Miguel Tanfelix on handling success because of Niño: "Ipako mo ang paa mo sa lupa."

Miguel Tanfelix is happy with his role as Niño, but he wants to explore different kinds of acting: "Kasi baka mag-settle ako sa ganitong acting, hindi ko na malagpasan ang gusto kong malagpasan."


Isa sa ipinagmamalaking programa ng Kapuso network ngayon ay ang primetime series na Niño.

Bukod sa magandang tema nito, ang Niño ang isa sa may pinakamataas na rating sa primetime block ng GMA.

Bida rito ang Kapuso teen star na si Miguel Tanfelix.

Saad ng StarStruck Kids alumnus tungkol sa tagumpay ng kanilang programa, “Nakahinga na po kahit konti, pero hindi ko binubuga lahat ng hangin ko.

"Kasi baka mag-settle ako sa ganitong acting, hindi ko na malagpasan ang gusto kong malagpasan.

"Dapat huwag mong isipin na ’Okey ako.’

"Dapat isipin mong, ‘Di ito okey at kailangang mas pagandahin ko pa ang acting.’”


Marami pa raw siyang mailalabas o maipapakita pagdating sa pag-arte.

Sabi ni Miguel, “Sana marami pa akong mailalabas.

"Mas okey, mas maganda ang bawat episode sa acting ko po sa Niño.

"Nandiyan na ang pressure kaya dapat bawat episode, may bago silang makikita sa ‘yo.

"Nagri-rate na... kaya dapat ma-sustain.

“Dapat hindi sila magsawa sa acting mo, dapat bawat episode, may bago silang makikita sa ‘yo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Miguel sa taping ng Niño sa Pagsanjan, Laguna, noong July 2.

SEAN PENN AS PEG. Ang role daw ng Oscar-winning actor na si Sean Penn sa pelikulang nitong I Am Sam (2001) ay nakatulong daw nang malaki sa pag-atake ni Miguel sa kanyang role, bilang may kakulangan sa pag-iisip, sa Niño.

“Siguro, kumuha lang ako ng ano kay Sean Penn.

"Kapag nagte-taping po ako, kinakalimutan ko na siya [Niño] ay 15-year-old na bata.

"Iniisip ko na isa akong bata na seven years old.

"Lahat po yun, para siyang domino na sunud-sunod na siya, nagagawa mo na.

“Pumapasok din po kasi ako. Sa school namin, may SPED [special education], sa Cavite School of Life po.

"Paminsan-minsan, bumibisita po ako para makakuha ng galaw.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GROUNDED. Malaking bagay o pagbabago raw ang naidulot kay Miguel ng teleserye niya dahil ang tawag na sa kanya ng tao kapag nakikita siya ay "Niño."

Natatawang kuwento nga niya, “Dati po, ang tawag sa amin, Pagaspas.

"Ang tagal na po nun, Mulawin pa po, bata pa po ako.

"Pero ngayon, kapag lumalabas po ako, ang tawag na sa akin, Niño.”

Biniro namin si Miguel na baka lumalaki na ang ulo niya.

Nakangiting sabi naman niya, “Ay, hindi po, ayoko pong lumaki.

“Hindi ko po hahayaang lumaki.

"At saka, gusto ko po ang quote ni Comedy King Dolphy na sinabi niya sa anak niya, ’Anak, masarap lumipad, pero kapag masyadong napataas ang lipad mo, huwag mong hahayaan yun kasi mahirap bumaba.’

“So, ang gagawin mo, ipako mo ang paa mo sa lupa.

"Parang keep your feet on the ground."

GRANTED WISH. Sa palagay ba niya, ito na ang simula ng pagganda ng career niya, maging matinee idol at makikilala pa nang husto?

Tugon ni Miguel, “Sana po, sana nga, kasi ito na po yung matagal kong hinihiling.

"Wini-wish ko nga dati na sana magkaroon ng regular project.

"Pero more than regular project ang ibinigay sa akin, isang lead role kaya sobrang salamat ko pong talaga.”

Masasabi ba ni Miguel na lamang niya sa ibang teen stars dahil naisabak agad siya ng Kapuso network sa aktingan?

Saad niya, “Para po sa akin, ang role na ito, puwedeng ibigay kahit kanino, napag-aaralan naman po siya.

"Ako naman po, hindi po ako nagpapaka-kumportable na dito ako magaling.

"Kasi, marami naman po riyan na kayang gawin ang role na ito.

“Ako po, gagawin ko lang ang best ko na dapat ihatid ng show, yung goal ng show, saka yung goal ng role ni Niño po.”

Natawa naman si Miguel nang tanungin namin kung hindi ba niya nadadala ang karakter niya sa bahay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Minsan po,” pag-amin niya.

“Tuwing nagti-taping po kami ng Ismol Family [GMA sitcom], siyempre nasanay ka na po na Niño.

"Monday, Wednesday, Friday, Nino. Pagdating ng Tuesday, Ismol Family po ang tine-taping ko.

"Masasanay ka na lang po, minsan yung kamay ko, gumaganun.

"Makikita mo ano ang nangyari sa kamay ko, itatago mo na lang po."

INSPIRATION. Masaya raw si Miguel sa magagandang feedback na natatanggap nila, tulad ng mga nagsasabing nakakapagbigay ng kagandahang-asal ang show sa mga nanonood.

Sabi ni Miguel, “Sobrang sarap po ng pakiramdam yung nakakatulong kayo sa mga tao.

"Yun ang nararamdaman namin, nakakatulong kami sa tao, nai-inspire namin sila.

"Nabibigyan namin ng tulong ang mga magulang na mas pangaralan pa yung mga anak nila.

“Sobrang sarap at sobrang excited ako dahil gusto kong malaman ang next generation ng mga batang nanood ng Niño.

"Kung nakaapekto ba sa kanila yung naituro namin sa kanila.”

Bagamat marami silang mga batang artista sa Niñ, marami rin ang beterano na sa pag-arte.

Ano ang ipinapayo sa kanya ng mga ito?

“Marami po silang advice, pero kung isa-summarize niyo po, mauuwi kayo sa professionalism.

"Kasi, yung sini-share nila Kuya Germs na dapat hindi kayo mali-late.

"Yung sine-share po niyang experience sa Sampaguita Pictures na kapag na-late ka, professionalism po talaga at kailangan i-apply mo yun sa trabaho mo.”

May pressure ba sa kanya na dapat palaging mabait siya at yun ang makikita sa kanya ng tao?

“Mabait naman po talaga ako, Niño nga!” natawang sabi niya.

Ano ang naughty side niya?

“Feeling ko, ma-friends po, mabarkada.

"Pero wala naman pong major kasi guwardiyado rin naman po ako.”

LOVETEAM. Wala man love interest na ipinapakita sa Niño, walang-duda naman na sila ni Bianca Umali ang nilulutong bagong teen loveteam ngayon ng GMA.

Kumusta silang dalawa?

Sabi ng binata, “Ako po, masaya po ako na si Bianca ang ka-partner ko kasi mabait siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakikita niyo naman po, maganda.

"’Tapos, kumportable na po ako sa kanya kasi marami na po kaming shows na napagsamahan.

“At saka talagang normal na po sa amin ang biruan, parang natural na po sa amin kasi wala, ‘eto kami, ‘eto kami…

"Parang ipinapakita namin kung gaano kami kasaya kapag kasama namin ang isa’t isa.”

Nagkaroon na ba siya ng girlfriend?

“Hindi pa po, totoo po yun. Nasa Ten Commandments, bawal magsinungaling.”

Posible bang ligawan niya si Bianca?

Sagot ni Miguel, “Sa ngayon po kasi, loveteam kami ni Bianca at gusto ko munang pausbungin ang loveteam namin bago namin intindihin ang love.

"Kasi, baka kapag inintindi namin ang love, mawawala ang focus namin sa work.

"Siyempre, maging bagsak ng loveteam namin.

“Kami po, focus muna sa work.”

Umaasa siyang pagkatapos ng Niño, sila pa rin ang magkapareha sa mga susunod nilang teleserye?

“Sana po, sana kasi, gusto ko pong maka-loveteam si Bianca ’tulad nga po ng sinabi ko.

"At saka, napapasaya niya po ako dahil masarap po siyang kasama at katrabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN