Nora Aunor continues her work as an actress amid National Artist controversy

Nora Aunor elated by support of the press: "Ay naku, uulit-ulitin ko nang ilang libong beses, ilang daang libong beses, na masayang-masaya ako!"


Naging mainit ang pagtanggap ng media sa Superstar na si Nora Aunor nang dumalo siya sa presscon para sa 10th Cinemalaya Independent Film Festival kaninang tanghali, July 9, sa Cultural Center of the Philippines.

Si Nora ang bidang aktres ng pelikulang Hustisya, isa sa mga entry para sa Directors’ Showcase category.

Kasamang dumalo ni Nora ang kanyang direktor na si Joel Lamangan at ang screenwriter na si Ricky Lee.

Nasa presscon din ang co-stars niyang sina Rocco Nacino, Jeric Gonzales, at Sunshine Dizon, na sa iba’t ibang interviews ay nagpahayag na malaking karangalan sa kanila na nakasama ang Superstar sa pelikula.

Si Direk Joel ang bumungad sa press na pumalibot kay Nora bago sila mag-lunch.

Binanggit niya ang papel na ginagampanan ni Ate Guy sa Hustisya: "Siya ang iniikutan ng buong istoryang ito... tungkol sa corruption.

"Tungkol sa corruption, tungkol sa mga taong hindi nakikita ang masama, hindi nagsasalita tungkol sa nakikita nilang masama, at later on, nagiging biktima na rin sila."

Agad bumaling kay Nora ang media sa puntong ito.

Ano ang masasabi niya sa mainit na pagtanggap sa kanya ng local media?

Sagot niya, "Ay, naku, uulit-ulitin ko ng ilang libong beses, ilang daang libong beses na masayang-masaya ako!"

Kumusta na siya?

"Mabuti naman. At lalong masaya ako dahil ito uli yung muli naming pagsasama ni Direk Joel Lamangan at Kuya Ricky Lee."

Ano ang naging paghihirap ni Nora sa paggawa ng Hustisya, bukod sa minsang pag-ulan nang malakas at binaha ang shooting nila sa Quiapo area?

Natawang pag-alala niya, "A, marami, e... Marami, maraming mga eksenang mahihirap dito na dapat pagtuunan ng pansin."

Naire-relate ba ni Nora ang mga eksena sa pelikula sa mga totoong nangyayari sa ating lipunan?

Tugon ng aktres, "A, lahat naman ng mga pelikulang ginagawa ko... talagang may mga... karamihan, may mga nangyayari sa lipunan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ito lang talaga yung istorya na ginawa ni Kuya Ricky."

Para kay Nora, ano ang ibig sabihin ng hustisya?

"Hustisya... para sa lahat," sagot niya.

Napansin ang suot na T-shirt ni Nora; ito ang Hustisya promo shirt na mayroong larawan niya.

Hindi naman daw double-meaning ang isinasaad ng suot niyang kamiseta,
"Wala naman akong ibig sabihin," aniya.

Napansin din ang larawan na may hawak na sigarilyo si Nora.

Sabi niya tungkol dito, "A, ito yung kinunan nung unang dating ko dito sa Pilipinas.

"Pagdating na pagdating ko dito sa Pilipinas... may paring nagalit, na nagpa-interview, na bakit ako naninigarilyo."

Matatandaang umuwi si Nora sa Pilipinas noong Agosto 2011 matapos ang walong taong pamamalagi sa U.S.

Ang sinasabi niyang litrato ay konsepto para sa cover pictorial ng Superstar sa YES! magazine.

Ang pari namang tinutukoy niya ay ang kilalang running priest at aktibista na si Fr. Robert Reyes.

Ayon pa kay Nora, "Pero nung magkausap naman kami, okay na sa kanya, wala nang problema."

NATIONAL ARTIST ISSUE. Nabanggit ni Mario Dumaual ng TV Patrol kay Nora ang paghahangad ng marami na maituwid yung sinasabing pagkakamali ng Malacañang tungkol sa National Artist issue.

Matatandaang tinanggal ni Pangulong Noynoy Aquino ang pangalan ni Nora sa listahan ng hihiranging National Artists ngayon taon dahil diumano sa kaso noon sa droga ng aktres.

Read: PNoy: Nora Aunor excluded in National Artist award because of drug issue

Reaksiyon ni Nora, "Huwag na pong... may statement na po akong nasabi, kaya hanggang doon na lang po muna tayo."

Ang tinutukoy ng Superstar ay ang inilabas niyang statement noong June 30 kaugnay ng isyung ito.

Read: Nora Aunor breaks silence on National Artist issue

Ano ang kanyang damdamin na marami ang nakikipaglaban at sumusuporta sa kanya sa isyung ito?

"Nakakataba ng puso..." maikling tugon ni Nora.

Naka-move on na ba siya sa pangyayari?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, "Hindi naman puwedeng maging hadlang ’yon para huminto ako sa aking pagtatrabaho, hindi ba?

"Patuloy pa rin tayo at, actually, sa trabaho lang naman tayo, e, di ba?"

Hindi na ba niya gustong magsalita pagkatapos niyang magbigay ng statement?

"Nakapagbigay na ako ng statement, so yun na lang," sabi niya.

Sa halip, inulit lang ni Nora ang pasasalamat niya sa lahat ng mga sumuporta at patuloy na sumusuporta sa labang nauukol sa pagiging National Artist niya.

"Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga kababayan natin.

"Tuwang-tuwa po ako sa mga nagtatanggol, sa lahat ng mga tao na naniniwala, at nagtitiwala sa larangan ng pag-arte."

Tinanong naman ni Lhar Santiago ng Unang Hirit kung ano ang pakiramdam niya hinggil sa ibinubuhos na pagtitiwala at suporta ng mga tao sa kanya.

Sagot ni Nora, "Hindi ko alam kung papaano maipapaliwanag yung katuwaan, yung kasiyahan na nararamdaman ko... sa kanila, sa lahat ng mga kababayan natin."

Kapag binabanggit na isa siyang "Artista ng Bayan," ano ang damdamin niya?

Hindi sinagot ni Nora ang tanong, sabay paglalambing na, "Kain na muna tayo..."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN