German Moreno willing to mediate between Aljur Abrenica and GMA to settle their issue

Kuya Germs’s advice to Aljur Abrenica: "Huwag pasusulsol kahit kanino kasi ‘di mo naman alam kung tama ba yun o hindi. Dapat pinag-iisipan muna, kasi siya ang nakataya dito, hindi naman yung mga taong nanunulsol sa kanya. Dapat sa pagdedesisyon, siya ang dapat na may tangan kung ano yung gusto niya, hindi puwedeng yung iba ang magdedesisyon para sa kanya. Para kung ano man ang maging desisyon niya, walang dapat sisihin kung hindi sarili niya lamang."


Bilang isa sa mga haligi at consultant ng GMA Network, kinausap ng veteran TV host na si German Moreno ang young actor na si Aljur Abrenica kaugnay ng paghahain ng reklamo nito laban sa pinagtatrabahuang istasyon.

Naganap ang pag-uusap nina Kuya Germs at Aljur pagkatapos ng guest appearance ng young actor sa Sunday All Stars noong Linggo, July 27.

Kaya nang matiyempuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Master Showman sa GMA Studios ay inusisa namin siya tungkol sa pinag-usapan nila ni Aljur.

Kuwento niya, “Kinausap ko bilang tatay-tatayan niya rin sa industriya na, if may nag-uudyok sa kanya, sana pag-aralan muna niya at pag-isipan niya kung maganda ba ito o may maidudulot na maganda sa kanya.

“Sinabi ko sa kanya kung saan ba siya nagsimula. ‘Di ba, dito sa GMA-7?

“Ang Kapuso Network ang nag-alaga sa kanya nung nagsisimula pa lang at ngayon nga na may pangalan na siya.”

Si Aljur ay produkto ng reality-based artista search ng GMA na StarStruck, kung saan siya ang nanalong Ultimate Hunk noong Season 4.

Patuloy ni Kuya Germs, “Ilang taon na ba siya rito? ’Di ba, matagal na?

“At sa mga taong naririto siya, lagi naman siyang may magandang projects na ibinibigay sa kanya ng network. At lahat yun, bida siya.

“Kaya nga sabi ko sa kanya, na nakakalungkot isipin na sa tinagal-tagal na niya sa GMA, ngayon pa na kakapirma pa lang niya, ‘tsaka naman gusto niya magpa release.”

Hanggang 2017 pa ang kontrata ni Aljur sa GMA.



DECISION-MAKING. Pinayuhan din ni Kuya Germs si Aljur tungkol sa mga ginagawa nitong desisyon.

Ayon sa TV host, “Kung merong problema, masu-solve ‘yan, basta pag-usapan lang nang maayos.

“Huwag yung bigla na lang magagalit at magdedesisyon nang ganun-ganun na lamang.

“At huwag pasusulsol kahit kanino kasi ‘di mo naman alam kung tama ba yun o hindi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dapat pinag-iisipan muna, kasi siya ang nakataya dito, hindi naman yung mga taong nanunulsol sa kanya.

“Dapat sa pagdedesisyon, siya ang dapat na may tangan kung ano yung gusto niya, hindi puwedeng yung iba ang magdedesisyon para sa kanya.

“Para kung ano man ang maging desisyon niya, walang dapat sisihin kung hindi sarili niya lamang.

“Sapagkat ikaw yung may katawan. Kung ayaw mo ang isang proyekto, puwede ka magsalita in a nice way.”



LOYALTY. Ibinahagi rin daw ni Kuya Germs kay Aljur ang kahalagahan ng pagiging loyal sa kumpanyang pinaglilingkuran.

Saad niya, “So, ako nga, sinabi ko sa kanya, 40 years na mahigit na ako sa GMA-7.

“Meron din akong nae-encounter na problema dito, mas matindi pa sa kanya, pero nandito pa rin ako.

“Marami akong ‘di magagandang nararanasan, at hangang ngayon meron pa rin, pero bakit hangang ngayon, katulad ng sinabi ko, nandidito pa rin ako?

“Because nandodoon pa rin yung aking loyalty.

“Iyan kasi ang mahalaga sa bawat tao, dapat may loyalty ka, especially kung may mga taong nag-aalaga naman sa ‘yo nang tama.

“Dapat may respeto ka sa network kung saan ka galing, nagmula, at nagbigay sa ‘yo ng pagkakataong maging pamilya nila.”

Dagdag pa ni Kuya Germs, “Well, kung siguro pinansin ko yung mga taong nang-iintriga sa akin sa GMA, baka matagal na akong wala dito.

“Pero hindi, e. Ang gusto ko kasi, yung staying power na kahit ilang taon na yung lumipas, nandiyan ka pa rin at hindi nawawala.

“Sinabi ko nga sa kanya na wala pa siya sa kalingkingan ng mga naranasan ko.

“Ito lamang, sumusuko na siya, e, ano ba yung unang pinasok niya, reality show, pero naka-survive siya at nanalo.”



ALJUR’S ALBUM. Binigyan din daw ng payo ni Kuya Germs si Aljur tungkol sa pag-ayaw nito sa ibinibigay na mga kanta sa kanyang album na dapat ay gagawin niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung tungkol naman sa album, ang sabi ko sa kanya, ‘If may ayaw ka sa mga kanta na gagawin mo, you can say it.

“’Sabihin mo ayaw mo at i-explain mo kung bakit. Siguro naman, kung hindi mo talaga gusto, hindi na nila ipipilit yun sa ‘yo.’

“Kasi mas masarap magtarabaho kung gusto mo ang ginagawa o gagawin mo.

“Basta anything na ayaw mo, puwede mong sabihin, basta maganda lang ang dahilan.

“Hindi yung ito na kaagad, ‘E, si ganito… E, si ganyan…’ Walang maidudulot na maganda yun.

“Pag-usapan nang maayos para ma-solve kaagad ang problema at hindi na aabot sa husgado.

“Huwag na huwag na manggaling sa ibang tao na uudyukan ka ng kung anu-ano, kasi ikakapahamak mo lang.

“After that, ano’ng mangyayari, ‘di ba?”



STILL ALJUR’S DECISION. Sa kabila ng mga payo at paalala na ibinigay ni Kuya Germs, nasa young actor pa rin daw ang huling desisyon kung ipagpapatuloy nito ang inihaing reklamo laban sa GMA.

Saad ni Kuya Germs, “Masakit din para sa akin kasi itinuturing ko siyang anak-anakan sa industriya.

“At nakakausap ko naman siya every time na may problema siya, kaya naman pinapayuhan ko siya.

“Pero nasa kanya pa rin naman ang pagdedesisyon at payo lang naman ang puwede kong ibigay sa kanya.

“Dapat lagi niyang babalikan yung kanyang sinimulan para maalala niya kung papa’no ba siya nagsimula at saan ba siya galing.”

Aniya pa, “Ang maganda naman kasi kay Aljur, nakikinig siya,

“Tinanong ko naman siya kung handa na ba siyang umalis sa GMA, pero sabi niya, hindi naman daw.

“Kaya naman sinabi ko sa kanya na dapat ayusin kung ano man yung gusot sa pagitan nila ng GMA-7.

“At kahit ako, tutulong ako kung gusto talaga niya maayos kung ano man ang dapat ayusin.

“Huwag yung iiral yung galit at ura-uradang magdedesisyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Natural sa tao ang unang bugso ng damdamin na galit ka, at lahat magagawa at masasabi mo.

“Pero pagtagal-tagal, dun mo mare-realize kung tama ba o mali yung ginawa mo.

“Kaya ako, nandidito lang if sabihin niya na gusto na niyang makipag-usap nang matapos na kung ano man ang problema niya sa GMA-7.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN