John Lapus hopes for reconciliation between Kris Aquino and Ai-Ai delas Alas

John "Sweet" Lapus on being busy again in his showbiz career: "Promise ko na iyan sa sarili ko. Hindi na ako magrereklamo ever pag wala akong tulog. Again, mas mabuti na yung walang tulog kaysa wala kang ginagawa. Kasi, doon ko mas na-realize, mas nai-stress ako pag wala akong ginagawa."


Aminado si John “Sweet” Lapus na hindi niya alam kung bakit kasalukuyang may tampuhan ang mga kaibigan niyang sina Kris Aquino at Ai-Ai delas Alas.

Pahayag ni Sweet, “Nabalitaan ko nga iyan. Pero wala akong alam.

“Nalalaman ko lang sa iba, nanonood ako ng TV, nagbabasa ako sa PEP.

“Si Ai-Ai kasi, I haven’t seen her in a while. Nagtsitsikahan lang kami sa Instagram.

“Si Kris naman, nagkikita lang kami pag co-host niya ako sa Kris TV, pero matagal na rin kaming ‘di nagkikita.

“Feeling ko naman, matanda na iyang dalawa na iyan, alam na nila ang ginagawa nila.

“As a friend, what I can do na lang siguro is mag-pray na eventually maayos bilang sayang yung friendship nila.

“They have a very strong friendship and friends ko silang dalawa individually.

“So, I don’t wanna be put in a situation na nasa iisang lugar kami na parang hindi kayo nagpapansinan.

“Sana maayos agad-agad,” asam pa ni Sweet para sa mga kaibigan nang makausap siya kamakailan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).



GIVING SPACE. Nasa personality ba ng dalawa na parang give space muna sa isa’t isa and eventually magkakaayos din sila?

Saad ni Sweet, “Si Kris, ganun. Bilang mas matagal na kaming magkaibigan, yes, ganun siya.

“Space muna and, eventually, magiging okay.

“Actually, bilib nga ako sa kanya.

“Kasi, isa si Kris doon sa only a few na nakakagawa ng ganun, yung pag nagpatawad siya, talagang forgive and forget na literal.

“Nakakalimutan na niya na may isyu sila nung tao na yun.

“Ako hindi, e. Minsan, kahit okay na tayo, hindi ko pa rin nakakalimutan yung ginawa mo. Yung careful na ako.

“Pero si Kris, ang galing-galing niya sa ganyan. Naibabalik niya yung trust, yung friendship.

“Knowing Kris, maaayos din ito.

“Sino ba naman ang may gusto ng may kaaway o may kasamaan ng loob o tampuhan?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naniniwala si Sweet na madadaan naman ito sa mabuting usapan.

“Sana mag-usap na sila.

“You know, in fairness kay Kris, baka siya pa ang unang gumawa ng paraan.

“And meron naman siyang reputasyon na ganun, ‘di ba, siya yung unang nakikipag-ayos lagi?

“She always does the first move.

“Sana gawin ulit ni Kris yung first move na naman niya para magkaayos na sila ni Ai-Ai.”



THANKFUL. Ayaw na ayaw raw maging negatibo ni Sweet, lalo na’t maraming positibong bagay at blessings ang dumarating sa kanyang buhay sa kasalukuyan.

Una na rito ang pagkakasama niya sa cast ng bagong early primetime fantaseryeng handog ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment Television, ang Mira Bella.

Malaki ang pasasalamat ni Sweet sa Dreamscape, lalo na sa head nitong si Deo Endrinal, dahil sa patuloy na pagbibigay ng trabaho sa kanya mula noong magsimula siya sa showbiz hanggang ngayon.

Ito ay kahit na hindi raw siya exclusive sa ABS-CBN.

Ayon kay Sweet, “Wala, wala akong kontrata.

“Pero I’m grateful na kahit wala akong kontrata, binibigyan pa rin naman ako ng trabaho, especially super thankful ako sa Dreamscape.

“Simula noong bumalik ako sa ABS, puro Dreamscape lahat yung shows ko.

“Sabi ko nga, parang bilog talaga ang mundo.

“After twenty years sa show business … ang first boss ko noong pumasok ako sa showbiz, as a researcher ng Showbiz Lingó, kay Deo Endrinal.

“Ngayong artista na ako’t lahat, nanggaling na ako sa GMA at lahat, pagbalik ko, si Deo Endrinal pa rin pala yung boss ko.

“So, I’m so thankful and grateful kay Deo na talagang nung malaman niya through our common friends, na mga baklang direktor na kaibigan ko, nung nalaman niya na wala na akong shows sa GMA, agad-agad kinuha nila ako—yung soap ni Angeline [Quinto], yung Kahit Konting Pagtingin.”



BIGGEST BREAK IN A SOAP. Natutuwa rin si Sweet sa kanyang role sa Mira Bella bilang tumatayong pangalawang magulang ng bidang si Julia Barretto as Mira Bella, kasama si Pokwang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, “Actually, this is my biggest break in a soap opera, second lead ako rito.

“Pag gumagawa ako ng soap, yung tipikal na ako yung bakla na nilalagay sa soap to elicit laughter, para ikaw ang maging comic character doon, mag-provide ng tawa.

“’Eto ngayon, hindi lang kami ni Pokwang nagpo-provide ng tawa, kami yung parents ni Mira Bella, na may drama rin at the same time.

“Sabi ko nga, yung role ko, finally, yung hindi matutuloy ang taping pag wala ako. Alam mo yung ganun?

“Kasi yung mga role ko noong araw, ‘pag ibinigay sa iyo yung script, sa bandang dulo ka lang magsasalita, kasi pang-punchline ka lang.

“Eto, kilometric ang dialogues lagi namin ni Pokwang.”



MORE PROJECTS. Bukod sa Mira Bella, busy rin daw si Sweet sa iba pang proyekto. Mas gusto na raw niya yung marami siyang ginagawa kahit wala na halos siyang pahinga.

“Alam niyo naman ako, workaholic ako, gusto ko lagi may trabaho.

“Promise ko na iyan sa sarili ko. Hindi na ako magrereklamo ever pag wala akong tulog.

“Again, mas mabuti na yung walang tulog kaysa wala kang ginagawa.

“Kasi, doon ko mas na-realize, mas nai-stress ako pag wala akong ginagawa.

“So, ngayon, segue-segue ako sa projects ko sa Dreamscape

“Eto [Mira Bella], ‘tapos may Wansapanataym [‘Si Lulu at Si Lily Liit’] ako.

“Support ako doon kina Jairus [Aquino] at saka kay Sharlene San Pedro na loveteam.

“So, bina-back-to-back ko ito at saka yung Wansa.

“’Tapos nag-resume na kami nung movie with Vhong Navarro, yung The Possessed.”

Speaking of Vhong, kumusta ang actor-TV host sa pagbabalik nito sa shooting ng movie nila, kahit na may mga pinagdadaanan itong kontrobersiya ngayon?

Sabi ni Sweet, “Okay naman. He looks happy.

“Magaling na yung mga pasa niya, yung mga sugat niya.

“He’s doing well, nagpa-punchline na, tumatawa na.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

So, balik na ba si Vhong sa pagiging makulit nito?

“Precisely,” sambit ni Sweet.

“Pero kahit papaano, makikita mo na may fear for himself kahit papaano.

“And sa nangyari naman, sino ba naman ang hindi matatakot?

“But he’s back and, at least, nag-resume na ulit kami.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN