Patricia Javier and family back in Manila for good; revives showbiz career via indie film

Patricia Javier on coming home after 10 years: “Marami talaga akong na-miss kaya it’s good to be back working sa industriya kunsaan nakilala ako bilang Patricia Javier. Unang minahal ko ang showbiz and I hope na mahalin ulit ako nito.”


Nagdesisyon ang former sexy actress na si Patricia Javier na “for good” na ang pag-settle niya at ng kanyang pamilya dito sa Pilipinas.

Kahit na mahigit sampung taon nang nanirahan sa U.S. si Patricia, nami-miss pa rin daw niya ang ingay at gulo ng showbiz.

“When I left the country noong 2004, magulo ang buhay ko that time.

“Medyo heartbroken pa ako.

“So my mom encouraged me to go to the U.S. para maiba naman ang paligid ko.

“Very concerned ang mommy ko sa nangyayari sa akin and she wants me to be happy.

“Kaya I took her advice and I flew to the U.S. Malaking pagbabago sa akin ang naging desisyon kong iyon,” kuwento ni Patricia nang maging panauhin siya sa The Jon Santos Show noong July 4 sa Viva TV.

TEN-YEAR “VACATION.” Ang dapat na ilang buwan lang na bakasyon ay naging sampung taon na pamamalagi roon ni Patricia.

“Dapat ilang months lang ako doon. Pero nagustuhan ko ang buhay doon. Tahimik, walang gulo, nakakapag-isip ako nang maayos.

“So I decided to stay longer. Sa tagal ko doon, nakilala ko ang mister kong si Dr. Robert Douglas Walcher III. He’s a chiropractor in San Diego, California.

“Nagpapasalamat ako na nakilala ko si Robert dahil naituwid niya ang dating baluktot na buhay ko.

“Just like his job, naging diretso ang direksyon ng buhay ko when he came into my life,” pagpapasalamat niya.

Nagbunga ng dalawang anak ang pagsasamang iyon nina Patricia at Robert. Ito ay sina Robert Douglas IV at Ryan James.

PINOYS AT HEART. Kuwento nga ni Patricia na marunong magsalita at nakakaintindi ng Tagalog ang kanyang mister at ang kanilang dalawang anak.

“Noong kinasal nga kami ni Robert, dumami ang mga Pinoy na pasyente niya.

“Nalaman kasi nila na mister ko ay chiropractor. Nagsu-show din kasi ako parati sa Filipino communities in San Diego, California.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ko kay Robert na kailangan matuto siya ng Tagalog para mas maintindihan niya ang mga Pinoy patients niya.

“Paunti-unti naman ay natuto siya ng mga Tagalog words. Hanggang sa nakakapagsalita na siya. Kaya ang mga Pinoy patients niya ay natutuwa sa kanya dahil Kanong-Kano siya tapos nagta-Tagalog.

“Ang mga anak ko naman, natuto silang mag-Tagalog dahil sa mommy ko.

“Si Mommy kasi ang nag-aalaga sa kanila kapag nasa work kami ni Robert.

“I also work kasi as a part-time aesthetician as my day job. Kaya mabuti na lang nandoon si Mommy to look after sa mga apo niya.

“Naturuan niya ang mga anak ko to say ‘po,’ ‘opo,’ ‘mano po,’ ‘nanay,’ ‘tatay.’ Para na silang mga Pinoy kids.

“Kaya kapag nag-settle na kami dito sa Pilipinas, walang problema dahil marunong na ang mag-aama ko ng lengguwahe natin. Hindi na sila mahihirapan makipag-communicate,” ngiti pa ni Patricia.

Ang Viva Artist Management nga ang namamahala ng career ni Patricia, hindi lang sa pag-arte kundi sa pagkanta at sa pagiging isang club DJ.

DJ STINT IN U.S. Kilala rin bilang DJ G-Love si Patricia sa San Diego at madalas siyang imbitahin sa party scene doon.

Kuwento nga ni Patricia na pinasok niya ang pagdi-DJ dahil na rin sa kanyang mister.

Patuloy pa niyang kuwento, “Before kasi, active ako sa mga shows sa Filipino communities. Tapos biglang hindi na masyado kasi bihira na magkaroon ng mga shows ngayon.

“Sabi ng mister ko, bakit hindi ko raw subukan ang mag-DJ. Para raw kapag may mga parties ang mga patients niya sa clinic, ako ang magiging DJ ng party.

“So sinubukan ko. Nag-aral ako tungkol sa pagdi-DJ. Kailangan alam mo ang mga technicals, kung paano mag-mix ng music.

“Noong matuto na ako, I pursued it at nag-enjoy naman ako. Hindi lang kasi ako nagdi-DJ, kumakanta rin ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung unang DJ stint ko, sa isang ballroom with more than 15,000 people. Napasayaw ko silang lahat at sobrang nag-enjoy sa ginawa ko.

“Kaya naging raket ko na rin ang pag-DJ sa San Diego.”

Hindi naman daw nahirapan si Patricia na balansehin ang trabaho niya bilang isang ina, asawa at DJ.

Patuloy pa niya, “Bago kasi ako umalis for the event, hinahanda ko na ang dinner ng mga bata.

“Siguro mga 5:30 p.m. pa lang ay nagdi-dinner na sila.

“Tapos around 7:30 p.m. bedtime na nila kasi may school sila the next day.

“Kaya walang problema when I leave the house kasi tulog na ang mga bata.

“Si Robert naman, he comes home late na rin pero alam niya kunsaan ako mag-e-event.

“Usually matatapos ang DJ work ko around 1:00 a.m. Uuwi na ako agad.

“Kapag nagdi-DJ naman ako, hindi ako umiinom.

“I don’t want to get tipsy or get drunk sa trabaho. Plus ako ang nagda-drive kaya hindi ako puwedeng uminom talaga.

“’Tsaka mas gusto kong makauwi agad sa bahay. Gusto ko na makakatulog din ako nang maayos para sa umaga, ako pa rin ang maghahanda ng breakfast ng mga bata at ng mister ko.”

Kailan lang ay ni-launch si Patricia na DJ G-Love sa The Library sa Metrowalk, Pasig. Sabay din ang pag-promote ng kanyang album na Genesis: Songs From My Heart.

Gusto ring subukan ni Patricia ang umarte sa mga teleserye ngayon.

“Okey lang sa akin gumanap na kontrabida.

“Napansin ko kasi na ang mga kontrabida ang mas napapansin kesa sa mga bida, e.

“’Tsaka once lang ako nakagawa ng teleserye. That was Ikaw Lang Ang Mamahalin sa GMA-7 way back in 2001 pa.

“Kaya it would be something different for me kung makalabas ako sa teleserye,” saad niya.

PAST FILMS. Ang Viva Films rin ang nag-launch ng career ni Patricia noong 1999 sa pamamagitan ng sexy drama film na Kabit Ni Mrs. Montero.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasundan ito ng Unfaithful Wife 2 at Tatarin. Lumabas din siya sa mga pelikulang Marital Rape, Gamitan at Gusto Ko nang Lumigaya.

Gumawa rin siya ng mga comedies tulad ng D’Uragons, Asin at Paminta at Mahal Kita: Final Answer.

Huling pelikula ni Patricia bago siya pumunta ng U.S. ay ang 2003 comedy na A.B. Normal College.

INDIE FILM. Bilang comeback niya sa pelikula, kasama siya sa isang indie film.

“Kasama ako sa indie film na Separados. Kasama ko rito sila Ricky Davao, Alfred Vargas and Victor Neri. Isa ito sa official entries ng Cinemalaya 2014.

“Medyo nag-adjust ulit ako sa pagharap sa kamera kasi ang tagal ko ring hindi umarte.

“Mabuti na lang very supportive ang director naming si GB Sampedro. Tapos si Ricky Davao, napakabait niya. First time ko siyang makatrabaho and he’s so warm and very accommodating.

“Nanibago rin ako sa set-up ngayon ng paggawa ng movies. Before kasi, ang daming tao sa set. Ngayon kapag indie ang ginagawa mo, iilan lang tapos kailangan mabilis kayo matapos.

“Sana nga makatrabaho ko ulit ang mga naging close ko sa showbiz like sina Edu Manzano, Sunshine Cruz, Gardo Versoza and Ara Mina. I would love to work with them again.

“Marami talaga akong na-miss kaya it’s good to be back working sa industriya kunsaan nakilala ako bilang Patricia Javier.

“Unang minahal ko ang showbiz and I hope na mahalin ulit ako nito,” panalangin ng comebacking actress.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN