Gabby Eigenmann back to work after surgery; dubs lead character in Korean tearjerker Miracle in Cell No. 7

Gabby Eigenmann is touched that he is getting kudos for his acting in Dading from the gay people. He says, “Sa social media, ang daming nagtu-tweet sa akin." But he is most happy about the comment from his dad Mark Gil, "First time kong narinig na, ’You’re doing a good job.’"


Isang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang maoperahan si Gabby Eigenmann upang tanggalin ang gallstones at gallbladder niya.

Unang major operation daw ito ni Gabby kaya aminado ang aktor na natakot siya.

Saad niya, “Noong una, natakot ako. Pero ang sarap pala ng experience na paggising mo, tapos na ang operation.

"Mga sampung malalaki rin ang tinanggal, mga kasing-laki ng buto ng sampalok.

"It’s really hard, para talaga siyang bato.”

Dapat daw ngayong weekend pa lang siya magpapaopera. Pero dahil maagang na-packup ang taping niya para sa Dading, nagdesisyon na siyang magpaopera sa Makati Medical Center.

“Alam niyo, true enough, blessing in disguise, pagkagaling ko dun, namamaga na ang gallbladder ko.

"Yung supposedly normal na one hour and 30 minutes, umabot sa akin ng five hours," sabi ng Kapuso actor.

Ilan linggo bago siya nagpaopera, nakakaramdam daw ng sakit sa gitna ng tiyan si Gabby tuwing madaling-araw.

“Nagpa-check ako, yun nga.

"Kaya may dalawang bakal ako, titanium, for life na, kasi kailangan ipitin yun dahil yun ang nagre-release ng bile.

"And since wala na ang gallbladder, liver na ang nagpa-function.”

Mapalad daw siya at naagapan.

“Kasi kung hindi, open surgery talaga.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gabby sa taping ng afternoon soap na Dading, sa Scout Gandia, Quezon City.

BEAUTY CONTEST. Masaya namang nagkuwento si Gabby tungkol sa eksenang kinunan nila para sa Dading, kunsaan sumali sa gay beauty contest ang karakter na ginagampanan niya.

“Ang saya, kasi sa backstage pa lang, siyempre kasama mo yung mga sanay na.

"Kasi, noong una, Jennifer Aniston daw na mala-Priscilla Almeda na naging Ara Mina, naging Rosanna Roces.

"Sabi ko, ’Ano ba, make up your mind, ano ba talaga ang itsura ko?’”

Hindi raw yun ang unang beses na magdamit-babae siya, pero ito ang unang beses na sumali siya sa "beauty contest."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya nga sa backstage pa lang… siyempre beterano ang mga kalahok.

"Sabi ko, ’Mga bakla, kinakabahan ako!’” natatawa niyang sabi.

Inipit din daw niya ang dapat ipitin sa kanya, katulad ng ginagawa ng ibang bading na sumasali sa beauty contests.

“Sabi ko nga, ’Paano niyo natitiis ito, ang hirap, ang sakit, hindi ako makaupo!’

"E, ang tagal din, ilang oras din yun... three, four hours.

"Pero masaya yung pageant itself.

"Siyempre, hindi ko muna ire-reveal kung sino ang nanalo."

Puwede na ba siyang kuhaning judge sa gay beauty contests dahil alam na niya ang pakiramdam ng mga sumasali rito?

“Oo, alam ko na!” natatawang sabi ni Gabby.

“Ang hirap, halos make-up pa lang, kung ilang oras ako mineykapan para magmukha akong babae.”



GOOD JOB. Ang ama ni Gabby na si Mark Gil ay ilang beses nang gumanap ng gay roles. Humingi ba siya ng tips dito para sa kanyang role sa Dading?

Ayon sa Kapuso actor, “Actually, yung sinabi ni Daddy sa akin, hindi naman advice.

"The last time I saw him, ang sabi niya sa akin, ’You’re doing a good job.’

"Usually kasi, isa siya sa number one critic ko.

"Siyempre, Mark Gil yun, hindi ko naman aabutin yung inabot niya, ‘di ba?

“Pero every time I would have a project, he would always comment, yung mga good feedbacks.

"May konting criticism din, pero ‘eto, first time kong narinig na you’re doing a good job.

"Ang galing, natuwa ako.”

Nakausap din daw niya ang tiyuhin niyang si Michael de Mesa tungkol sa kanyang gay role.

Kuwento ni Gabby, “Madalas kasi ako sa bahay nina Ryan [Eigenmann, his cousin].

"Bago umalis si Tito Mike for the States, sinabi nga niya na he has done also numbers of gay roles.

"Wala namang advice, pero ang sabi niya, importante ang consistency.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, akala ko, all the while, may different levels ang being gay.

"Halimbawa, kaeksena ko si Beth, si Glaiza de Castro, iba ako sa kanya.

"Kapag kaeksena ko si Gardo [Versoza], iba rin ako.

"Ang sabi, it’s the way of conversing with them that makes it different."



GAY SUPPORTERS. Natutuwa rin daw si Gabby dahil marami ang nakaka-relate sa karakter niya bilang si Dading.

“Yun nga ang sinasabi ko, yung realness ng emotion, may puso talaga.

"Kasi for the longest time, noong panahon pa ni Mahoma, kapag nag-portray ka ng bading, katawa-tawa.

“Sa social media, ang daming nagtu-tweet sa akin, nagme-message sa Instagram.

"Like, panadero raw siya, apat ang anak niya, itinataguyod niya ang pag-aaral ng mga anak niya.

"Literal na panadero, pero Dading siya.

“Sabi ko, ’Kaloka ‘to, nakaka-inspire!’ Lahat sila lumalabas.

"At ’buti na lang, yun nga ang tina-try naming i-achieve, may puso.

“At saka kahit paulit-ulit kong sabihin, kahit pumalantik ang daliri ko, yung action bilang bakla, madali lang yun.

"Yung right emotion, execution ng totoong pakiramdam nila...

"Ikukuwento ko sa inyo, nasa mall ako recently lang, bago ako maoperahan.

"Nakita ko, nagbubulung-bulungan na, ’Bakla nga yata! Baka naman umaarte siyang bading?’

“Hindi! Talagang akala lang nila, bakla!” natatawang kuwento niya.

“Sa akin, positive for me yun kasi, ‘di ba?

"Nakakatuwa, kasi feeling ko, with what I’m portraying or what I’m doing, nagiging effective sa kanila."

Kakaibang “breather” daw kay Gabby ang Dading pagkatapos ng mga kontrabida roles na ginawa niya.

“Tama yung sabi ni Gardo [Versoza] na panghilamos.

"Kapag nagagawa mo na yung pagiging kontrabida mo for the longest time, ’tapos binigyan ka ng ganito na bakla ang character mo, it’s like a new breeze.

"Natutuwa ako at saka ang sarap ng feeling na ikaw ang inaapi, ikaw yung kawawa.

"Frustrated dramatic actor talaga ako for the longest time!" tawa na naman niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WHAT’S NEXT? Dahil lead na siya sa Dading, hindi na ba siya babalik sa supporting roles?

Sagot ni Gabby, “Yun ang biggest question sa akin, kasi hindi ko naman puwedeng itulad ang sarili ko sa mga narating nina Dennis Trillo, Dingdong Dantes.

"Sila siyempre, leading men already.

"But I cannot say that I’m the leading man in this show, kasi gay ako.

“Pero yung, ’What would be Gabby’s next project after Dading?’ yun ang una kong inisip.

"Kasi siyempre, ibubuhos ko talaga ‘to na ibinibigay sa akin ang title.

"Title lang ‘yan, trabaho lang sa akin, pero yun ang winu-worry ko—what’s next for me?”

Nasagot na ba ang tanong niyang yun?

“Hindi pa, hindi pa. Ako kasi, basta trabaho, e,” nakangiti niyang tugon.

Nagawa niyang maging matagumpay ang Dading. Mataas ang rating nito bukod pa sa magagandang review sa acting niya.

Papayag ba siyang mag-support sa susunod na proyekto niya?

Tugon niya, “Alam niyo, nasa istorya naman ‘yan.

"They would always say, ’O, step forward ka, ’tapos tatanggapin mo ang support?’

"Nangyari na sa akin ‘yan when I did Munting Heredera ’tapos tumawid ako ng Broken Vow.

"Then, tumawid ako ng Sana Ay Ikaw Na Nga, sinuportahan ko sina Andrea Torres at Mikael Daez.

“Hindi maalis sa isip ko yung question, pero sabi ko naman, I’m a character actor, I’m reliable.

"Ngayon lang, parang they will be careful on what project to give me next.

"Pero ako naman, I’m an actor. So, yun lang.”



OTHER PROJECTS. Sa isang banda, sa unang pagkakataon ay nakagawa ng indie film si Gabby, ang Asintado, na official entry sa Cinemalaya ngayong taon.

Dito ay kontrabida raw ang karakter niya.

“Konti lang naman ang eksena ko dun, pero drug pusher ako dun, drug lord.

"Malayo rito sa Dading, super opposite.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero it was my first indie and, at the same time, nilapitan ako ni Direk Louie Ignacio.

“Direk Louie is a good friend of mine and I will never say no to Direk Louie.

"’Tapos nalaman ko ang istorya. Natuwa naman ako dahil parang na-consider niya ako.”

Masaya ring ibinalita ni Gabby sa PEP na siya ang nag-dub sa boses ng bida sa hit Korean movie na Miracle in Cell No. 7, na ipalalabas naman sa GMA Network.

Ang Korean actor na si Ryu Seung Ryong ang gumanap sa lead character na isang mentally-challenged prisoner.

Sabi ni Gabby, “Gusto kong artehin yun, pero ‘eto, boses lang ako, challenge siya.

"Nagulat ako kasi nasa opisina lang ako, bumababa si Perry [Lansigan, his manager], sabi niya, ’O, Gabs, magda-dub ka, ha, Miracle in Cell No. 7.’

"Ganoon lang kasimple.”

Nakakaiyak ang kuwento ng Korean movie na ito. Naiyak ba siya nang mapanood niya ito?

“Oo naman! Nagda-dub ako kahapon, umiiyak ako!” natawa niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN