Krista Miller cries foul over “escort girl” tag: "Matino po akong babae, nagtatrabaho ako nang marangal."

Humarap ang starlet na si Krista Miller sa media ngayong araw, June 6, upang sagutin ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isang convicted drug lord. Purely business lang daw ang kanilang transaksiyon.


Napaiyak ang starlet na si Krista Miller nang humarap siya sa press kaninang hapon, June 6.

Labis daw kasing nasaktan ang kanyang pamilya sa panibagong isyu na ikinabit sa pangalan niya.

Ito ay ang pagbisita ni Krista sa convicted drug lord na si Ricardo Camata sa Metropolitan Hospital noong gabi ng May 31.

Umiiyak niyang kuwento, “Lahat gagawin ko para malinis ko yung sarili ko, malinis lang yung pangalan ko.

"Kung meron mang ayaw kong masaktan, unang-una diyan ang pamilya ko.

“Kung masakit para sa akin ang pangyayari, mas masakit sa kanila.”

Nalantad ang pagbisita ni Krista kay Camata dahil sa CCTV (closed-circuit television) footage, na kuha sa labas ng hospital room ng convicted drug lord, na inilabas ng Department of Justice (DOJ).

Read: Starlet Krista Miller camp on visiting convicted drug lord in hospital: "She has nothing to hide."


“HINDI AKO MASAMANG BABAE.” Dahil sa pagkakaladkad ng kanyang pangalan sa isang convicted drug lord, kung anu-anong masasamang salita na raw ang kanyang nabasa sa Internet.

Kabilang na rito ang mga nagsasabing isa raw siyang "maduming babae" at ang pagiging "escort girl" daw niya.

Pero sa statement ni Krista, bago pa man magsimula ang kanyang presscon kanina sa isang building sa Kamuning, Quezon City, sinabi nitong "purely business deal" lang ang transaksiyon niya kay Camata.

Binebentahan daw niya ng condo unit ang convicted drug lord dahil part-time na trabaho niya ang pagiging real estate agent.

Sinabi rin ni Krista na hindi siya masamang babae.

Read: Krista Miller on alleged illicit tryst with convicted drug lord Richard Camata: "Real estate properties ang ibenebenta ko at hindi ang sarili ko.”

Diretsang tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Krista tungkol sa mga nagsasabing isa siyang "escort girl."

Tugon niya, “Kaya nga po ginagawa ko po lahat para malinis po sa harapan ng mga tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Na bukod sa pag-aartista, nagtatrabaho ako. Nasa corporate ako, marangal na trabaho."

Dagdag niya, “Hindi naman po natin maiiwasan dahil nagkakaroon na ng first controversy, ‘di ba, so kumukunek po sila dun sa past.

"Pero ako po, ’andito po ako para ayusin po lahat."

Ang tinutukoy na "first controversy" ni Krista ay ang pagkakaugnay niya sa aktor na si Cesar Montano.

Si Krista ang itinuturong third party sa paghihiwalay ni Cesar at ng asawa nitong si Sunshine Cruz.

Read: Krista Miller denies affair with Cesar Montano: "Walang katotohanan ang lahat."

WILLING TO COOPERATE. Kung sakaling ipatawag siya ng Department of Justice upang malinawan ang isyu ay willing daw siyang humarap sa awtoridad.

Aniya, “Willing po akong makipag-cooperate kung sakali.”

Pero sa kasalukuyan, wala pa raw tumatawag sa kanilang kampo mula sa DOJ tungkol dito.

Pinanindigan din niyang wala siyang nilabag na batas sa pagbisita kay Camata.

“Naniniwala po ako na wala po akong nilabag na batas dito.

"Alam ko po na ang ginawa ko ay purely business lang, nag-ahente lang po ako."



THE CAMATA CONNECTION. Paano ba sila nagkakilala ni Camata?

Lahad ni Krista, “May 2 [2014], naimbitahan po akong mag-Reyna Elena sa sagala po dun sa loob ng Bilibid [National Bilibid Prison].

“’Tapos, dun ko na rin po nakilala si Mr. Camata.

"Sabi po sa akin na high profile po siya kaya pumasok po sa isip ko na bentahan siya ng condo, tinray kong alukin.

"Kaya, ayun po, interesado naman po siya.

“May 2 nangyari po yung sagala and then, the following day po, bumalik po uli ako dun dahil po nandun na po yung aalukin ko na po siya ng condo.

"So, after po nung sagala, mga twice po akong bumalik ng Bilibid.

"At yung pang-apat na po yun yung sa hospital."

Sa lahat daw ng pakikipagkita niya kay Camata ay may talent agent daw siyang kasama, at ito raw ang nakikipag-usap sa magkabilang panig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi raw niya lubos na kilala ang talent agent, kundi sa tawag lang na "Kuya Jeff."

Sa huli, nagpaabot naman ng mensahe ang starlet sa lahat ng mga bumabatikos sa kanya.

Sabi ni Krista, “Unang-una po, gusto kong magpasalamat kasi nabigyan po ako ng chance na sabihin yung side ko.

"Kung anuman po yung ibinabato sa akin ngayon, naniniwala po ako na lalabas din yung totoo.

“Hindi ko sinasabi na paniwalaan niyo ako, pero ’andito po ako, nagsasalita sa harapan niyo at nagsasabi ng totoo.

"Nasa sa inyo na po yun kung paniwalaan niyo ako o hindi.

“Basta po ako, matino po akong babae, nagtatrabaho ako nang marangal.

"Ginagawa ko lahat para maka-survive, na nagtatrabaho ako nang maayos dahil ayoko pong bigyan ng kahihiyan ang pamilya ko."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN