Mark Bautista assures he has no problem with Viva Entertainment despite producing own concert

Mark Bautista’s last movie was Lastikman and admits he misses acting, but at the moment he is focusing on being the producer of his own concert.


Marami ang nagtatanong kung may plano si Mark Bautista na umalis sa Viva Entertainment Inc., na siyang nagpapatakbo ng kanyang career ngayon.

Ito ay dahil na rin sa kanyang statement na gusto niyang magdesisyon para sa sarili pagdating sa kanyang career.

Ayon kay Mark, "Kailangan ko rin naman na kumilos din at ’di yung pahiga-higa na lang.

"Hindi ko kailangang papetiks-petiks din na naghihintay kung ano ang ibigay sa iyo.

"Hindi puwede, e.

"Pero sa Viva, hanggang 2018 pa ako sa pagkakaalam ko, medyo matagal-tagal pa."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark sa presscon ng kanyang dinner concert na The Best of Me, na gaganapin sa June 21 sa Grand Ballroom ng Crowne Plaza Hotel sa Ortigas.

Kuntento pa rin ba siya sa siya sa pagpapatakbo ng Viva sa kanyang singing at acting career?

Saad ng singer-actor, "Alam mo, inisip ko ’yan.

"Siyempre, habang tumatagal ka sa management na kung saan ka tumagal, naiisip mo rin kung hanggang saan ka tatagal.

"Kung hanggang saan ka nila kayang suportahan.

"So, kung may choice ka na pumili ng management, kung sino at kanino, marami ka ring considerations na iisipin, ’di ba?

"Kung lilipat kaya ako sa iba, magiging priority rin kaya nila ako?

"O, dun na lang ako sa kung saan ako nag-umpisa na kilala na ako and at least priority pa rin nila ako."

Patuloy pa niya, "Kung lilipat ako sa iba, siyempre may kanya-kanya na silang priority na senior artists.

"So, baka ’di ko alam, e, siyempre susuportahan nila yung mga nauna nilang artists."

Nilinaw ni Mark na wala siyang tampo sa Viva

Aniya, "Wala naman, andun pa naman yung suporta nila sa akin.

"Ang importante kasi sa akin ay ramdam ko pa ang pag-aasikaso nila at ’di naman ako pinababayaan."

SEXY. Samantala, bukod sa pagiging balladeer, ang laging napapansin ngayon kay Mark ay ang pagiging sexy niya sa stage.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tuloy, marami ang nag-aakalang may bagong image siyang gustong i-project sa publiko. Totoo ba ito?

Natatawang tugon niya, "Marami ngang pumapansin niyan sa akin.

"Yung kilos ko raw, yung pag-emote ko while singing, pero wala naman akong intensiyon na ganun talaga.

"I mean, yeah, sometimes kailangang may ipakita ka sa viewers na iba, pero ’di ko ibig sabihin na ganun na talaga.

"Kung nae-enjoy nila yun, di good.

"Masaya ako na naa-appreciate nila yun."

Pero sa ngayon daw ay hindi pa niya kayang ipakita ang kanyang kaseksihan sa pelikula kundi sa entablado lamang.

Ayon sa Sunday All Stars mainstay, "Parang ganun na rin nga.

"Iba kasi ’pag sa theater. Whatever happens sa theater, it remains there.

"Kahit an’ng kaseksihan ang gawin ko dun, it stays sa theater."

Hirit pa niya, "Actually, nami-miss ko na rin ang paggawa ng movie.

"Matagal na rin yung Lastikman, ’di ba?

"It’s also a different thing kung you do a movie kasi ibang audience din yun.

"At saka, iba ang fulfillment if someone labels you as an actor."

PRODUCER. Samantala, bilang show producer ng kanyang concert, hindi itinanggi ni Mark na mas challenging ito kaysa isang concert na featured artist lang ang kanyang papel.

Aniya, "Yeah, kasi dito, mas hands-on ako sa maraming bagay.

"Medyo time-consuming siya at kailangan kong mag-focus dito sa proyektong ito.

"Kasi ’pag may mapabayaan ako, baka magkaproblema sa final outcome.

"Siyempe, sa akin babalik lahat.

"Kaya nga, bukod sa talagang pinili namin nang husto ang songs na kakantahin ko based sa previous hits ko and yun sa albums ko noon and yung pinakahuli [The Sound of Love], yung production value ay tinutukan namin.

"I won’t be doing yung songs from teleseryes na kinanta noon, pero mag-e-enjoy sila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN