Senator Bong Revilla ready to face possible incarceration due to plunder raps: “Kung ikukulong kami, now na.”

Senator Bong Revilla claims a source told him that Malacañang is speeding up the filing of plunder case against him at the Sandiganbayan. "Dahil sa naging mensahe natin kahapon na pinipilit natin na ilahad na ni Secretary De Lima yung list, may nakuha kaming info na parang mas pinabilis na ng Palasyo yung maisampa na agad yung kaso sa amin sa Sandiganbayan."


“Ang masasabi ko lang, kung ikukulong kami, now na.

"Sobra na ang sakit na nararamdaman ko, ng pamilya ko.

“Kung gagawin man nila ’yon, I’m ready.”

Ito ang ipinahayag ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. pagkatapos niyang makatanggap ng impormasyong diumano’y minamadali ng Malacañang ang pormal na paghahain ng kasong plunder laban sa kanya sa Sandiganbayan.

Tila may kinalaman umano ito sa pag-alma niya kaugnay ng patuloy na pananahimik ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima tungkol sa iba pang mga senador na nadadawit sa pork-barrel scam.

Pahayag ni Senator Revilla, ayon sa ulat ng dzBB noong May 7, Miyerkules: “Dahil sa naging mensahe natin kahapon na pinipilit natin na ilahad na ni Secretary De Lima yung list, may nakuha kaming info na parang mas pinabilis na ng Palasyo yung maisampa na agad yung kaso sa amin sa Sandiganbayan.”

Sa pagkakaalam ng senador, anumang oras ay nakatakdang ihain ng Office of The Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban sa kanya.

Sabi niya ukol dito, “Tomorrow [May 8], Friday [May 9], or early next week...”

NAPOLES’S ALLEGED LIST OF COHORTS. Matatandaang nagbigay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles kay Secretary De Lima ng listahan ng lahat ng mga nakatransaksiyon niyang mambabatas kaugnay ng diumano’y P10-billion Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Read: Napoles squeals on Senators Bong Revilla, Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada

Ayon sa hiwalay na ulat ng GMA News Online noong April 25, inihayag ni Sandra Cam, presidente ng Whistleblowers Association, na halos 100 na mambabatas ang pinangalanan ni Napoles sa naturang listahan.

Kabilang umano dito ay mga opisyales na kasalukuyang nasa puwesto at ibang mga tapos na ang termino—16 senador, dalawang cabinet officials, at 80 kongresista.

Maging si Panfilo Lacson—dating senador at kasalukuyang rehabilitation czar ng bansa—ay nakakuha rin ng sarili niyang kopya ng naturang listahan bago pa man daw nakakuha ng kopya si Secretary De Lima noong April 22.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay nito, inirereklamo ni Senator Revilla kung bakit siya pilit na idinidiin sa kasalanang hindi raw niya ginawa.

Aniya, “Ang ano lang natin, e, marami ring dapat sagutin ang Malacañang. Yung sa DAP [Disbursement Acceleration Program], ano nang nangyayari dun? Yung sa Malampaya?

“Higit sa lahat, yung listahan, nasaan na ang listahan? Ilabas na ’yang listahan na ‘yan.

“Pero kung gano’n pa man, kung kami gagawing panakip dito, wala po kaming magagawa.

“Basta mga kababayan, malinis po ang aking konsensiya.

“Kung ano man ang plano ng admin na ito sa akin, nakahanda po ako. ’Yon lang.”

“WAY OF HARASSMENT.” Ayon pa kay Senator Revilla, inaasahan na niyang kasabay ng pormal na paghain ng kaso sa Sandiganbayan ay ang pag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya.

Nagpahayag din ng sentimiyento ang actor-politician na bago pa man lumabas ang plunder complaint laban sa kanila nina Senator Jinggoy Estrada at Senator Juan Ponce Enrile noong September 2013 ay mayroon nang pagbabanta na makukulong sila.

Saad niya, “Nakakalungkot [man], bagamat saan pa ba naman hahantong ‘yan?

“Noon pa naman, matagal na tayong parang, di ko alam, way of harassment sa amin.

“Sabi ko nga, August pa lang sinasabi na ikukulong kami…

“Sinabi ko nga noon pa na ipinaubaya ko na lahat ito sa Panginoon.

“Pero sabi ko nga, ang hiling ko, ‘wag naman idamay ang pamilya ko.”

Sa kabila ng diumano’y panggigipit na nararanasan niya, determinado si Senator Revilla na labanan ang kasong plunder na kinahaharap niya ngayon.

“Well, ginagawa naman lahat ng legal team namin kung ano yung nasa batas.

“Pero parang pakiramdam namin, parang wala na tayong hustisya.

“Kaya kung ano man yung plano nila, I’m ready. ’Yon lang.”

DE LIMA’S STANCE. Samantala, nanindigan si Secretary De Lima na hindi pa niya puwedeng isapubliko ang listahan ng mga mambabatas na nakatransaksiyon diumano ni Napoles.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay sa kadahilanang hindi pa tapos ang "vetting process" o background check kaugnay ng authenticity ng impormasyong ibinigay ng sinasabing mastermind ng pork-barrel scam.

Nakatakda ring makipag-ugnayan si Secretary De Lima kay Lacson upang maikumpara nila ang kani-kanilang hawak na listahan.

"I want to know kung pareho ang listahan. I want to know as part of the vetting process kung okay," saad ng DOJ Secretary sa panayam ng GMA News Online kagabi, May 8.

Sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang grupo at personalidad na ihayag ang iba pang mambabatas na sangkot sa scam, iginiit ni Secretary De Lima na parte ng trabaho niya ang i-validate ang ganitong klaseng impormasyon.

"Siguro ang iba, honest-to-goodness, gusto nila malaman ang laman ng listahan.

"Pero may ibang ang agenda nila ay para hindi na ma-focus sa tatlong senador at para damay-damay na," dagdag pa ni Secretary De Lima, na ang pinatutungkulan ay sina Senator Revilla, Senator Enrile, at Senator Estrada.

Muli ring ginarantiya ni Secretary De Lima sa publiko na hindi niya lilinisin ang listahan ni Napoles.

Taliwas ito sa alegasyon ng ilan na sadyang pinatatagal ng DOJ Secretary ang pagbunyag ng testimonya ni Napoles upang pagtakpan ang mga sangkot na mambabatas na kaalyado ng administrasyon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN