Marian Rivera cooking up something special on Mother’s Day

Nakapili na ng dalawang winners si Marian Rivera para sa kanyang pa-contest sa Instagram. Bukod sa mga papremyo ay dadalhin niya ang dalawang winners, kasama ang kanilang mga ina, sa taping ng Carmela ngayong araw, May 9.


Nakapili na ng dalawang winners si Marian sa ginawa niyang pa-contest sa Instagram para sa Mother’s Day, ang #YanAngNanayKo.

Ngayong araw na ito, May 9, makikita nang personal ng Kapuso Primetime Queen ang dalawang winners, na nag-post ng mga larawan kasama ang kanilang mga ina sa Instagram account ni Marian.

Katulad ng ipinangako ni Marian, bukod sa mga matatanggap na regalo ng mag-ina mula sa mga ini-endorso niyang produkto, makakadalaw rin ang mga ito sa taping ng Carmela: Ang Pinakamagandang Babae Sa Mundong Ibabaw.

Kuwento ng aktres, “So, iti-treat ko sila at igagala sa Carmela at sa mga cast at magla-lunch kami together.

“At nagpapasalamat ako sa mga sponsors ko na nagbigay.

“Kasama na riyan ang Belo na nagbigay ng gift certificate para sa mga nanay na may libreng facial.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Marian sa launching niya bilang pinakabagong celebrity endorser ng Belo Medical Group—para sa kanilang Belo Summer Campaign na Laser Hair Removal at Venus Freeze—kahapon, May 8, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

Marami sa followers ni Marian ang tumugon at sumali sa pa-contest niyang ito sa Instagram, kunsaan nag-post sila ng picture kasama ang kanilang ina at isinulat kung gaano nila kamahal ang kanilang ina at kung ano ang kaya nilang gawin para rito.

Umabot daw sa mahigit 900 ang sumali sa loob lamang ng dalawang araw. Nahirapan ba siya sa pagpili?

“Ang hirap,” nakangiting sagot ni Marian.

“Every day, talaga tsine-check ko.

“At siyempre, gusto ko, anong dahilan at totoong dahilan at natamaan ako kung bakit mahal nila ang nanay nila.”



MOTHER’S DAY. Ngayong Linggo na, May 11, ang Mother’s Day.

Hindi naman kaila sa karamihan ang pagiging malapit ni Marian sa kanyang dalawang “ina”—ang kanyang mama na si Amelia Rivera at lola na si Francisca Rivera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May plano na ba siya para sa dalawa ngayong Mother’s Day?

Sabi ni Marian, “Magdi-date kami, pero hindi ko lang alam, may binubuo pa ako.

“Sa umaga kasi nun, may balak akong puntahan na lugar, plano ko pa.

“Bale sa umaga, para pakainin ang mga nanay na ‘to, then sa gabi, iti-treat ko ang lola ko at si Mama.”

Ayaw na sanang ipasulat ni Marian kung saan niya planong magpunta sa umaga ng Mother’s Day lalo’t hindi pa raw sigurado. Pero sa Hospicio de San Jose raw sana niya gustong pumunta.

“Balak ko sana silang pakainin ng lunch, pero hindi pa sigurado kung maa-approve.

“Kasi, ang daming naka-lineup na gustong magpakain sa kanila. Sana isa ako sa ma-approve.”

Tuwing nagpo-post si Marian ng mga larawan niya kasama ang mama at lola niya sa kanilang mga date, ano ang nagiging reaksiyon ng mama niya?

“Si Mama ko, sobrang tahimik. Hindi talaga siya stage mother, diyan lang siya.

“May Facebook siya at nakikita niyang lahat, pero hanggang doon lang siya!” natatawang sabi ng aktres.



LOCAL VERSION. Sa isang banda, marami sa fans nina Marian at Dingdong Dantes ang gumawa ng petisyon sa social media, na sana raw ay gumawa ang dalawa, kung saka-sakali, ng Pinoy remake ng My Love From The Star—ang hit Koreanovela na kasalukuyang ipinapalabas sa GMA.

Natawa naman si Marian saka sinabing, “Oo nga, ang daming nagsasabi sa akin.

“Pero ipinapalabas pa siya ngayon, parang napakaaga naman kung ire-remake ko na.”

May pagkakataon na napapanood daw niya ang nasabing Koreanovela.

“Nakakatawa, puwede nga, kasi komedyante yung babae.”

Nai-imagine ba niya na silang dalawa ni Dingdong ang gagawa ng Pinoy remake ng My Love From The Star?

“Why not? Puwede, puwede,” nakangiting sabi niya.

“Ang tagal na naming hindi nagkakasama—although may gagawin siya ngayon, at ako naman patapos na—malay niyo, balang-araw, magka-partner kami.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



CARMELA. Malapit nang matapos ang primetime series ni Marian na Carmela. Ano na ang mga mangyayari?

Sabi niya, “Ay, napakasalimuot naman, pero ano ‘yan, sinisigurado ko na ang ending ng Carmela ay kakatuwaan nila at may mapupulot silang aral kung bakit ginawa ni Carmela ang lahat ng ito at kung sino si Carmela sa buhay nila.”

Ano naman ang reaksiyon ni Marian sa balitang may mga DongYan fans daw na hindi masaya o supportive sa Carmela, lalo na kapag eksena nila ni Alden Richards?

Saad niya, “Gusto ko lang linawin ‘yan na ang DongYan fans ay isa sa pinakamalawak ang pag-iisip.

“Mahirap mag-judge, mahirap magpunto kung ano ang nagaganap, kung sila man ‘yan o hindi, pero malaki ang tiwala ko sa mga DongYan na kung anuman ang ginagawa naming trabaho ni Dong, susuportahan nila sinuman ang kapareha namin.

“Happy lang. Ang buhay ay ganoon talaga, hindi perfect.

“Ano talaga ‘yan, rough road, ang kailangan lang ay iwasan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN