Richard Gomez sets aside political plans; excited about new TV5 game show

Richard Gomez on the much-criticized Disbursement Acceleration Program (DAP): “Naku, hayaan mo na yun. Problema na nila yun. Basta ang sa akin, basta ang pera ng bayan, for as long as nagagamit nang tama para sa mga tao.”


Malaki ang pasasalamat ni Richard Gomez sa TV5 na muli siyang nabigyan ng pagkakataon na makapag-host sa telebisyon sa pamamagitan ng bagong weekly comedy game show na Quiet Please! Bawal Ang Maingay! na magsisimulang umere sa Agosto 10.

“Iba kasi pag game show dahil sarili mo talaga ang ipinapakita mo sa mga tao, kung ano ka.

“Unlike pag teleserye, pag pelikula, you are playing a role. I really enjoy doing game shows,” sabi ni Richard, na huling nag-host ng game show sa TV5 noong 2012, ang The Biggest Game Show In The World-Asia.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang piling press si Richard sa pocket presscon niya sa TV5 headquarters sa Reliance Street, Mandaluyong City, noong Hulyo 25.

Anong klaseng game show ba ang Quiet Please?

Ayon kay Richard, “Ito ang pinakatahimik na game show sa buong mundo.

“Paano kasi pag nag-ingay ka, tutunog ang buzzer. Yung challenge namin, kailangan ma-accomplish mo yung task in the most quiet possible way.

“Kasi sensitive yung mga mic e, at saka meron kaming giant noise meter na susukat doon sa magagawa mong ingay.

“For example, kailangan punitin mo itong tissue paper na ito nang tahimik. Pag maingay, mapi-pick up ng mic, tutunog siya.

“O kaya pagbukas mo ng softdrink in can walang ingay. O kaya pagkagat mo ng chicharon dapat walang ingay. Mahirap, kasi may time pressure pa.”

Kung meron nga raw siyang gustong i-guest sa show, ito ay ang mga kaibigan niyang celebrities.

Tinupad naman ng TV5 ang kanyang hiling dahil naging guests sa show ang mga kaibigan niyang sina Jomari Yllana, Antonio Aquitania at Luke Jickain. Sa isa pang episode ay guest naman ang mga barkada niyang sina Joey Marquez at Wendell Ramos, kasama pa sina Alice Dixson at Derek Ramsay.

POLITICAL ISSUES & CONGRESSWOMAN LUCY. Natanong din ng press si Richard kung ano na ang pinagkakaabalahan ngayon ng asawa niya at congresswoman na si Lucy Torres-Gomez. Katatapos lang din kasi ng dance show na hinost nito sa TV5, ang Celebrity Dance Battle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tugon niya, “Ngayon ang pinagkakaabalahan niya yung mga boat projects sa Ormoc.”

Ang boat projects na ito ay kabilang sa livelihood at rehabilitation programs ni Lucy para sa mga mangingisda sa Ormoc na nawasak ang mga bangka nang masalanta ng bagyong Yolanda noong isang taon.

Sasamahan ba niya si Lucy sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, Hulyo 28?

Mabilis niyang pagsang-ayon, “Oo, pupunta ako. Tignan natin kung ano ang mangyayari.”

Ano ba ang komento niya sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Pangulo, na idineklarang unconstitutional kamakailan ng Supreme Court?

“Naku, hayaan mo na yun. Problema na nila yun. Basta ang sa akin, basta ang pera ng bayan, for as long as nagagamit nang tama para sa mga tao,” lahad niya.

Ano naman ang masasabi niya sa mabagal na pagpaparating ng tulong ng gobyerno sa mga biktima ng Yolanda sa Tacloban, kasama na rin ang Ormoc? Marami kasi ang kumukuwestiyon kung saan na napunta ang pondo at mga donasyon lalo na mula sa ibang bansa.

Sabi ni Richard, “Well, marami talaga ang kumukuwestiyon.

“Kaya nga kami ni Lucy, on our own, humihingi kami ng tulong sa ibang mga kumpanya. Kung may dumating na tulong mula sa government, e di magpapasalamat naman kami.

“Kung mabagal at wala, from private sectors may pumapasok [na pondo] para sa mga tinamaan ng bagyo.”

Nakaapekto ba yung pagkawala ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga congressmen? Pansamantala kasing tinanggal ang PDAF dahil sa pork barrel issue na kinasasangkutan ng ilang mga mambabatas.

“Oo, malaking bagay. Ang hirap ng walang PDAF.

“Paano kasi yung PDAF na nakukuha ni Lucy, pino-program iyon sa iba’t ibang projects like yung PhilHealth.

“Seventy-five percent ng family doon sa distrito namin [fourth district ng Leyte] covered na ng PhilHealth. E, ngayon nawala yung PDAF, wala kaming pang-PhilHealth sa mga tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi nakakatulong talaga sa pang-ospital nila yun, e. Tapos may pondo pang nilalagay si Lucy sa DSWD [Department of Social Welfare and Development] para sa mga gamot.

“Pag kailangan ng gamot, mag-iisyu lang yung doktor ng reseta, yung DSWD na ang magbabayad nun. Pero ngayon, wala, we cannot do anything,” hinaing niya.

WILL NOT RUN IN 2016. Tatakbo ba siya sa 2016 elections?

Tanggi niya, “Hindi, si Lucy pa rin yung congressman namin.

“’Di ba pina-disqualify siya nung first term niya. E, tinanggap namin yung disqualification. So technically, si Lucy is only under her first term now, so may dalawa pa siya.”

Kung hindi congressman, wala ba siyang planong tumakbo para sa ibang posisyon?

“Ako, wala, I’m here to support Lucy sa pagiging congressman,” giit niya.

So, kakalimutan na ba niya ang kanyang political plans?

“Siguro pag dumating yung time. Ang hirap kasi pag sabay-sabay.

“Kung noong last election [2013] nanalo, e di ang dami kong hindi na-accomplish. Hindi ako nakapag-movie ngayon, wala akong TV show ngayon.

“Imagine, naging miyembro pa ako ng national team sa volleyball,” pahayag pa ni Goma.

Tatlong beses nang nabigo si Richard sa kanyang hangaring magkaroon ng career sa pulitika. Noong 2007 ay tumakbo siya sa pagka-senador bilang independent candidate, ngunit natalo siya. Noong 2010 ay tumakbo siya bilang congressman ng fourth district ng Leyte, ngunit na-disqualify siya dahil sa residency issue.

Pumalit sa puwesto niya si Lucy at nagwagi naman. Pina-disqualify naman si Lucy at lumabas ang desisyon ilang buwan bago ang 2013 elections, kaya hindi nito natapos ang kanyang termino. Tumakbo ulit si Lucy ng 2013 at nanalo. Si Richard naman ay tumakbo sa pagka-mayor ng Ormoc City noong 2013 pero hindi pinalad manalo. Sa ngayon, tumatayo siyang Chief of Staff ng asawang kongresista.

Kasalukuyang abala si Richard sa kanyang showbiz career. Bukod kasi sa kanyang game show sa TV5, kabilang din siya sa cast ng 2014 Cinemalaya entry na The Janitor with Dennis Trillo, Derek Ramsay at LJ Reyes. Ginagawa niya rin ang Star Cinema movie na The Trial, kung saan kasama niya sina Gretchen Barretto, John Lloyd Cruz, at Jessy Mendiola.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN