Chariz Solomon gives sisterly advice to twin brothers Fourth and Fifth before entering PBB house

Ito raw ang paalalang ibinigay ni Chariz Solomon sa kanyang mga kapatid na sina Fourth at Fifth bago pumasok sa Bahay Ni Kuya ang kambal: “Huwag sila mag-aaway doon. Relax lang sila at mag-enjoy. Huwag sila masyadong mag-isip. Just go with the flow lang para ma-enjoy nila ang ginagawa nila sa Bahay ni Kuya.”


Kabilang sa housemates sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother All In ang kambal na kapatid ng Kapuso comedienne na si Chariz Solomon—sina Bobby at Robert Solomon.

Ngunit sa loob ng Bahay Ni Kiua ay ipinakilala ang kambal bilang sina Fourth at Fifth Pogotan.

Sina Fourth at Fifth ay dating miyembro ng all-male dance group na Danz Squad at nakagawa na rin ng ilang TV commercials.

Lumabas din sila sa iba’t ibang shows ng GMA Network.

Ayon kay Chariz, mas kinakabahan pa siya kaysa sa kanyang mga kapatid nang pumasok ang mga ito sa PBB house.

Natatawang sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Sa totoo lang, mas ako pa ang natatakot kesa sa kanila.

“As if ako yung housemate, ‘di ba?

“Siguro nga dahil alam ko yung pressure sa loob ng showbiz.

“At the same time, natatakot ako na baka may umaway sa kanila or may mang-bash sa mga kapatid ko.

“Kasi ayoko yung masasaktan sila.

“Kapag hurt sila, mas nasasaktan ako. Kaya lagi ko silang ipinagdarasal.”

Naiyak nga raw si Chariz noong napanood niya sa TV ang pagpasok ng kambal sa loob ng Bahay ni Kuya.

Sabi ng Bubble Gang mainstay, “Hindi ko kasi sila maihatid. Alam naman nila ang dahilan kung bakit hindi ako puwede.

“Pero nag-promise ako sa kanila na lagi ko silang aabangan.

“One hundred days sila sa loob ng Bahay ni Kuya. Dasal ko nga na umabot sila hanggang sa kahuli-hulihang araw.”

Binigyan naman daw ni Chariz ng sisterly advice ang kanyang twin brothers bago sila magkahiwalay.

Aniya, “Huwag sila mag-aaway doon. Relax lang sila at mag-enjoy.

“Huwag sila masyadong mag-isip. Just go with the flow lang para ma-enjoy nila ang ginagawa nila sa Bahay ni Kuya.”



MOMMY CHARIZ. Samantala, kinumusta rin ng PEP kay Chariz ang kanyang bagong role bilang ina sa kanyang baby boy na si Apollo, five months old.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masayang-masaya raw siya dahil nababantayan niya nang husto ang paglaki ng kanyang baby.

Kuwento niya, “Super happy ako sa life ko ngayon. Wala na akong ibang hihilingan pa talaga.

“Every day, may nakikita akong bagong ginagawa ng baby ko.

“Pansin ko nga, mahilig siyang magpapansin!

“Napaka-smart niya. Very expressive siya. Mahilig tumawa at napakalikot.

“Tuwang-tuwa ako kapag magkasama kami at naglalaro.

“Mabilis ko siyang nami-miss kapag nasa trabaho ako.”

Regular na napapanood si Chariz sa gag show na Bubble Gang at sa comedy series na Pepito Manaloto.

Parehong once-a-week lang ang shows ni Chariz sa GMA dahil gusto niyang magkaroon ng mas maraming oras sa kanyang baby.

Saad pa niya, “Actually, ayoko muna sana mag-teleserye kasi gusto ko talaga tutukan ang anak ko.

“Kung noon, sunud-sunod ang mga teleserye ko, ‘di ba, hindi ako napapahinga talaga.

“Ngayon, hindi muna ako puwede sa mga three times a week na taping.

“Okey lang sa akin yung once a week para hindi tayo pagod at may energy pa ako para sa asawa at anak ko.”

Ang huling teleserye ni Chariz ay ang Unforgettable noong 2013.

Bagamat nami-miss na niya ang gumawa ng teleserye, mas importante raw kay Chariz na marami siyang oras na maibubuhos sa kanyang pamilya.

“Very supportive naman ang GMA-7 sa akin.

“Ever since nagpakasal ako, ’tapos nabuntis ako, hanggang sa nanganak ako, hindi sila nagsawang bigyan ako parati ng raket.

“Yun nga lang, hindi pa ako puwedeng mag-teleserye dahil naiintindihan naman nila ang katayuan ko ngayon as a mom and a wife.

“Thankful ako na binigyan pa rin nila ako ng dalawang shows na magaan ang schedule ng taping.

“Maaga ako natatapos at nakakauwi ako agad sa akin pamilya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN