Thea Tolentino at home in kontrabida roles: "’Yung ugali ng kontrabida, mas malapit siya sa totoong ugali ng tao.”

Thea Tolentino will turn 18 in August. For her debut party, she is not wishing for a grand affair, only that her dad who has been stricken by heart attack be her escort.


Kontrabida ang mga karakter na madalas naibibigay ng GMA Network kay Thea Tolentino sa mga teleserye.

Sabi ng young actress tungkol dito, “Okay lang po sa akin kasi tinanong din nila ako dati kung willing ba kong magkontrabida.

“Willing naman ako, kasi mas marami akong matututunan.

"Bihira rin namang mangyari yung bida-kontrabida.

"Kapag kontrabida ka, nalalaro mo ang character mo. Puwede kang magbait-baitan, ’tapos yun, nagagawa mo yung…

"Para sa akin, yung ugali ng kontrabida, mas malapit siya sa totoong ugali ng tao."

Hindi ba siya nag-aalala na ma-typecast sa pagiging kontrabida?

“Okay lang sa akin, okay lang talaga,” sagot ng 17-year-old actress.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Thea sa press conference ng bagong Kapuso afternoon series, ang The Half Sisters, kahapon, June 3, sa 17th floor ng GMA Network Center.

MEAN BONE. Gumaganap na kambal sina Thea at Barbie Forteza sa Half Sisters.

Pero kakaiba ang konsepto ng pagiging half sisters nila. Kambal sila ngunit magkaiba ang kanilang ama.

Medically speaking ay napag-aralan na raw ng produksiyon na may ganito ngang pangyayari at posibilidad.

Paglalarawan pa ni Thea, “Kapatid ako rito ni Barbie, pero sa story, hindi namin alam na magkaiba kami ng ama.

"Ang daddy ko talaga rito ay si Kuya Ryan Eigenmann. Si Barbie naman, si Jomari Yllana."

Ang gumaganap na ina nila ay si Jean Garcia.

Hindi ba niya pinapangarap gampanan ang mga karakter na ginagawa ni Barbie?

Ani Thea, “Kahit anong role naman ang ibigay sa akin, okay lang.

"Pero sobrang mas gusto kong magagawa yung kontrabida.

“Nae-enjoy ko ang pagiging kontrabida at mas nabu-boost yung ego ko.

"Kasi, ‘di ba, kailangan mas strong ang personality?

"Kaya nakakatulong din sa akin."

May paniniwala na ang bawat tao ay may sinasabing “mean bone” sa katawan o hindi kagandahang ugali.

Sa kaso ni Thea, ano ang nakikita niyang "mean bone" sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot niya, “Sa tingin ko, meron naman, kasi madali rin akong mainis kapag sobrang ingay.

"Pero hindi pa kasi ako nagagalit na galit na galit.

“Kapag nainis ako sa isang tao, hindi ako kagaya ni Ashley [her character’s name] na, as in, kokomprontahin ko siya.

"Ako kasi, quiet lang hanggang sa kanya ko.

"Kapag hindi na, hindi naman ako yung susugod mag-isa, pero siguro, kakausapin ko ang friends ko kung ano ang opinyon niya."

BARBIE FORTEZA. Kumusta naman na si Barbie ang inaapi at tinatarayan niya sa kanilang teleserye?

Ayon kay Thea, “Okay naman po, masayang kaeksena si Barbie.

"Matagal na rin siya sa showbiz.

"Magandang experience rin yun na, dito, kasabay ko si Barbie at marami akong matututunan.

“Nakakadala siya sa eksena, nadadala ako kapag kaeksena ko siya.”



ANDRE VS. JERIC. Si Andre Paras ang love interest ni Thea sa Half Sisters, pero parehong may gusto sina Andre at Derrick Monasterio kay Barbie sa istorya.

Posible kayang sila ni Andre ang gawing loveteam ng GMA?

Sagot ni Thea, “Wala pa naman po kaming nakikitang signs na ganoon nga po ang mangyayari.

"Pero kung gusto po nila, why not, ita-try namin."

Kumusta naman si Andre na bago niyang katrabaho?

“Sobrang benta siya. Nakakatawa siya.

"Siya yung tipo ng taong kapag kasama mo ng buong araw, hindi puwedeng hindi ka tatawa."

Gusto ba niya sa lalaki na napapatawa siya?

“Siyempre, pero lahat naman siguro tayo gusto ng tumatawa.

"So, lahat naman siguro tayo gusto yun."

Pagkatapos ng Protégé, kung saan nanalo si Thea, ay sila ni Jeric Gonzales ang ginawang loveteam.

Ngayong si Andre na ang kapareha niya, ibig bang sabihin nito ay bubuwagin na ang loveteam nila ni Jeric?

“Yun po ang hindi ko alam,” sagot ni Thea.

Kung siya ang papipiliin, si Jeric pa rin ba ang gusto niyang ka-loveteam niya o si Andre naman?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Sa akin po, kung sino po ang gusto nilang i-loveteam, kung sino po ang gusto ng GMA, kasi sila naman ang nakakakita.”

Kung siya ang mamimili?

“Ang hirap!

“Si Jeric, kasama ko ng Protégé, kilala namin ang isa’t isa.

"Si Andre... puwedeng both? Puwede naman yun!” natatawa niyang sabi.

Ano ba ang gusto niya sa isang lalaki pagdating sa pisikal na aspeto?

Sabi ni Thea, “Hindi ko ma-explain, pero iba ang deskripsiyon ko ng guwapo.

"Hirap talaga akong i-explain, pero kapag nakita ko...”

Saka niya inaming, “Si Jeric, naging crush ko yun.”

Si Andre, crush na rin niya?

“Hindi pa naman!” tawa na naman niya.

PROTEGÉ. Sa grupo nila sa Protégé: The Battle For The Big Artista Break, kung saan siya ang female winner, si Thea ang talagang nabibigyan ng sunud-sunod na break ngayon ng Kapuso network.

Nakangiting sabi naman ni Thea, “Sa nakikita ko rin po.”

Kumusta naman ang ibang Protégé alumni, may komunikasyon pa rin ba siya sa mga ito?

“Meron naman po. Nagba-Viber pa rin po kami, nagme-message kami.

"’Tapos si Jeric po, may dalawang indie film.

"Si Mikoy [Morales], may indie film din.

"Si Ruru [Madrid] naman po, may mga shows din."

Wala naman siyang nararamdamang inggit mula sa kapwa niya female contestants?

“Wala naman po,” sagot niya.

Masaya naman daw siya dahil wala pang insidenteng may nagalit o nagtaray sa kanya.

Pero may insidente na bang iniyakan siya?

Lahad ni Thea, “Noong bago pa lang ako, kasi three months akong nag-stop sa pag-aaral gawa ng Protégé, so parang gusto ko siyang pagsabayin.

"Siyempre fourth year high school ako nun, may prom.

"Akala ko hindi ako makakapunta sa prom namin.

“Nagpaalam ako, ang sabi, titingnan pa raw.

"E, sobrang gusto kong pumunta sa prom, so iniyakan ko yun.

"And, yun nga, noong umpisa, tinatanong ko pa sa sarili ko kung ano ba ang gusto ko talaga: Showbiz ba ang nangingibabaw o mas gusto kong mag-aral?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nangibabaw ang showbiz?

“Parehas naman, pero mas pinili ko ‘to!” natawa niyang sabi.

“Nag-stop ako last year, first year college, pero nakapasok naman ako hanggang first year.”

Masasabi ba niyang “worth it” na ipinagpalit niya ang pag-aaral sa pag-aartista?

Tugon niya, “Worth it naman dahil, at least ngayon, makakapag-ipon ako at makakapasok ako sa isang magandang school na meron ang gusto kong course.”

Multimedia Arts daw ang kursong gusto niyang kunin sa De La Salle University.

DEBUT. Sa August 13 ay magdiriwang si Thea ng kanyang 18th birthday.

May bonggang debut party ba siya?

Aniya, “Simple party lang, kahit hindi bongga, kahit casual lang.

"Naka-cocktail dress lang ang suot ko, hindi ako yung bonggang bababa sa hagdan.

“Kain na lang, kung puwede nga, may kwek-kwek.”

Sa debut niya, sino ang gusto niyang maging escort?

“Gusto ko po talaga na yung dad ko.

"Kasi minsan lang mangyari yung makakasayaw mo ang dad mo sa espesyal na okasyon ng buhay mo.

“Last year po kasi, inatake sa puso ang daddy ko.

"Pero ngayon, okay naman po siya, nag-diet po siya.

"Siya po ang gusto ko talagang maging escort.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN