Ejay Falcon wants to prove that he is a versatile actor

Ejay Falcon on being a versatile actor: "Gusto kong maging sexy-dramatic-action star, na may comedy pa. Gusto kong magawa iyon sa isang teleserye, na parang si Hugh Jackman na lahat ay nagagawa niya. Hindi lang yung action lang o drama lang o pang-sexy lang. Maganda sana na sa isang concept ng teleserye o movie ay magawa mo ang lahat ng iyon."


Gustong patunayan ni Ejay Falcon na may ibubuga siya sa acting, kaya naman umaasa siyang iba’t ibang klase ng roles ang maitotoka sa kanya—sa TV man o pelikula.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ejay noong Linggo, August 17, sa R Bistro Bar, sa Timog Avenue, Quezon City.

Tinanong namin kung mas gusto ba niyang may temang action ang mga project na ibibigay sa kanya.

Tugon ng Star Magic talent, “Sana mayroon, pero at least nakagawa na ako.

“Kaya kahit wala ay okay lang, dahil nagawa ko na rin naman, e.

“Pero mas gusto ko talaga na sana ay mayroon talagang project na action.”

Nagbida si Ejay sa TV remake ng action-drama na Dugong Buhay sa ABS-CBN.

Kung may ire-remake na pelikula para sa kanya, ano ang gusto niya?

Mabilis na sagot ni Ejay, “Iyong Baby Ama o kaya iyong Markang Bungo ni Rudy Fernandez.

“Gusto ko rin iyong Alyas: Waway ni Cesar Montano.

“Kasi, bilang lalaki, ang angas nun, e.

“Bilang lalaki, doon mo talaga maipapakita ang pagiging lalaki mo, sa mga ganoong tipo ng action movie.

“Pero… kasi ako, gusto kong gawin lahat, e.

“Sabi ko nga, gusto kong maging sexy-dramatic-action star, na may comedy pa.

“Gusto kong magawa iyon sa isang teleserye, na parang si Hugh Jackman na lahat ay nagagawa niya. Hindi lang yung action lang o drama lang o pang-sexy lang.

“Maganda sana na sa isang concept ng teleserye o movie ay magawa mo ang lahat ng iyon.

“Doon ko masasabi na, ‘Wow, napaka-challenging ng role na iyan!’”



EJAY’S EDGE. Sa hanay ng young actors ngayon, bihira ang napapasabak sa action at isa na sa kanila si Ejay. Advantage ba ito para sa kanya?

Tugon niya, “Hindi ko rin po alam, e.

“Ayaw kong sabihin yung lamang ko sa iba o kung ano yung mayroon ako na sa iba ay hindi nila nakikita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero salamat, salamat sa mga nakakapansin na may ganoon pala akong… asset siguro… or hindi ko alam kung ano ang tawag, e.

“Basta iyon, kung ano man ang nakikita nila sa akin, ipinagpapasalamat ko sa lahat ng mga tao iyon.”

Sinabi pa ni Ejay na gusto niyang ipakita na isa siyang versatile actor.

“Opo, iyon naman talaga ang gusto ko, na maipakita na versatile ako.

“Noon kasi, bilang baguhan ako, isa lang ang gusto kong gawin, action lang.

“Pero iba na ngayon, gusto ko ay lumawak na ang pagiging actor ko. Kaya lahat ay gusto kong gawin talaga.

“Gusto ko rin na mag-comedy, gusto kong subukan lahat…”

Masasabi bang sign din ito ng maturity niya bilang aktor?

“Opo, opo, kasi kapag mahal mo talaga ang craft mo, ang trabaho mo, iyon na iyon, e, iyon na iyon talaga.

“Kumbaga, hindi na lang basta pera na lang ang pag-uusapan, wala na kami sa ganoon,” nakangiting sabi niya.

Nasabi pa ni Ejay na sobrang suwerte niya sa ibinibigay na mga project sa kanya at sa pag-aalaga ng ABS-CBN.

“Napakasuwerte ko pong artista talaga.

“From PBB [Pinoy Big Brother] pa lang, sa pagpasok ko sa PBB at sa pagkapanalo ko sa PBB, napakasuwerte ko na bilang artista.

“Kaya, ano pa ba ang hahanapin ko?

“Masaya po ako sa ABS-CBN at maganda ang ginagawa nila sa career ko.”

Si Ejay ang itinanghal na Big Winner sa Pinoy Big Brother Teen Edition Plus ng ABS-CBN noong 2008.



SA NGALAN NG ANAK. Very soon ay mapapanood si Ejay sa pelikulang Sa Ngalan ng Anak, na tinatampukan din nina Phillip Salvador at Nash Aguas.

Aminado si Ejay na nagdalawang-isip siyang tanggapin ang proyektong ito, subalit nang nalaman daw niyang isa si Phillip sa makakatrabaho niya rito ay tinanggap na niya ang project.

Kuwento ni Ejay, “Ibang-iba ang hitsura ko doon, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi binatang ama ako doon, e. Naging anak ko si Nash sa pagkabinata.

“So, medyo iba talaga yung look doon at isa itong hard action.

“Actually, noong sinabi sa akin na may anak ako sa movie na ito ay medyo nagdalawang-isip ako noong una.

“Pero nang sinabi na si Phillip Salvador ang kasama namin dito, sabi ko kay Direk Toto [Natividad], ‘Sige, Direk, tara na, game na tayo, mag-shoot na tayo.’

“Kasi si Kuya Ipe, mataas talaga ang respeto ko sa kanya.

“Kasi, siya talaga yung… hindi ba, action star talaga siya, e. Pangalan pa lang niya ay ang laking bagay na, e.

“Lagi niya akong tinuturuan sa acting at inaalalayan niya talaga ako.”

Si Nash ba ay may karapatan ding sumabak sa action?

Sagot ni Ejay, “Oo naman, oo naman.

“Para ilagay siya doon, siyempre… hindi lang ako ang nagsabi nito. Kasi, si Direk Toto talaga ang pumili kay Nash, e.

“So, iyon na iyon talaga. Mahusay si Nash, mahusay ang batang ‘yon.

“Alam niya yung mga continuity, alam niya yung, ‘Direk, hindi ba, ano ako dito, parang nabugbog ako? Hindi ba dapat ang dami kong mga sugat?’ Alam niya lahat ‘yon.

“Matagal na si Nash sa industriya kaya kahit bata pa siya ay magaling siya.”



PBB ALL IN. Hinggil naman sa nalalapit na pagtatapos ng Pinoy Big Brother All In, bilang dating Big Winner sa Bahay ni Kuya, sino sa palagay niya ang mapapasali sa Big Four?

“Kasi, hindi ko naman talaga natututukan iyan sa ngayon, e.

“Pero ang maipapayo ko lang sa kanila, ang advice na maibibigay ko sa mananalo or Big Winner, huwag siyang maiinip paglabas.

“Huwag niyang isipin na magiging big star siya.

“Kapag hindi siya binigyan ng project, maghintay lang siya dahil may nakalaan talaga para sa kanya.

“Maging humble lang siya at huwag niyang kalimutan ang mga taong tumulong sa kanya noong walang-wala pa siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang ABS naman kasi, hinihintay lang din kung kailan ka magiging ready, e.

“Kaya kapag nakita ng ABS na ready ka na, bibigyan ka na ng project.

“Kasi ako, almost one year akong walang… hindi ako binigyan ng break after ng PBB.

“Kasi, alam ko naman sa sarili ko na hindi pa ako ready at that time.

“So, naghintay ako at habang naghihintay ay nag-workshop ako.

“Kailangan kong ayusin ang sarili ko para kapag binigyan ako ng break ay hindi ako mapapahiya sa kanila.”

Kapag may housemates ba na papansin o nagbabait-baitan lang para maawa ang viewers at alalayan sila sa text votes, mapapansin ba iyon?

Ayon kay Ejay, “Kapag ganoon, makikita at makikita rin iyon.

“Kasi, sa dami ng camera sa loob ng PBB, ang unang-unang makakapansin diyan ay yung mga staff at si Big Brother, bago yung mga tao.

“Sila ang makakapansin kung sino ang nagpakatotoo, alam nila kung ano ang mga pangyayari, e.

“Kasi lahat ng mga kilos mo doon ay kuha sa camera, e, alam nila kung ano ang mga tunay na nangyayari, e.”

Payo pa ni Ejay sa housemates, dapat daw na magpakatotoo ang bawat isa sa kanila.

“Dapat ay magpakatotoo sila, kung ano ang tunay na ugali mo, ipakita mo.

“Kasi, sa PBB naman, hindi porke’t mabait ka ay mananalo ka. Kailangan ay totoo ka…

“Kasi yung iba naman, hindi ba maldita, pero nasa Big Four or second runner-up, or nasa first runner-up?

“Ganoon naman iyon, e, hindi naman nanalo siya dahil mabait siya, e. Nanalo siya, dahil nagpakatotoo siya.

“Kahit maldita ka, kung totoo ka sa loob, iyon ang ugali mo, e, iyon na yun.”

Dapat din bang mahuli ang kiliti ng masa para makakuha ng maraming text votes?

Sabi niya, “Actually, kapag nasa loob ka, feeling ko ay hindi mo na maiisip iyon, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi, wala, wala nang ganoon.

“Kung ano iyong situation, kung ano yung ibinigay sa iyo, kung ano ang nakikita mo, iyon na yun.

“Ang lahat ng pumasok doon, walang idea about sa mangyayari sa PBB, kaya hindi mo na maiisip yun, e.

“Kasi ako feeling ko, nagmukha na akong tanga, pero wala pa akong pakialam, e.

“Feeling ko, nagmuka na akong… ayaw kong sabihing bobo, pero mukhang kaunti ang kaalaman ko noong time na iyon.

“Iyon ang nakita ng mga tao, pero iyon ako, e. Ano ang gagawin ko?

“Ayaw kong mag-pretend na matalino…”

Dagdag pa ni Ejay, “Nagpakatotoo lang talaga ako doon and ang magic word, iyong sincere ka dapat.

“Iyon ang magic word para sa akin, hindi lang sa PBB, kundi kahit sa lahat naman ng ginagawa mo.

“Iyon ang magic word, sincere ka dapat sa lahat ng tao doon, sa lahat ng nakakapanood.

“At makikita iyon, hindi mo puwedeng i-fake yun.

“Sa tagal nila sa loob, makikita talaga kung may fake sa kanila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN