Carlo Aquino fondly recalls romantic past with Angelica Panganiban

Carlo Aquino, a Noranian, is set to work with Nora Aunor in the indie film, Whistleblower.


Hindi maipaliwanag ni Carlo Aquino ang nararamdaman habang pinaghahandaan ang pagsisimula ng kanyang shoot para sa indie film na Whistleblower.

First time niya kasing makakasama si Nora Aunor, aniya, “Anak ni Ate Guy ang role ko."

Wala pa raw nakukunang eksena na magkasama sila pero, “Ibang klase ang pakiramdam.

"Siyempre si Ate Guy ‘yon.

“Ang dami ko ngang picture sa kanya, e,” sabay tawa ni Carlo.

“Unang pagkikita namin… sa YCC [Young Critics Circle].

"Inawardan siya ’tapos nagpa-picture ako.

“Fan mode ako no’ng time na ‘yon. Nagpa-picture talaga ako!” tawa ulit niya.

Bukod sa Whistleblower, ginagawa rin ngayon ni Carlo ang Cinemalaya entry na Ronda.

Si Ai-Ai delas Alas naman ang kasama niya rito.

“Kahit cameo role lang ako, okey lang sa akin kasi gusto kong magkasama kami ulit ni Mama," ang tawag niya sa Comedy Queen na naging nanay niya sa pelikulang Ang Tanging Ina, na nagkaroon ng tatlong sequels.

Dugtong ni Carlo, “At saka wala namang kaso sa akin kung maiksi man ang role.

"Ako naman basta may pagkakataong umarte, aarte at aarte ako.”


Nakakuwentuhan si Carlo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa birthday party ng movie reporter na si Rommel Placente na ginanap noong Linggo, May 5, sa R Bistro sa Timog Avenue, Quezon City.

"ANGELIC". Samantala, okay naman ang naging feedback sa performance ni Carlo bilang isang kontrabida sa huling soap na ginawa niya sa ABS-CBN, ang Annaliza.

Aniya, “Okey lang din sa akin kung sakaling ma-typecast ako sa mga kontrabida roles.

"Wala naman kaso sa akin ‘yon kasi mahal ko naman ang trabaho ko.”

Pero nag-komento yung ilang miyembro ng press na mas gusto raw siyang mapanood na nagpu-portray ng mabait na character.

Bukod sa guwapo ay angelic daw kasi ang mukha niya.

“Wow!” ang nakangiting reaksiyon ni Carlo.

Maganda rin ang feedback sa episode ng Maalaala Mo Kaya na ginawa nila ng ex-girlfriend na si Angelica Panganiban.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya ako na nabigyan kami ng chance to work with each other again, kailan pa ba ‘yong huling MMK namin?

“Nine, 10 years ago pa yata, ang tagal nang hindi kami nagkasama.

“Kaya no’ng ginawa namin ‘yong MMK, masaya."

Hulaan niyo ano ang naging topic nila?

"Kuwentuhan kami tungkol sa akin at sa kanila ni Lloydie [John Lloyd Cruz].

“Ako ang unang nagtanong, kinumusta ko si Lloydie.

“Kasi nalaman ko na naaksidente ’tapos nagpapayat dahil do’n sa Century Tuna, di ba? Kaya nagtanong ako.

“And sa tingin ko naman, happy si Angelica kay Lloydie.”

PUPPY LOVE. May panghihinayang ba siyang naramdaman?

“Walang gano’n!” tawa ni Carlo.

“’Yong mga staff ng MMK, nagbibiro na bagay daw kami.

"Siguro dahil ang tagal din bago kami muling nagkasama ni Angelica.

“And siyempre, espesyal pa rin naman siya kahit papano, e.

"Espesyal pa rin si Angelika dahil ang tagal namin, e.

"Kumbaga from puppy love ’tapos nag-mature kami, kami pa rin, e.”

SWEET GUY. Masaya rin naman siya sa relasyon nila ngayon ng kanyang non-showbiz girlfriend na si Mae.

Four years na sila, hindi pa ba nila napag-uusapan ang kasal?

Pakli ni Carlo, “Wala pa, nag-iipon pa.”

Uso ngayon ang mga proposal, hindi siya naiinggit sa mga masayang nag-aanunsiyo ng pagpapakasal?

“Hindi naman kasi mag-iipon nga muna bago ‘yan.”

Pero kung sakali, pag-iisipan ba niya at pagpaplanuhang mabuti ang gagawing proposal para maging kakaiba ito?

“Ano ‘yong habang nag-i-sky diving?" pabiro niyang pakli.

Dagdag niya, “Para sa akin, kailangan talagang planuhin iyon at pag-isipang mabuti.

"Kasi big deal ‘yan sa mga babae, e.

“Hangga’t maaari siguro, gagawin mong…kahit hindi naman malaki pero siguro, espesyal, oo.

“Sweet din kasi ako, e.

"Gusto ko rin ‘yong mga gano’n na nagsi-set up para sa babae.

“Romantiko rin ako!” nangiti pa niyang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung wedding nga ang pag-uusapan, ang gusto ko talaga sa beach.

"Beach person kasi talaga ako, e.

“Pero matagal pa ‘yon. Gaya nga ng nasabi ko, mag-iipon muna.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN