyang napanalunan na awards?

Pag-aanalisa niya, “Bihira lang kasi akong mabigyan ng award sa performance ko sa TV.

“Mahalaga ‘to dahil binigay nila sa akin ‘to... yung My Husband’s Lover, kaya napaka-importante rin ng award na ‘to para sa akin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasabi rin niya na dahil sa MHL, tila na-revive ang career niya.

“Totoo ‘yon, totoo ’yon,” pagsang-ayon niya.

“Nagpapasalamat ako, ’yon na nga, tinangkilik ng marami. At the same time, nanumbalik ang interes sa akin.

“Mas nagustuhan nila ko ulit. Aaminin ko, marami akong pinagdaanan sa career ko, isa siyang roller-coaster ride.

“Pero, pagkatapos ng My Husband’s Lover, nag-settle lahat, naging mas maayos. Naging mas maliwanag ang future ko, at yung gusto kong puntahan sa career ko.”

MHL BOOK TWO? May mga balitang magkakaroon daw ng book 2 ang My Husband’s Lover. Sa dami ng naiuwing tropeyo ng serye sa nakaraang 5th Golden Screen TV Awards, magsilbi kaya itong hudyat sa pagkaroon ng sequel ng serye?

“Sana, sana,” nakangiting sabi ni Dennis.

“Kahit kami, gusto naming mangyari yun, lalo na ang mga fans na nabitin. Yung talagang sumubaybay at nag-aabang pa ng maraming kuwento. Sana matuloy, magkaroon ng book 2.”

Aminado naman si Dennis na pagkatapos ng MHL, naging mahirap makahanap ng karakter na makakapantay sa kalidad ng ginampanan niya sa serye.

Lahad niya, “Of course, hindi mawawala ’yon. Ang My Husband’s Lover ay phenomenal na proyekto.

“Ang hirap gumawa ng isa pang project na mapantayan ’yon o malampasan. Kaya masuwerte kami na napasama kami sa grupong ’yon na bumubuo ng show.”

NO RIVALRY WITH TOM. Bukod kay Dennis, nominated din ang MHL co-star niyang si Tom Rodriguez sa parehong kategorya.

Pero kahit natalo niya si Tom, wala raw anumang kompetisyon sa kanilang dalawa.

Sabi ni Dennis, “Wala, walang rivalry sa amin ni Tom. Okay lang sa amin kung siya ang manalo.

“Okay lang din kung ako. At ’yon nga, ibinahagi ko sa kanya dahil hindi ko magagawa ’yon kung akong mag-isa [lang].

“Hindi siguro magiging kapani-paniwala na bading na kinikilig kung hindi si Tom ang ka-partner ko, isang matipuno at talented na tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Malaki ang epekto niya dun sa performance ko.”

MOVIE PROJECTS. Sa ngayon, sa pelikula muna raw ang pokus ni Dennis dahil marami raw itong naka-line up na projects.

Ayon kay Dennis, “Sa TV, puro regional show ako. Lilibutin namin ang buong Pilipinas, ibang probinsiya para bisitahin ang mga Kapuso natin dun.

“Meron akong pelikula sa Cinemalaya at dalawang pelikula sa Regal.”

Ang The Janitor ni Mike Tuviera raw ang gagawin ni Dennis para sa Cinemalaya.

LOVELIFE. Tahimik naman si Dennis pagdating sa usaping lovelife. Kabaligtaran nga ang nangyayari sa kanya ngayon kumpara dati na madalas, kontrobersiyal ang lovelife niya.

Single pa rin daw siya hanggang ngayon.

“Wala e,” nakangiting sabi niya.

“Mas effective sa akin ngayon ang pagiging single, so susubukan ko munang patagalin pa ‘to. Baka mas marami pang magandang bagay na mangyari sa buhay ko at sa career ko.”

Mahigit isang taon na rin daw siyang walang karelasyon.

Kaya biro namin kay Dennis, parang hindi na siya ’yon.

Nakangiting pagsang-ayon naman niya, “Para nga, pati ako naninibago sa sarili ko. Pero mas masaya ako kaya ipagpapatuloy ko muna siguro ‘to.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN