FIRST READ ON PEP: Raymart Santiago and Claudine Barretto exchange smiles after custody hearing

Parehong hindi nagbigay ng detalye sina Raymart Santiago at Claudine Barretto tungkol sa takbo ng usapan nila sa loob ng korte. Pero tila maganda ang resulta dahil nagngitian ang dalawa pagkatapos ng pagdinig sa mga kasong Custody at Habeas Corpus.


Muling nagharap ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto sa korte kaninang hapon, June 20.

Kailangang dumalo pareho sina Raymart at Claudine sa consolidated cases ng Custody at Habeas Corpus sa sala ni Judge Geraldine Fiel-Macaraig ng Branch 192 sa Marikina Regional Trial Court.

Naunang dumating si Raymart kasama ang kapatid niyang si Rowell, ang ate niyang si Rhea, at ang legal counsel niyang si Atty. Ruth Castelo.

Sumunod namang dumating si Claudine kasama ang ama niyang si Miguel Barretto, ang ate niyang si Mitchie, at si Atty. Ferdie Topacio.

Hindi sumagot si Claudine sa mga tanong namin.

Sabi ni Atty. Topacio, nati-tense lang daw ang kliyente niya sa kasong diringgin.

Sinimulan ang hearing sa pamamagitan ng isang dasal, at pagkatapos nito, pinalabas silang lahat sa korte maliban lang kina Raymart at Claudine.

Magkatapat sa isang mesa ang mag-asawa sa harap ni Judge Macaraig.

Ayon kay Topacio, ito raw ang Judicial Dispute Resolution na kailangan harapin ng mag-asawa sa harap ng huwes.

Inabot ng halos dalawang oras ang paghaharap. Nagkaroon lang ng ilang minutong break dahil pareho silang nag-CR.

Pagkatapos ng kanilang paghaharap, lumabas ang mag-asawang nakangiti.

Si Raymart ang unang sinalubong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) para hingan ng pahayag. Hindi raw siya puwedeng magsalita dahil sa gag order na mahigpit ibinilin ng korte.

Habang kausap namin ang aktor, nakita niyang papalapit si Claudine, lumingon ito at ngumiti sa asawa.

Ngumiti rin sa kanya si Claudine, pati ang ate niyang si Mitchie. Seryoso lang ang mukha ng ama nilang si Miguel.

Hindi nagsalita si Claudine.

Sabi Atty. Topacio, kailangan daw nilang sundin ang gag order.

Si Raymart naman ay matagal nag-isip bago kami sinagot.

“Ako kasi, parang mas maganda kung hindi ko na lang ikuwento,” naaalangang sagot ng aktor.

Sumingit si Atty. Castelo, “Masaya si Raymart na lumabas, e. Basta happy ang kliyente ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng Kapuso actor, “Ayoko nang idetalye, Mas maganda yung lumabas kang nakangiti kesa yung nakasimangot, ’di ba?

“I don’t want to go into details na kung ano ang napag-usapan e respeto na rin sa korte.

"Ang maganda niyan, pareho kaming nakangiti.”

Sinundan namin ng tanong kung maganda ba ang resulta ng kanilang pag-uusap sa harap ng huwes.

Sagot ni Raymart, “Lahat naman nakukuha sa dasal yun, e. Bago kami nag-umpisa, pinagdasal namin na maayos ang lahat.

“Nag-usap-usap na rin kaming tatlo at nagdasal na rin kami. Hanggang dun na lang ang makuwento ko.”

Mabilis ang sagot niyang “oo naman” nang tinanong namin uli kung tingin ba niya ay dininig ng Diyos ang kanyang dasal.

Dagdag pa niya, “Hindi naman madaan sa mabilisan ’to, e. Lalo na sa pinagdaanan namin.

“More than one year ‘tong tumatakbo ang kaso. Ang maganda nito, kahit papano, may liwanag.

“Umpisa pa naman, ’di ba, sabi ko wala namang panalo dito sa amin, pareho kaming talo.

"Dahil minsan nabuo ang pamilya na nawasak.

"Pero unti-unti namang may liwanag,” napapangiti niyang pahayag.

Naikuwento na rin ni Raymart na kaarawan ni Sabina ngayong araw, June 21. Pero baka sa susunod na linggo raw ang selebrasyon.

Tinanong namin ang aktor kung magiging bahagi ba siya sa selebrasyong iyon.

“Hopefully,” ang matipid niyang sagot.



ROSANNA ROCES ISSUE. Hiningan na rin namin si Raymart ng reaksiyon sa mga matitinding komento ni Rosanna Roces sa Facebook account ni Claudine laban sa kanya.

Pati ang Ratsky, ang dating bar na pag-aari ng kuya ni Raymart na si Randy Santiago sa may Tomas Morato, Quezon City na ngayon ay sarado na, ay binanggit pa ni Rosanna na naging drug den daw, at isa raw siya sa nakasaksi.

Matindi rinang mga binitiwang bansag ng dating sexy star kay Raymart na tinawag niyang “pandak,” “unano,” at “gaymart.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nagpaapekto si Raymart sa pagsali ni Rosanna sa isyu nila ni Claudine.

Napapangiting pahayag ni Raymart, “Narinig ko na rin yun na hindi ko pa alam kung ano yung pinag-usapan nila. Magkabarkada na sila ngayon?”

Ayaw na raw niyang mag-react pa at iniiwasan na lang daw niyang magalit o magpaapekto.

“Hayaan mo na sila, siguro hindi naman bobo ang mga tao. Siguro alam naman nila kung sino ang nasa tamang pag-iisip.

“Hindi ko na lang masyado dinidibdib ang mga naririnig ko. Puwede naman nilang sabihin kung ano ang gusto nilang sabihin, e.

"Nandito naman sa korte yun,” saad ng 40-anyos na aktor.

Ayon kay Atty. Castelo, napag-usapan na rin nila ng mga kapatid ni Raymart, pero ayaw na lang daw nilang pansinin.

Sabi ng abugado, “Parang fan lang naman na nagku-comment, e.

“Yun ang tingin namin, yun din ang tingin ng family. Parang fan lang ni Claudine, ganun lang.

“Parang isa sa mga bashers.”

Umiling na lang si Raymart nang hiningan uli namin ng komento.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN