Marian Rivera extends Mother’s Day celebration by visiting women and children with disability

Bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang Ambassador of Women and Children with Disability, binisita ni Marian Rivera ang ilang mga kababaihan at mga kabataang may kapansanan sa isang barangay sa Caloocan City.


Extended ang selebrasyon ni Marian Rivera ng Mother’s Day nang dumalaw ang Kapuso Primetime Queen sa mga taga-Phase 4 ng Bagong Silang, Caloocan, kahapon, May 13.

Ito ay bahagi ng mga gawain niya bilang Ambassador of Women and Children with Disability.

Namigay si Marian ng mga regalo at nagpakain siya sa mga kabataan at sa mga nanay na may anak na may kapansanan.

Sabi ng Kapuso actress sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Nagdaan ang Mother’s Day at isa yun sa pinakaimportanteng okasyon para sa akin.

“Kaya sabi ko, wala akong trabaho ngayon, bakit hindi ko i-extend ang Mother’s Day.

“Dito sa barangay nila naisip ko, kasi isa ito sa pinakamalaking barangay na may kapansanan talaga—mga kabataan man o mga kababaihan, nandito lahat halos.”

Nangako si Marian na iikutin daw niya ang iba’t ibang bahagi ng bansa para madalaw ang mga lugar na may mga kabataan at kababaihan na may kapansanan.

“’Tulad ng speech ko kanina, ayokong mangako ng mga bagay-bagay, pero gagawin ko ‘yan sa abot ng aking makakaya,” sabi niya.

Kahit paano ay mayroon daw siyang magawa, kahit maliit lang na tulong sa mga may kapansanan.

Ani Marian, “Ayoko naman kasing isipin nila na pinili nila ako na ambassador na walang nagagawa.

“Gusto ko siyempre may maitulong ako sa abot ng aking makakaya.”

BONDING WITH HER MOM AND LOLA. Natuwa si Marian dahil sinamahan pa siya ng kanyang ina na si Amelia Rivera sa event na iyon.

“Happy ako, kasi sinabi ko kay Mama na meron akong project ngayon na pupuntahan.

“Sabi niya, ‘Anak, sasamahan kita. So, kasama ko si Mama,” pakli ng aktres.

Masaya rin daw nilang ipinagdiriwang ag Mother’s Day noong Linggo, May 11. Ginugol niya ang araw na iyon kasama ang kanyang ina at lola na si Francisca Rivera.

“Nag-church kami, ‘tapos nag-dinner kami,” banggit ni Marian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi pa raw tapos iyon dahil itutuloy nila ang bonding sa Sabado, May 17, pagkatapos ng taping niya sa Carmela.

Matagal na raw niyang ipinangako sa mama at lola niya na mag-out of town sila kaya tutuparin niya ito sa Sabado, dahil tapos na rin siya sa Carmela.

CARMELA INCIDENT. Ngayong araw, May 14, kukunan ang highlights ng ending ng Carmela kaya pinaghahandaan na ito ni Marian ito.

Gusto raw niyang maganda at matuwa ang mga sumusubaybay sa ending ng kanyang pinagbibidahang drama series.

Tinanong na rin namin kay Marian ang insidenteng panggugulo ng tatlong lalaking lasing sa set ng Carmela sa isang bar sa Malolos, Bulacan.

Naibahagi ng production staff ng primetime series ng GMA na hindi raw talaga sila iniwan ng aktres hangga’t hindi sila okay at nakapag-blotter sa police station.

Kuwento ni Marian, “Tulog ako nung nangyari iyon.

“Pagkagising ko, bumaba ako, tapos na pala ang gulo, pero nandun pa sila.

“Hindi ko sila iniwan.

“Siyempre, may mga bagay talaga sa taping na hindi talaga lahat makokontrol.”

Kahit pinapauwi na siya ng kanilang executive producer, hindi umalis si Marian hangga’t hindi sila maayos at nakapag-blotter sa police station.

Ang gusto ng bida ng Carmela ay sabay-sabay silang umalis at walang maiiwan.

“Ayoko talagang umalis. Kahit babae ako, parang hindi naman ako papayag na may maagrabyado sa Carmela.

“Higit sa lahat, sabi ko, hindi talaga ako aalis hangga’t hindi ko matiyak na safe sila.

“Hindi ko hahayaan ang mga tao,” pahayag ng Kapuso actress.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN