Nora Aunor wins her first-ever Cinemalaya award for Best Actress

Sa sampung taon ng Cinemalaya ay ngayon lamang nagkaroon ng pelikula ang Superstar na si Nora Aunor, ang Hustisya, kung saan itinanghal na Best Actress si Nora sa awards ceremony na ginanap kagabi, August 10.


Ang Superstar na si Nora Aunor ang nagwaging Best Actress, para sa pagganap niya sa Hustisya, sa Director’s Showcase category ng Cinemalaya X kagabi, August 10, sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Bukod sa pananalo ng Superstar, nanalo rin ang Hustisya ng Audience Choice at ng NETPAC (Network for the Promotion of Asian Cinema) awards.

Ang Hustisya, na mula sa panulat ni Ricky Lee at sa direksiyon ni Joel Lamangan, ang siya ring opisyal na naiproklamang top-grossing entry sa Director’s Showcase category. Kaya nagkaroon ito ng additional screenings sa huling araw ng Cinemalaya filmfest kahapon, bago ganapin ang awards night.

Balitang tampok din ang pelikula sa mga gaganaping international film festivals sa Toronto, Canada, at sa isa pang malaking filmfest sa Europe bilang competition entry.

Narito ang bahagi ng acceptance speech ni Nora kagabi:

"Nais ko po muna sigurong pasalamatan lahat ng mga fans. Kundi sa kanila, wala po ako dito sa harapan ninyo.

"Sila po ang pumipila at nakikipaglaban [para sa akin]... maraming salamat po.

"At sa akin pong direktor, Joel Lamangan; sa aking scriptwriter, si G. Ricky Lee; sa staff and crew po ng Hustisya.

"At sa aking mga kaibigan na naniniwala at nagtitiwala hanggang ngayon, nais ko pong ihandong ang kauna-unahang karangalan kong ito sa kanilang lahat.

“Sa Cinemalaya, maraming-maraming salamat po!

"Sa wakas po, nagkaroon na rin po ako ng Cinemalaya [award].

"Asahan niyo po na habang nandiyan kayo, na sumusuporta pa rin po, ay patuloy pa rin po akong gagawa ng pelikulang makabuluhan at kapupulutan po ng aral.

"At para po sa mga kabataan ngayon, sana po ay magsilbing inspirasyon sa kanilang lahat ang mga ginagawa kong pelikula.

“Maraming salamat po.”

Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Nora ang kanyang producers—couple Romnick Sarmenta and Harlene Bautista of Likhang Silangan Productions—at personal manager na si Boy Palma.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Special mention naman ang special friend niyang si John Rendez.

Aniya, "Si Robert Porter Jr., na kung minsan tinatamad-tamad po ako, siya po ang pumapalo sa puwet ko, ’Sige, magtrabaho ka. Hindi puwedeng hindi ka magtrabaho.’"

Read: Nora Aunor, Eula Valdes, Dante Rivero and Robert Arevalo win top acting awards in Cinemalaya 2014



OVERWHELMING VICTORY. Masasabing isang overwhelming victory at doubly significant ang pananalo ni Nora sa Cinemalaya X, matapos ang kontrobersiyal niyang exclusion bilang isa sanang recipient ng National Artist (for Film and Broadcast Arts).

Gayunman, sa pag-a-announce kay Nora bilang winner kagabi, sinambit ng presentor na si Mimi Juareza—last year’s Cinemalaya best actor winner for Quick Change—na si Nora ang “our National Artist.”

Patuloy nga ang pangangalap pa rin ng fans ng one million signatures para maideklarang "People’s National Artist" si Nora.

At ito’y labis na pinapasalamatan at tinatanaw ng malaking utang na loob ng Superstar sa kanyang mga tagasuporta, na hinahandugan niya ng kanyang parangal.

Wika ni Nora sa interview ng media matapos ang awarding at photo-ops, "Sa lahat ng mga fans, siyempre nagmamalasakit pa rin at nagtitiwala, at naniniwala... yung mga patuloy na nakikipaglaban para sa akin.

"Para sa kanila ito, dahil sila ang inspirasyon ko..."

May dream role pa ba si Nora at this point, matapos niyang gampanan ang papel ni Biring, na "bida-kontrabida" sa Hustisya?

Sabi niya, "Meron pa… hindi ko lang maisip. Pero marami pa akong dapat na pag-aralan bilang artista.

"Hindi lang tayo dapat tumigil kung nasaan tayo ngayon.

"Kailangan, sa mga susunod nating gagawin ay lilikha pa rin tayo ng mga pelikula na gagawing mahalaga at kapupulutan ng aral."



UPLOADING CINEMALAYA FILMS ON YOUTUBE. Nagpahayag din ng personal niyang saloobin si Nora hinggil sa naging isyu tungkol sa pagkaka-upload ng Cinemalaya films, batch 2012 and 2013, sa YouTube.

Mainit na paksa ngayon ang pangyayari, na agad din namang naituwid sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga naturang uploads sa Internet.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Humingi na rin ng public apology ang mga opisyal ng Cinemalaya Filmfest, kabilang ang dalawang pinuno ng Cinemalaya Foundation, Inc. na sina Tonyboy Cojuangco at Nestor Jardin.

Pero hindi maiwasang magpahayag ng kanilang marubdob na sentimyento ang indie filmmakers, with their official statements, ‘tulad nina Hannah Espia (2013 best director for Transit) at Kanakan Balintagos (2011 best director for Busong).

Para kay Nora, na isa ring indie film actress and producer, "Hindi dapat [ang pag-a-upload]. Kung ilalabas man nila, magpaalam sila sa producer.

"Siyempre, mapapanood ng lahat [ang mga pelikula]... at malaking kawalan din ‘yon sa producers, lalo na sa direktor, dahil napapanood nila nang libre."

Ang sinasabing dahilan ng pangyayari, diumano, ay ang "sustainability" at paraan ng pagma-market ng Cinemalaya films sa mas malawak na bahagi ng manonood.

Ito ang naging laman ng talumpati ni Mr. Cojuangco bago siya humingi ng dispensa sa mga affected filmmakers.

Patuloy ng Superstar, "Ang unang-una siguro, magpaalam muna... lalung-lalo na sa mga direktor.

"Kasi sila yung nagpagod diyan, e. At saka siyempre, yung mga producers.

"Para bang, hindi naman sa ’yo, kinuha mo... nakaw na rin ‘yon, e.

“Para sa akin, na ipinalabas [ang mga pelikula sa YouTube] nang hindi nagpapaalam, hindi tama."



UPDATES. Samantala, tatlo pang pelikulang indie na bida si Nora ang nakatakdang ipalabas bago matapos ang 2014.

Ang Dementia, na first movie directorial project ni Perci Intalan, sa September; ang Whistleblower, na ayon kay Direk Adolf Alix, Jr. ay may natitira na lang na isang shooting day, na inaayos ang schedule ng mga kabilang sa cast; at ang Padre de Familia, na wala pang playdate, pero tapos na ang pelikula at nasa mga huling proseso na lang ng post-production at dubbing.

Pero this early, may pakikipag-usap na rin si Nora sa ilan pang direktor na may indie film offers sa aktres.

Kabilang sa mga ito sina Brillante Mendoza, para sa Yolanda; at si Kanakan Balintagos, para sa isang pelikulang tungkol sa mga native ng Palawan, titled Mga Buhay Na Apoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May offer ding pag-uusapan sina Nora, Boy Palma, at ang festival director ng Cinema One Originals Filmfest, sa November, para sa isang competition entry, titled Lorna, na ididirek ni Sigrid Andrea Bernardo.

Sa mga bagong indie movie offers ay nananatili namang non-committal si Ate Guy.

"Saka na lamang po malalaman ‘pag nakapag-umpisa na kami," sambit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN