Jun Lana wants dialogue with Cinemalaya organizers to resolve unauthorized uploading of past entries

Director Jun Lana on unauthorized uploading of past Cinemalaya entries, including his film Bwakaw, on YouTube and Cinemalaya website: “Nagulat, nasaktan, hindi namin alam kung anong nangyari. Kasi kung merong isang festival dito ngayon sa atin na tinitingala at mahal na mahal ng mga filmmakers, kasi doon nila nagagawa yung passion projects nila, Cinemalaya yun. Cinemalaya ang dapat nag-aalaga sa kapakanan ng mga filmmakers, gaya din ng pagmamahal namin sa


Nakikiisa ang direktor at scriptwriter na si Jun Lana sa pagpapahayag ng pagkadismaya ng kapwa niya filmmakers sa walang permisong pag-upload ng mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, noong 2012 at 2013, sa YouTube at sa mismong website ng Cinemalaya.

Maraming filmmakers ang naglabas ng kanilang saloobin sa mismong awards night ng Cinemalaya 2014 noong Linggo, Agosto 10.

Bagamat nagbigay na ng paliwanag at humingi na ng public apology ang mga opisyales ng Cinemalaya—kabilang na sina Tonyboy Cojuangco, Nestor Jardin, at Chris Millado—hindi pa rin lubos na nagkakaayos ang dalawang panig.

Ayon kay Direk Jun, nabigla siya nang makarating sa kanya ang balitang pag-upload sa Internet ng Cinemalaya entries dahil kabilang dito ang pelikulang idinirehe niya para sa naturang film festival noong 2012, ang Bwakaw.

Ang pelikulang ito na pinagbidahan ni Eddie Garcia ay nanalo ng NETPAC Award, Audience Choice Award, at Best Actor para kay Eddie sa Directors Showcase Category noong taong iyon.

Kinilala rin ang Bwakaw sa international film festivals at naging entry pa ito ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film ng 85th Academy Awards.

Saad ni Jun, “Nagulat ako nung matanggap ko yung text na yung Bwakaw daw, nasa YouTube. In-upload daw ng Cinemalaya.

“Ang ikinagulat ko talaga, napanood ko yung first thirty minutes, ‘tapos tumigil na ako kasi nagulat ako dahil wala namang hininging permiso mula sa amin.

“So, gaya ng sentimiyento ng maraming filmmakers, sana nagkaroon ng dialogue, sana nagkaroon ng consultation.

“In fact, hanggang ngayon, yun ang hinihingi ko.

“Ngayong tapos na yung festival, sana maayos na nila.

“Sana ipatawag kami para mapag-usapan kasi maaapektuhan ito, e, hindi lang yung mga filmmakers na sasali, kundi pati yung reputasyon ng Cinemalaya.

"So, sana magkaayos-ayos kami."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Direk Jun sa premiere night ng pelikula niyang Barber’s Tales, na ginanap kagabi, Agosto 11, sa Cinema 7 ng Trinoma Mall sa Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



INVESTMENT & CONTRACT ISSUES. Sabi pa ni Jun, hindi naman nila ipinagdadamot ang kanilang mga pelikula sa Cinemalaya.

“Pero alam naman ng Cinemalaya kung gaano kalaki yung investment na ibinigay ng bawat filmmaker doon sa mga pelikula.

“Hindi naman maitatago na yung seed money na ibinigay sa amin, hindi naman ganun kalakihan para mabuo yung pelikula.

“At para mabalik namin yung investment, yung iba sa amin, ibinenta yung rights sa TV network.

“Yung iba, nagkaroon ng sales agent na yung international rights, exclusive dapat doon sa sales agent na yun.

“So, sa ginawang ito ng Cinemalaya, masasagasaan yung mga kontrata na pinirmahan namin sa network, sa sales agent.

“Alam naman ng Cinemalaya yun, e, kaya nakakagulat na nangyari ito.

“So, ang hinihintay na lang namin, sana magkaayos-ayos at magkaintindihan kung ano ang nangyari.”

Pero paano yung pinirmahan nilang kontrata sa Cinemalaya?

Pahayag ni Jun, “Kasi kanya-kanya kaming intindi ng kontrata, e, kaya kinakailangang mapag-usapan yun.

“Kasi malinaw din doon sa kontrata na kung sakaling gusto ng Cinemalaya na i-upload online ang pelikula namin at pagkakitaan, kinakailangan merong separate contract between Cinemalaya and the filmmaker para mapag-usapan yung revenues.

“Yung separate contract na iyon para makuha mo sa amin, kailangan ng permiso namin.

“So, wala kaming ibinigay na permiso, bakit nila in-upload?

“So, yun ang kailangang pag-usapan, kasi nagiging malabo.”

Ang nakarating na impormasyon kay Direk Jun ay may isang empleyado ng Cinemalaya umano ang nag-upload ng mga pelikula.

“Hindi malinaw yun, e.

“Kasi ang statement na inilabas ng Cinemalaya ay nagkaroon sila ng isang empleyado na in-upload daw yung mga pelikula na parang hindi nila alam, parang hindi nila pinayagan.

“Kailangang mag-usap kasi hindi ko naiintindihan yun dahil yung mga pelikula naman, in-upload sa website mismo ng Cinemalaya.

“Wala bang nagbabantay sa website ng Cinemalaya para malaman nila na nandoon yung mga pelikula namin?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At yung mga pelikulang ito, hindi ito maia-upload sa loob ng isang araw, hindi siya maia-upload sa loob ng kalahating araw.

“So, actually itong mga pelikulang ito, July pa, last week of July pa naka-up na sa website nila.

“So, sa tagal noon, walang nakapansin sa kanila?

“So, nung tumatakbo ang festival, naka-up na yun.

“Nung nalaman lang namin ito, kailan lang. Sabado [August 9] ng 9 P.M., nagkakagulo na.

“By Sunday [August 10] ng 2 A.M., na-out na, nawala na yung mga pelikula.

“Kasi nagkagulo na, e, grabe, especially ang mga batang filmmakers, napakamarubdob.”

Patuloy niya, “Gusto ko lang sabihin sa kanila na sana huwag tayong mag-away-away, sana mag-usap.

“Walang mararating yung basta na lang natin ilalabas yung init ng ulo kasi hindi natin maiintindihan.

“Naiintindihan ko yung adhikain ng Cinemalaya na gusto nilang magkaroon ng mas malaki at mas malawak na audience kaya nila nilagay sa YouTube.

“Hindi lang nagkaroon ng consultation.

“Siguro kapag nagkaroon ng pag-uusap, maaayos ito.”

Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Chris Millado, festival director ng Cinemalaya, sinabi nitong magpapatawag sila ng dialogue sa filmmakers.

Ipinaliwanag din nito kung bakit sila nagdesisyong i-upload sa YouTube at sa website ng Cinemalaya ang mga nakaraang entries sa taunang film festival.

Read: Cinemalaya festival director Chris Millado explains upload of past Cinemalaya entries on the Net

PIRACY. Dahil nga nai-upload ang mga pelikula sa YouTube kaya naniniwala si Direk Jun na marami na ang nakapag-download nito at malamang napirata na ang mga ito ng mga kawatan.

Saad niya, “Posibleng napirata na.

“Kasi yung Sana Dati, marami na ang nakapanood, e.

“Ang nakakadismaya lang kasi, may plano kami kung paano idi-distribute yung Bwakaw, yun ang hinahabol namin.

“Actually, nakabili na ako [ng pirated copy], tiningnan ko lang.

“Ang nakakabaliw nga, ‘di ba, ang Bwakaw nagsimula siya nang walang credits?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagsimula na lang siya, e, pumasok si Tito Ed [Eddie Garcia], yung credits nasa dulo.

“Kung sino man yung pumirata, siguro naawa sa amin, sabi, ‘Bakit walang credits ang pelikulang ito?’

“Nilagyan nila ng credits sa simula ang Bwakaw, yung nagpirata.”

Kailangan daw talagang mapag-usapan ang distribution ng mga pelikula.

“Alam ko naman na isa sa kailangang i-address ng mga filmmakers at ng Cinemalaya yung distribution.

“Malaking tulong talaga, halimbawa, kung magkakaroon ng maayos na usapan kung paano puwedeng mai-distribute ang mga pelikula namin online, yung may maayos na kontrata.

“Pero hindi yung basta lang ipapalabas na walang consent sa filmmaker.”



RESPECT. Ano ang naramdaman niya sa nangyaring ito?

Sagot ni Direk Jun, “Nagulat, nasaktan, hindi namin alam kung anong nangyari.

“Kasi kung merong isang festival dito ngayon sa atin na tinitingala at mahal na mahal ng mga filmmakers, kasi doon nila nagagawa yung passion projects nila, Cinemalaya yun.

“Cinemalaya ang dapat nag-aalaga sa kapakanan ng mga filmmakers, gaya din ng pagmamahal namin sa Cinemalaya.

“So, nung mangyari ito, parang wala nang pakialam sa karapatan namin ang Cinemalaya. Iyon ang nakakagulat doon.

“Hindi lang naman ito tungkol sa kita, hindi lang naman ito tungkol sa pagpapalaganap ng Cinemalaya at mas makilala siya at kami makilala.

“Kundi respeto sa isa’t isa, ganun yun, e. Yung respeto yun ang pinakaimportante.

“Doon lang naman nagsisimula itong galit, reklamo ng filmmakers dahil parang naapakan yung karapatan nila doon sa pelikula.

“Parang nawalan ng respeto sa kanila ang institusyon.

“So, yun lang ang kailangang ayusin, kailangang maging malinaw kung ano yung dapat gawin.”



BARBER’S TALES. Taliwas sa pagkadismaya ni Direk Jun sa walang permisong pag-upload ng Bwakaw, tuwang-tuwa naman siya sa matagumpay na premiere ng pelikulang Barber’s Tales.

Napuno ang Cinema 7 ng Trinoma at malakas na palakpakan ang dumagundong sa sinehan pagkatapos ng screening.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Present ang buong cast ng Barber’s Tales, sa pangunguna ng bidang si Eugene Domingo kasama sina Iza Calzado, Gladys Reyes, Shamaine Buencamino, Noni Buencamino, Nicco Manalo, at Sue Prado.

Special guest ng gabing iyon ang Superstar na si Nora Aunor, na may special cameo appearance sa pelikula.

Naroon din ang asawa ni Jun na si Perci Intalan.

Namataan din ng PEP ang ilang celebrities na sumuporta sa premiere night na sina Alice Dixson, Zanjoe Marudo, BB Gandanghari; ang mag-boyfriend na sina Sam Concepcion at Jasmine Curtis Smith; Direk Wenn Deramas, Joey Paras, Atom Araullo, Ryan Cayabyab; ang mag-amang Pen at Alex Medina; GMA executives na sina Marivin Arayata, Redgie Magno at Cheryl Ching-Sy; at talent manager Perry Lansigan.

Sa naunang presscon ng Barber’s Tales, naging emosyunal si Eugene at nagpahayag na titigil na muna sa paggawa ng pelikula.

Napapagod na rin daw ang aktres na magbenta ng matinong pelikula para panoorin ng mga Pinoy.

Read: Eugene Domingo frustrated by box-office results of her serious films; wants to take "semi-sabbatical leave" from movies

Ano ang masasabi ni Direk Jun dito?

Saad niya, “Nakakapagod din naman talagang magbenta ng pelikula, naiintindihan ko siya.

“Pero gaya ng sinasabi ko sa kanya, sana huwag [siyang tuluyang tumigil sa paggawa ng pelikula]. Kasi marami ang gusto pang makapanood ng mga gagawin niya.

“Kung gusto niyang magpahinga muna sa pelikula, puwede muna siyang mag-teatro, mag-TV, pero huwag siyang titigil sa paggawa ng pelikula.

“Siguro napagod siya rito sa Barber’s Tales kasi isang taon namin itong ibinebenta.

“Dahil nung ginawa namin ito, sinabi ko sa kanya na, ‘Huwag muna natin itong ipalabas [sa Pilipinas]. Subukan muna nating kumuha ng iba’t ibang honors abroad.’

“So, ilang bansa yung nilibot ni Uge para lang sa pelikulang ito. Ilang beses siyang humarap sa napakaraming tao.

“’Tapos ngayon, nandito na, so naiintindihan ko yung pagod niya, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero masaya kami na after one year, maipapalabas na finally ang Barber’s Tales dito sa bansa natin.”

Hindi naman sila nabigo sa layunin nila sa pagsali sa international film festival dahil pinuri ang Barber’s Tales sa lahat ng mga bansa kung saan na ito naipalabas.

Umani rin ito ng tagumpay nang manalo si Direk Jun ng Best Director sa 3rd Madrid International Film Festival.

Pinarangalan din bilang Best Actress si Eugene sa 6th Tokyo International Film Festival.

Produced by APT Entertainment at OctoberTrain Films, ang Barber’s Tales ay showing na sa mga sinehan simula ngayong Miyerkules, Agosto 13.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN