Director Joyce Bernal on "morality issues" as reason for exclusion of Nora Aunor in National Artists list: "Sino ba yung mga artista na hindi nakabangon? But still we remember kung ano yung contributions nila."

Direk Joyce Bernal speaks up on Nora Aunor’s exclusion from National Artist winners list: “Kung anuman yung ginawa niya, ano ba yung peak ng art niya, yun [sana] ang importante. Hindi sana basehan kung identified siya with anyone.”


Isa si Bb. Joyce Bernal sa maraming taga-showbiz na nalungkot at nanghinayang sa hindi pagkaka-proklama ni Superstar Nora Aunor bilang National Artist for Film and Broadcast Arts.

Isa sa mga nababanggit na dahilan ay ang diumano’y pagkaka-identify ni Nora Aunor sa mga pulitikong karibal ng mga kaanak ng kasalukuyang Pangulong PNoy (Benigno Aquino III), sabi ni Bb. Joyce.

"Hindi sana basehan kung identified siya with anyone," bungad ni Bb. Joyce sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa presscon ng My Destiny, ang bagong primetime drama series ng GMA-7, na siya ang direktor.

Patuloy pa niya, "Kung anuman yung ginawa niya, ano ba yung peak ng art niya, yun [sana] ang importante."

Ang isa pang problema na naungkat ay ang tungkol sa moralidad.

Ani Bb. Joyce, "Okay. Bansang Katoliko tayo. Malaking bagay yung moral issues.

"Pero kung anuman yung ’moral issue’ ni PNoy na iniugnay niya kay Ate Guy...

"Sa mga artist kasi, kung anuman yun, sa akin kasi, kapareho ba yun ng pagiging alcoholic?

"Hindi ba yung ibang mga artist, bumagsak nang gano’n na lang?

"Sino ba yung mga artista na hindi nakabangon? But still we remember kung ano yung contributions nila."

Taliwas sa sinasabing mga kakulangan ng isang artist na tulad ni Nora Aunor, batid ni Direk Joyce na ang idolo niyang aktres ay nagpatuloy sa kanyang sining—pag-awit at pag-arte, dito at sa ibang bansa—anuman ang naging problema ng personal nitong buhay at career.

"Hindi ko alam, akala ko nga, technicalities lang kaya na-exclude siya.

"Siguro, madaling i-appeal... o ano ba?" tanong ni Bb. Joyce.

WORKING WITH NORA AUNOR. Nakatrabaho, o naging bahagi si Bb. Joyce Bernal, ng dalawang maituturing na classic films ng tinaguriang Superstar.

Ito’y ang mga obrang Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990) ng MRN Films, na si Nora mismo ang producer; at ang The Flor Contemplacion Story (1995) ng Viva Films. Ang una’y dinirek ni Gil Portes, at ang ikalawa, ang biofilm ng Filipina domestic helper na nabitay sa Singapore ay obra ni Joel Lamangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Joel Lamangan din ang kasalukuyang direktor ni Nora Aunor sa Hustisya na entry sa 10th Cinemalaya Film Festival sa August 2014.

Ang mga nabanggit na pelikula, noon at ngayon, ay pawang mula sa panulat ni Ricardo Lee, na naging punong manunulat sa gagawing Nora Aunor biography.

"Noranian talaga ako. Hindi ko siya tsika, pero nakainuman ko siya," natatawang pag-aalala ng isa sa top box-office female movie director sa mainstream, at TV director na si Bb. Joyce Bernal.

“PA [production assistant] ako noon, sa Andrea... Ano rin kasi kami noon, researcher sa isusulat na libro ni Ricky Lee, tungkol sa buhay niya [Nora]."

Ilang taon ang lumipas at noong 1995, film editor na si Joyce Bernal at ang isa sa mga una niyang naging trabaho ay ang pag-edit ng The Flor Contemplacion Story, na naging commercial at critical success. Maraming napanalunang parangal si Ate Guy sa pelikulang ito, sa Pilipinas at sa ibang bansa, partikular ang sa Cairo International Film Festival sa Egypt ng taong yon.

DIRECTING ATE GUY. If there’s one relatively new movie director or filmmaker who should be working or directing Nora Aunor, shouldn’t it be Joyce Bernal?

"Hindi ko kaya. Hindi ko kaya," tanggi naman ni Direk Joyce.

Pero natutuwa siya sa prospect, at gusto niyang maghanap ng materyal na babagay ang papel ng lead character kay Nora.

"Pero siguro, hindi ko kaya. Baka mamatay ako," natatawa niyang sambit.

"Parang, sa ngayon, it’s not because... kung anuman yung mga stories o speculations (about Nora’s work attitudes), wala akong pakialam doon, bilang idol ko siya.

"Ako mismo, baka hindi ko kayanin.

"Kasi nung una ko siyang na-meet talaga, nang paparating na siya, ang feeling ng katawan ko, papalayo ako.

"Pero actually, papalapit siya. Hanggang sa nalagpasan niya ako. Gano’n, pero feeling ko, nandito na pala siya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento pa ni Direk Joyce, "Meron ding isang incident... pinuntahan ko siya, nag-’hi’ ako, nagpa-picture ako...

"Ano talaga, babalik ka sa pagiging fan.

"So, hindi ko alam kung magiging direktor ako in front of her."

Umaasa rin si Bb. Joyce na mao-overcome niya ang ibang klaseng damdamin para sa iniidolo.

"Oo nga, e. Ako yung may problema talaga.

"Natatakot ako. Kuwento mo pa lang nga, takot na takot na ako!" birong-totoo pa ni Direk Joyce.

PROTEST STATEMENT. Nabanggit ng PEP kay Direk Joyce ang tungkol sa naging reaksiyon ng pagpuprotesta ni Robin Padilla, noong unang lumabas ang ulat na hindi nakasama ang aktres sa pilian ng National Artist.

Si Robin ay kaibigan ni Bb. Joyce at aktor ng pinakahuling pelikulang dinirek niya, ang 10,000 Hours na big winner sa 2013 Metro Manila Film Festival.

"Gagawa [rin] ako ng isang bagay for that. Pero hindi ko pa alam," ani Bb. Joyce.

"Tatapusin ko lang itong mga obligasyon ko rito," sabi pa niya hinggil sa bagong drama series na My Destiny.

Nakatakda itong magsimula sa Lunes, June 30, primetime sa GMA-7.

"Kakaumpisa pa lang namin [ng taping]. Hindi pa nga tapos [ang pilot week], pero dire-deretso.

"Wala pa kaming hospital scenes ni Rhian [Ramos, isa sa lead female cast, with Carla Abellana and Lorna Tolentino]," pagtatapos ni Bb. Joyce.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN