Kris Bernal on Aljur Abrenica’s complaint against GMA Network: "Ayokong manghusga, ayoko na may kakampihan ako."

Kris Bernal on Aljur Abrenica’s complaint against GMA: “[Y]ung pagreklamo niya, nagulat ako na ginawa niya yun. Pero hindi ko rin alam kung ano ang pinagdadaanan niya at kung ano ang nasa puso niya, kaya ayokong mag-judge talaga. Ayokong manghusga, ayoko na may kakampihan ako. Kasi hindi ko alam yung pinagdadaanan ng both parties.”


Wala raw nararamdamang takot si Kris Bernal sa magiging outcome o balik sa career ni Aljur Abrenica ang paghahain nito ng reklamo laban sa GMA Network.

Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Kris, matapos ang appearance niya sa Sunday All Stars noong Linggo, July 27, sinabi nitong may malasakit sa Aljur sa kanyang career.

Saad ng young actress, “Pinaghihirapan niya at talagang pinaghuhusayan niya ang career niya.

“So, basta ipagpatuloy niya ang ganung attitude niya. Alam ko namang hindi naman siya mawawala.”

Ibig bang sabihin, sa kanyang opinion, ay tama ang ginawang pagrereklamo ni Aljur laban sa kanilang istasyon?

Paglilinaw ni Kris, “Hindi naman tama ang ginawa niya.

“When it comes to work as an actor, as a performer, magaling siya.

“Pero yung pagreklamo niya, nagulat ako na ginawa niya yun.

“Pero hindi ko rin alam kung ano ang pinagdadaanan niya at kung ano ang nasa puso niya, kaya ayokong mag-judge talaga.

“Ayokong manghusga, ayoko na may kakampihan ako.

“Kasi hindi ko alam yung pinagdadaanan ng both parties.”



MR. PERFECT? May mga nag-aalala sa magiging balik ng desisyon ni Aljur na kumawala sa pinaglilingkurang istasyon. Maaaring ma-freeze ang career nito at lumamlam ang kasikatang ipinundar niya ng ilang taon.

Komento ni Kris dito, “Depende naman sa kung paano tatanggapin ng tao at kung paano niya uli babawiin yun.

“Sa pagkakakilala ko kay Aljur, yung ugali niya, gusto niya laging perfect. Gusto niya lahat ng ginagawa niya, perfect.

“Lahat ng ibibigay niya, ipapakita niya sa audience, perfect niya nagawa.”

Inamin ni Kris na nalungkot siya sa naging desisyon na ito ni Aljur.

Sabi ng 25-year-old actress, “Nakakalungkot siya.

“Nung nalaman ko yun, naging emotional nga ako, e. Umiyak ako ng akin lang.

“’Eto lang ang sandalan ko, ‘eto lang ang lagi kong kasama.

“Siya rin yung takbuhan ko pagdating sa career ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pagdating sa performance ko, tinatanong ko rin siya. Talagang damayan kami.

“So, parang mawawalan ako ng best friend… alam niyo naman yung relationship namin ni Aljur.

“Special siya sa akin, bilang kaibigan.”

Magka-batch sina Kris at Aljur sa reality-based artista search ng GMA na StarStruck Season 4, kung saan pareho silang nanalo.



CHANGED MAN. Bago pa pumutok ang isyu ni Aljur laban sa Kapuso Network, kapansin-pansin na ang pagbabago nito.

Sa interviews, tungkol sa kanyang malaking pananampalataya sa Diyos ang madalas mamutawi sa kanyang mga labi.

Sa panayam nga ng PEP kay Aljur noong araw na maghain siya ng reklamo para ipawalang-bisa ang kanyang kontrata sa GMA, sinabi nitong iba na ang career path na gusto niya.

Tanong ng PEP kay Kris: May napansin ba siyang pagbabago kay Aljur?

Saad niya, “Nakita ko yung pagbabago niya.

“Ang laki ng ipinagbago niya, pero hindi siya masama.

“Kasi kahit ako, nagugulat ako, everytime na nagkikita kami, everytime na pinapayuhan niya ako, talagang laging nandiyan si Lord.

“Talagang hindi nawawala sa usapan namin yung relationship ko at relationship niya kay Lord.

“So, anything na connected o related kay Lord, hindi masama.

“I don’t think na masama yung pagiging religious niya. Nakakatulong pa nga yun sa kanya.”

Kung tutuusin ay religious din naman si Kris, ngunit hindi siya nagrereklamo sa mga role na ibinibigay sa kanya ng GMA.

Willing pa nga siyang magpa-sexy o gawin ang isang mature role sa isang indie film na inalok sa kanya noon, pero mismong ang management team niya ang umayaw sa proyekto.

Paliwanag ni Kris, “Hindi ako nagrereklamo kasi hanggang ngayon, nasa point pa ako na marami pa akong gustong gawin.

“Nararamdaman ko pa naman hanggang ngayon, simula nung nag-umpisa ako, na ibinibigay sa akin ng GMA yun.

“Hindi ako nagrereklamo dahil ramdam kong alagang-alaga nila ako. Wala akong nakikitang mali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, iba naman yung pinagdadanan namin ni Aljur.

“Iba yung sa kanya, iba naman yung sa akin at sa GMA-7.

“So, wala akong karapatang mag-judge at mag-decide.”

Ayon kay Kris, hindi pa sila nagkakausap ni Aljur tungkol sa isyung ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN