Zanjoe Marudo says there’s more to the movie with Pokwang than just spoofs

Zanjoe Marudo and Pokwang reunite in My Illegal Wife, which they take pride in saying has a good story to tell.


Maganda ang feedback sa trailer ng pelikulang My Illegal Wife, na pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo at Pokwang, dahil marami sa mga ipinapakitang eksena ay ang pag-i-spoof nila ng memorable scenes ng mga teleserye ng ABS-CBN at pelikula ng Star Cinema.

Pero nilinaw ng mga bida ng pelikula na patikim lamang ang trailer dahil marami pang puwedeng abangan ang mga manonood, kagaya ng istorya nito.

Paliwanag ni Pokwang, “Hindi naman po sa nagbubuhat po ng bangko… galing na lang po ito sa editors and writers [ng movie], nung na-preview, sobrang tuwang-tuwa sila na punung-puno ang pelikula.”

Ito rin ang paliwanag ni Zanjoe tungkol sa pelikula nilang magbubukas sa June 11, Miyerkules.

Sabi ng Kapamilya actor, “Maganda yung naging feedback dun sa trailer kasi nga nakakatuwa yung kabuuan ng trailer.

“Pero ako, napanood ko na, sabi ko, sana ma-gets nila kung ano ang nilalaman ng kabuuan ng pelikula.

“Baka tumatak sa isip nila, ’A, nag-i-spoof lang sila ng sikat na movies, ng serye.’

“Sana mapanood nila, kasi iba yung istorya, e.

“Kumbaga, yung spoof, lahok lang yun sa love story namin ni Pokwang, so yung istorya ng pamilya, bata, nanay ng anak.”

WORKING RELATIONSHIP. Hindi ito ang unang beses na nagkatrabaho sina Pokwang at Zanjoe.

Noong 2006, nagkasama sila sa sitcom na Aalog-Alog at horror movie na Cinco noong 2010.

Bukod pa rito, nagkatrabaho rin sila sa gag show ng ABS-CBN na Banana Split.

Kaya naman hindi raw naging mahirap para sa kanilang magsama muli bilang magkapareha sa kanilang upcoming movie.

Sabi ni Pokwang, “Kamadong-kamado na namin ang isa’t isa.

“Alam ko kung kailan magbabato [ng dialogue] kay Zanjoe. Nagsusuportahan kami.

"Kabisang-kabisado na namin ang isa’t isa since Aalog-Alog pa."

Sabi naman ni Zanjoe, malaki ang ipinagpapasalamat niya na maraming beses na silang nagkatrabaho ni Pokwang bago ibigay sa kanila ang My Illegal Wife.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Maganda siguro yung training namin dun, na lalo na sitcom, ’tapos gag show.

"Kumbaga, tamang-tama yung timing na binigyan kami ng pelikula, kasi hindi na kami magkakapaan.

“Alam na namin kung kailan ako sasagot, kung kailan siya gagalaw, magbabato ng punchline.”

NOT JUST COMEDY. Parehong nagsimula sina Pokwang at Zanjoe bilang mga komedyante, pero kalaunan ay nakatawid na rin sa paggawa ng drama projects.

Ang pinakahuling drama telerserye ni Zanjoe ay ang Annaliza, samantalang kasama si Pokwang sa ongoing fantasy-drama series na Mirabella.

Ano naman ang pakiramdam nila sa pagbabalik-comedy sa pelikulang ito?

Sabi ni Pokwang, “Masaya, siyempre, bilang na-miss ko rin nang bonggang-bongga ang comedy.

“Pero ako, kung ano yung trabaho ko ngayon o blessings na ibinibigay sa akin, tini-treasure ko talaga.

"Mapa-comedy, mapa-drama, blessing talaga siya. Hindi lang financially.

"Nagbibigay ka rin ng tuwa sa mga taong nagtitiwala sa ‘yo.”

Hindi naman makapaniwala ni Zanjoe na nahihilera siya sa paggawa ng comedy projects.

Sa kasalukuyan, bahagi si Zanjoe ng Banana Nite, na gabi-gabi ipinapalabas, at Banana Split tuwing Sabado ng gabi.

Saad niya, “Yun yung pinakaumpisa ko na nagawa ko sa ABS-CBN, comedy talaga.

“Nagtataka din ako kung bakit ako binibigyan ng comedy shows ’tapos nagkaroon ng mga pelikula na comedy.

“Malaking factor sa isang artista na marami kang puwedeng ibenta.

“Para sa amin, malaking advantage ’pag sa casting, marami kaming puwedeng pasukan, mas malawak yung advantage.”

Sundot naman ni Pokang, "Yun din ang importante sa isang artista.

"Hindi ka nakakahon, hindi ka dapat nakakahon na ito ka lang.

"Masaya kung lahat nagagawa mo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN