PEP EXCLUSIVE. Harlene Bautista files estafa case against director Dante Nico Garcia to teach him a lesson

Noon pang 2012 isinampa ng dating aktres at ngayo’y film producer na si Harlene Bautista (kanan) ang kasong estafa at 44 counts of qualified theft with falsification of corporate documents laban sa direktor na si Dante Nico Garcia (kaliwa), ngunit ngayon lamang ito lumabas sa media. Paliwanag ni Harlene, “Meron lang tayong gustong itama, kaya ganun.”


Naging usap-usapan noong nakaraang linggo ang pagkakaaresto sa direktor na si Dante Nico Garcia dahil sa kasong estafa at 44 counts of qualified theft with falsification of corporate documents.

Ang kaso ay isinampa ng dating aktres at ngayon ay film producer na si Harlene Bautista sa Quezon City Regional Trial Court noon pang October 2012.

Si Direk Nico ay naaresto sa isang entrapment procedure sa Palawan noong Lunes, June 30, 2014.

Pansamantala siyang nakulong sa Camp Caringal, ngunit nakalaya na raw nitong Huwebes, July 3, matapos makapagpiyansa ng halagang P1.4 million.

Si Direk Nico ay nakilala dahil sa kanyang pelikulang Ploning (2008), na pinagbidahan ni Judy Ann Santos, kung saan nagwagi siya bilang Best Director sa Asian Festival of 1st Films sa Singapore.

Ang Ploning ang naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category ng 81st Oscars Awards.

Magkaibigan sina Harlene si Direk Nico.

Ilang proyekto ang ipinagkatiwala ng nakababatang kapatid ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa direktor sa loob ng dalawang taon.

Ilan sa mga ito ay natapos ni Direk Nico, ngunit may ilan pang hindi nito nagawa kabilang na ang isang indie movie na nasimulan ngunit hindi natapos.

Ayon sa isang source, umabot sa P15 million ang unliquidated cash advances ni Direk Nico, at ilang beses na itong pinakiusapan ni Harlene na ayusin ang kanyang liquidation papers, ngunit hindi naman nito sinunod.

Hanggang sa magdesisyon nang mgasampa ng demanda ni Harlene laban sa direktor upang mabigyan ng leksiyon ang kaibigan, lalo na’t ang mga perang nalustay ay hindi lamang daw galing sa sariling bulsa ng dating aktres kundi galing din sa kapital ng iba niyang mga kaibigan at loan sa banko.

Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Harlene sa premiere ng Kamkam (Greed), kagabi, July 6, sa SM North Edsa Cinema 4.

Si Harlene ang producer ng pelikula, na ipalalabas na sa July 9, under Heaven’s Best Productions.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



HURT. Inamin ni Harlene na nasaktan siya sa kinasapitan ng pagkakaibigan nila ni Direk Nico.

Saad niya, “Nasaktan ako, siyempre kaibigan ko yun.

“Ninong siya ng anak ko, ninang ako ng pamangkin niya, yun.

“Hindi ko naman akalain na ganun ang personalidad niya.

“Kasi, kung sa una pa lang nakita ko na, iiwas na ako, ‘di ba?”

Paano niya nalaman ang diumano’y pagkuha ng pera ni Direk Nico sa kanyang produksiyon?

Saad ni Harlene, “Siyempre, nagpaano ako ng accountant. Dun nga nila nakita.

“Hindi ko naman kasi pag-iisipan ang kaibigan ko ng ganun.

“Kasi, dumating sa point na parang, ‘Teka…’

“May ganun naman akong naramdaman. Parang may ‘di ako nalalaman, yun.”

Hanggang nag-usisa na nga raw siya para makuha ang katotohanan sa kanyang duda na may nawawala ngang pera.

Saad pa ng That’s Entertainment alumna, “Hanggang, yun nga, nung gusto ko nang malaman kung ano ang nangyayari sa accounts, kaya, yun, nagpadala ako ng accountant.”

“Hindi ko alam kung gusto niyang humingi ng tawad.

“Pero sa tingin ko, ba’t kailangan pang mahuli ka muna, ‘di ba?

“’Tapos, yun nga, two years na [ang kaso] ay wala kayong narinig dahil hindi ko naman hangarin na siraan siya.

“Hindi naman yun ang pakay ko.

“So, dumaan ako sa proseso.”



TRUST. Ganun nga raw talaga siya bilang kaibigan na mabilis magtiwala.

“Oo nga, e… hindi na ako makikipagkaibigan!” sabay tawa ni Harlene.

“Alam ko na meron siyang mga dahilan kung ba’t niya yun nagawa.

“Kung ano man ang mga dahilan na yun, ‘di ko na alam.”

Hindi na rin daw niya iniisip kung maibabalik pa ang perang nawala sa kanya, pati na ang tiwala sa isang kaibigan.

Sabi ng film producer, “Wala, ‘di na siguro… hindi ko alam.

“Yung pera at tiwala... mahirap na yun.”

Ayon pa kay Harlene, nagkaharap na sila ni Direk Nico sa opisina ng fiscal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, “Last year pa. Nagkaharap kami sa piskalya, ayun, tatawa-tawa lang siya.

“Pero sinabi ko na hindi naman ako galit kaya ako nagdemanda.

“Meron lang tayong gustong itama, kaya ganun.”

Patuloy pa rin ba si Harlene sa pagpu-produce ng pelikula sa kabila ng mga pinagdaanan niyang problema sa usaping pinansiyal?

Sagot ng maybahay ng aktor na si Romnick Sarmenta, “Ayun, ninenerbiyos, pero masaya, kasi it’s a learning experience.

“Sana marami ang manood para makagawa pa kami ng maraming projects na katulad nito.

“Minsan, sinasabi ko na nami-miss ko ang umarte... depende.

“Siguro, siyempre aarte pa rin ako sa stage, ganyan.

“Pero sa ngayon, nag-e-enjoy ako [bilang isang producer], kasi marami pa akong natututunan at dapat matutunan.”

Ed’s Note: Bukas ang PEP sa panig ni Direk Dante Nico Garcia tungkol sa usaping ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN