Sarah Geronimo happy for Lyca Gairanod’s win in The Voice Kids; thinks Darren Espanto would win

Coach Sarah Geronimo says it was Lyca’s night on the second day of the The Voice Kids grand finals, and that she really stood out in her performances.


Hindi maitago ni Coach Sarah Geronimo ang kanyang tuwa na nanggaling sa kanyang team ang kauna-unahang The Voice Kids grand champion na si Lyca Gairanod.

Si Lyca ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng online at text votes sa apat na grand finalists ng singing search ng ABS-CBN.

Pumangalawa ang Fil-Canadian na si Darren Espanto, na mula rin sa Team Sarah; sumunod si Juan Karlos Labajo ng Team Bamboo; at pang-apat si Darlene Vibares ng Team Lea Salonga.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Sarah pagkatapos ng grand finals ng The Voice Kids na ginanap sa Resorts World Manila, kagabi, July 27, Linggo.

Saad niya, "Sobra-sobra talaga akong masaya para sa dalawa [Lyca at Darren], sa kanilang apat...

"Katulad ng lagi kong sinasabi, deserving silang lahat.

"Whoever wins among the four talaga, masaya ako, pero nanggaling sa team ko."

Pag-amin ni Sarah, "Alam mo, sobrang tuliro ako sa kanilang dalawa kapag nagka-campaign ako sa kanila.

"Kasi pareho ko silang mahal, pareho akong naniniwala sa talento nila.

"Kahit sinong manalo sa kanila, okay na ako."

Ano ang masasabi ni Sarah na galing sa team niya ang pinakamalakas na contestants—sina Lyca at Darren?

Sagot niya, "Ako naman, e, sinuwerte lang na ako ang naging coach ng dalawang batang ito, so sila talaga ’yon."

LYCA’S NIGHT. Matindi ang labanan sa dalawang contestants ng Team Sarah na sina Lyca at Darren, subalit sa huli, si Lyca ang pinili ng mas nakararami upang magwagi.

"Alam mo, gabi talaga niya ngayon, e," pagtukoy ni Sarah kay Lyca.

"Si Darren, sobra talaga siyang nag-shine last night [July 26].

"His rendition of ’Ngayon,’ talagang powerful, talagang ’Wow!’

"Akala ko siya na talaga, e," pag-amin ng Pop Princess.

Pero sa ikalawang gabi ng grand finals, umangat daw ang performance ni Lyca.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maging ang Aegis, na naka-duet ni Lyca sa kantang "Ulan", ay natuwa dahil nakikita raw nila ang kanilang sarili sa isang batang nangangalakal ng basura.

Ayon pa kay Sarah, mahirap man si Lyca, hindi maitatanggi ang pagkakaroon nito ng talent.

Pero nagpaalala si Sarah na may mas mahalaga pa sa titulo na napanalunan mula sa isang contest.

"Ang importante sa lahat, yung sinimulan mo, kung paano mo ipagpapatuloy, kung paano mo gagamitin."

Natapos man ang kumpetisyon, sinabi ni Sarah na tuluy-tuloy pa rin ang paggabay sa kanyang dalawang protégés na sina Darren at Lyca.

FINALS NIGHT. Sa pagpapatuloy ng The Voice Kids grand finals kagabi, nagkaroon ng pagkakataon ang apat na contestants na maka-duet ang sikat na singers.

Kinanta ni Darren ang "You Are My Song" kasama ang Concert King na si Martin Nievera.

Si Mr. Pure Energy Gary Valenciano naman ang nakasama ni Juan Karlos at kinanta nila ang "Heto Na Naman."

Inawit naman ni Darlene ang "You Don’t Have To Say You Love Me" kasama ang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN