Toni Gonzaga on missing sister Alex: “Ang tahimik namin sa bahay. At saka, siya talaga ang housemate ko.”

Nami-miss na raw ni Toni Gonzaga ang kanyang kapatid na si Alex na kasalukuyang nasa loob ng Bahay ni Kuya sa PBB All In. Mistulang “mini-library” nga raw ang bahay nila dahil wala ang maingay na si Alex. “E, kasi, kapag nandoon yun, kumakanta yun o may naglalakad ng naka-bra at panty o kung ano ang ginagawa,” kuwento ni Toni tungkol sa kapatid.


Sa sobrang dami ng ginagawa ni Toni Gonzaga ngayon at sa pagiging busy niya sa trabaho, may oras pa ba siya para sa sarili at higit sa lahat, sa boyfriend na si Direk Paul Soriano?

“Oo naman, sa panaginip,” natatawang biro ni Toni sa pakikipag-usap nito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN nung Biyernes, May 23.

“Hindi, ano lang naman ‘yan, palaging ganito ang buhay ko kapag may PBB, pero, 100 days lang naman ‘to sa isang taon.”

Nag-a-adjust si Direk Paul kapag may PBB?

“Parang sanay naman na siya sa pitong taon. Parang kung hindi pa naman siya nasanay e ewan ko na lang.

“Parang sa pitong taon, natanggap na niya. At saka, parang wala pa siya sa buhay ko e nagpi-PBB na ‘ko. Si Kuya ang una kong dyowa.

“2005 ang PBB at magti-ten na next year, so, isang dekada na siya. Three years na akong nagpi-PBB bago dumating si Direk Paul.”

Kumusta nga silang dalawa kapag ganitong sobrang busy siya?

“Ay, sanay na sanay na siya. At saka, busy rin naman siya. Nagkikita pa rin naman kami.

“Noong one time nga, nahuli pa kami sa KrisTV.

“Maaga akong na-pack-up sa shoot ng music video. E, nagsu-shoot pala sila Ate Kris [Aquino] sa isang restaurant sa SM Aura, kumain kami. Mabilis lang pagkatapos ng meeting niya.

“Sabi ko, ‘Kakain tayo. After this, diretso na ‘ko sa shoot ng PBB.’ Nakunan kami ro’n na nagdi-date kami.”

Panakaw na lang ang mga pagdi-date nila?

“Oo, kung gustong magkita, ‘Saan ka?’ Okey naman yun sa amin. Tingnan n’yo, tumagal kami ng seven years.

“Hindi kami nagsasawa. Para kaming palaging high school. Daig pa namin ang mga Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

“Sila, halos every day magkasama. Kami, minsan-minsan lang.”

Paano naman siya bumabawi kay Direk Paul kapag natatapos na ang PBB?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ay, yun naman, palagi niyang kasama ang family ko, palaging kasama ang family niya. Sa bahay namin, bumibisita siya palagi.”

NO PROPOSAL YET. Sa seryosong usapan, hindi pa ba siya naiinip na sa loob ng pitong taon ay hindi pa nagpo-propose sa kanya ang boyfriend?

“Hindi ko pa nga alam, e. Sabi ko nga sa inyo, ang hirap ng may asawa [sa Home Sweetie Home], sa totoong buhay pa kaya,” biro pa ni Toni.

Paano kung unahan pa siyang mag-asawa ng kapatid na si Alex Gonzaga?

“Sabunutan ko siyang talaga, hindi puwede. Hindi puwedeng mauna siya,” reaksyon agad ni Toni.

Ang daming nagpu-propose ng kasal ngayon. Marami rin ang ikinakasal.

Wala ba siyang nararamdamang inggit sa kaibigan niyang si Bianca Gonzalez na engaged na sa basketbolitang boyfriend na si JC Intal?

“Wala, honest, wala sa puso ko,” saad niya.

“Akala nga ng iba, ‘Naiinggit ka, naiinggit ka. Trabaho ka nang trabaho.’ Hindi.

“At saka, hindi ako yung super ikamamatay ko kung wala akong lovelife. Sobrang ano ko, e, sobrang secured ang faith ko kay God na alam ko na siya ang nagdidirek ng mga pangyayari sa buhay ko.

“Ngayon talaga, ang nangyayari sa career, yung mga programang ginagawa ko ngayon, wala itong lahat, hindi ko inisip.

“So, sabi ko kay God, ‘Naku po, Lord, kayo na ang bahala pati ang buhay ko ng pag-aasawa.

“’Hindi ko uunahan, hindi ko pangungunahan, hindi ako maiinip. Kung kailan n’yo gusto.’

“Honestly sa puso ko, walang inggit.”

Hindi ba siya takot sa long-time relationship, na yung iba sa halip na sa kasalan nauuwi, sa breakup?

“Hindi naman. Kasi so far, nararamdaman ko kung ano ang meron ako,” sagot ni Toni.

Confident talaga siya kay Direk Paul?

“Hindi naman confident, but there’s so much faith in the relationship and with the person I’m with.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa pitong taon, hindi pinaiyak ang damdamin ko, hindi ako sinaktan. Nakikita ko yung iba, talagang nagkakaproblema. God’s grace talaga, so far. Talagang marunong siyang mag-alaga.”

MISSING ALEX. Kung may kinaiinipan man daw si Toni, ito ay ang paglabas ng kapatid na si Alex bilang house guest ng PBB All In.

Sabi nga niya, “Ewan ko ba, ang tagal na. Sila may housemate, kami, walang housemate sa bahay.”

Pilot pa lang ng PBB All In nang ipasok si Alex sa bahay ni Kuya.

Kahit kitang-kita ang pagkagulat ni Toni sa pangyayari, meron pa rin talagang mga kumukuwestiyon at nagdududang scripted daw ang lahat, pati ang reaksiyon niya.

“Alam n’yo, dumating na nga ako sa point na ayoko na, ayoko nang magpaliwanag, ayoko nang mag-explain.

“Kasi, ang tao naman kung ano ang gusto nilang paniwalaan, paniniwalaan nila.

“So, kung ano ang gusto n’yong paniwalaan, na acting lahat, scripted lahat… E, bahala na po kayo.

“Sa PBB naman, since season 1, wala pang social media, e-mail pa ang pinapakalat. Sanay na sina Direk Lauren [Dyogi, PBB director].

“Alam n’yo, gustung-gusto ko ang environment sa PBB.

“For as long as, alam n’yo ang totoo, alam natin ang ginagawa natin, hindi tayo magigimbal sa paninira ng tao. For ten years, lagi naman nilang sinasabi.”

May isang buwan na simula nang pumasok sa bahay ni Kuya si Alex, kumusta naman sina Toni sa mismong bahay nila?

“Sobrang tahimik, parang mini-library!” may pagbibirong saad niya.

“E, kasi, kapag nandoon yun, kumakanta yun o may naglalakad ng naka-bra at panty o kung ano ang ginagawa.”

Naitago raw sa kanya ang planong ipasok si Alex as a housemate sa PBB—ng mismong Mommy Pinty niya.

“Ang mommy ko ang nakakaalam. Ang daddy ko, alam ko, gusto na niyang palabasin si Alex.

“Alam ko, second week pa lang, kinakausap-kausap na niya ang mommy ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaso, ang mommy ko, parang gusto, para ma-train daw, military camp, madisiplina, yung bibig niya.

“Kasi, in-offer raw ‘yan, parang house guest. Kinuwento na niya sa amin ‘to noong pumasok na. Kasi, tinawagan ko siya.

“Sabi ko, ‘Ano na naman ‘to? Ginawa mo sa akin ‘to, ngayon naman ginagawa mo kay Catherine.

“’Wala ka na talagang gustong gawin sa anak mo kung hindi paglolokohin. Anong klase kang ina?’” natatawang kuwento niya.

“Natatawa siya, sabi niya, ‘Hindi, secret ‘yan ni Direk Lauren. Talagang project na niya ‘yan, isasama niya as house guest. Yung parang ginawa niya kay Mariel [Rodriguez].’

“Kasi nga, nakita niya si Alex sa The Voice [Kids] rehearsal, sobrang ingay niya. Sobrang lahat binibiro niya.”

Co-host si Alex ni Luis Manzano sa nabanggit na kiddie singing competition.

“Kabiruan niya si Lea [Salonga], si Sarah [Geronimo], yung hindi siya natatakot sa lahat.

“Tawag niya kay Ms. Lea, ‘Mars!’ ‘Tapos kay Sarah, ‘Bestie!’ Ganyan siya talaga.

“’Tapos, lumapit daw si Direk Lauren kay Mommy. Sabi niya, ‘Mommy, gusto ko siyang gawing house guest.’

“Sabi raw ng mommy, ‘Ay, parang ayoko. Takot ako. Immature ‘yan. Baka kung ano ang paggagawin, magwawala.’

“’Tapos, noong February, in-offer ulit.”

Nami-miss na niya si Alex?

“Oo, gusto ko na nga siyang lumabas, e. Siyempre, sila masaya sa bahay, kami, ang tahimik namin sa bahay. At saka, siya talaga ang housemate ko.”

SUPER PROUD OF ALEX. Pero, sa mga napapanood daw ni Toni sa kapatid sa loob ng bahay ni Kuya, may pagmamalaki raw siya para rito.

“Super proud ako sa kanya kasi, lalo na noong natuto siyang mag-sorry.”

Hindi ba marunong mag-sorry si Alex?

“Sa text,” natatawang sabi niya.

“Pero, hindi sa personal. Sa text.

“Pero, ang hindi kasi alam ng tao na isang trait ni Alex, hindi niya kaya yung may isang tao na ayaw sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Halimbawa sa workplace, kapag nararamdaman na niya, uuwi yun sa akin, ‘Ate, hindi ako gusto ng artistang si Ganito, parang hindi niya ‘ko bet, parang inis siya sa akin.’

“’Tapos, the next day, ‘Close na kami!’

“Bakit? ‘Kasi, hindi ko siya tinigilan. Kinausap ko siya nang kinausap.’

“Gusto niya ng wini-win niya ang mga tao.

“May time naman na, sasabihin niya, ‘Ayaw niya talaga sa akin.’

“So, sasabihin ko, ‘Bitawan mo na. Huwag mo nang ipilit ang sarili mo. Move-on ka na.’”

Hanggang kailan pa raw si Alex sa PBB?

“Ang alam ko nga, one week lang bilang house guest. Pero, nang huling makausap ko si Direk Lauren, nginitian na lang ako. Ngitian na lang ang ganap.

“’Tapos pati sa mommy. ‘Mommy, hanggang kailan si Alex?’

“’Yun nga, anak, parang malabo. Depende sa pagiging house guest niya,’” sagot daw ng mommy niya sa kanya.

Paano ang trabaho ni Alex?

“Inayos nga ang trabaho niya. Yung The Voice, parang blind audition muna. Yung Pure Love, parang nakakahon. Inayos talaga nila.”

Si Alex, gusto ba talaga nitong pumasok sa bahay ni Kuya noon?

“Gusto niyang mag-Uber. Kapag nakikita niya ang luka-lukahang show, kapag nakikita niya ang Uber, sinasabi niya, ‘Gusto ko ‘yan!’

“Kaya nga tuwang-tuwa siya nang magka-Juicy. Yung sa housemate, hindi or hindi ko alam, pero, game naman si Alex kung anong pagawa. Siguro, naiisip niya, pagkatapos nito, mag-u-Uber ako.

“Actually, nagsasabi na raw, sa confession room na, ‘Kuya, ang tagal ko na rito.’

“Pero, sabi ni Kuya, sa takdang panahon daw.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN