Sylvia Sanchez gets emotional over her ’Star’ at Walk of Fame

Sylvia Sanchez on her ’Star’ at Walk of Fame: "Iba yung fulfillment ng isang artistang ’tulad ko. Lalo na sa akin na ang dami ko naman talagang pinaghirapan bago ako nakilala. Ang dami naman kasi… aminin na natin, ang dami naman kasing lait sa akin noon, ang dami ko naman kasing hirap sa industriyang ito bago ko ito narating."


Labis ang kasiyahan ng aktres na si Sylvia Sanchez matapos siyang gawaran ng sarili niyang ’Star’ sa taunang Walk of Fame Philippines, na ginanap sa Eastwood City, Libis, Quezon City, kahapon, December 1.

Ang Walf of Fame Philippines ay ang local counterpart ng Walk of Fame Hollywood, kung saan binibigyan ng pagpapahalaga ang mga artistang malaki ang nagawang kontribusyon sa industriya at bilang pagkilala na rin sa kanilang dedikasyon bilang isang alagad ng sining.

Sa Pilipinas, sinimulan ito ng kilalang starbuilder na si German "Kuya Germs" Moreno noong December 1, 2005.

Nasa ika-siyam na taon na ngayon ang paggagawad ng ‘Star’ sa local celebrities.

Sa taong ito, dalawampu’t tatlo ang ginagawan ng katangi-tanging rekognisyon, at kabilang na nga rito si "Nanay Teresita" ng Be Careful With My Heart na kawawakas lang sa ere.

Sa eklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Sylvia sa Spatzle Euro Market Café, sa Shangri-La Mall kagabi, hindi niya maikubli ang kanyang nararamdaman sa pinakabagong achievement sa kanyang buhay.

Sambit niya, "Thank, thank you.

"Kanina nga, habang paakyat ako ng stage, parang ang sarap ng feeling na, higit sa lahat na nandun, ang sarap ng feeling kasi kumpleto ang pamilya ko.

"First time na um-attend ang asawa ko [businessman Art Atayde], kasi ’pag nanu-nominate ako, ’pag nanalo ako [ng acting award], ’di naman ’yan sumasama sa akin, e.

"Pero kanina, ’di ko siya actually niyaya, nalaman lang na meron akong Walk of Fame, sumama talaga siya.

"Sabi nga ko sa kanya, ’Ba’t ka sasama?’

"Sagot naman niya, ’Kung awards’ night, ’di talaga ako sasama.’

"Ewan ko, pero ang sarap talaga ng feeling na nandun ang asawa ko, nandun ang mga anak ko, nandun ang mother-in-law ko, nandun ang mga kapatid ko."



FRUITS OF HER LABOR. Kung babalikan, ang haba na ng nilakbay ni Sylvia sa halos 24 taon sa industriya ng sining at pag-arte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagmamalaki ng 44-year-old actress, "Ang saya-saya ko kasi napansin ang pinaghirapan ko.

"Yung mga ginawa kong maayos naman, yung mga ginampanan kong role dito sa ating industriya, napansin kanina.

"Iba ito sa award ng best actress o sa best supporting actress.

“Ito, parang... ’pag nandun ako sa Eastwood, pagtanda ko, o yung mga apo ko, ’pag nakita nila, ’O, yung pangalan ng lola namin…’

“’Di ba, ang sarap-sarap ng feeling? Para na ring award yun.

“Ewan ko, kanina… basta, ang sarap lang ng pakiramdam."

Nang tumapat nga raw siya sa mismong spot kung saan ilalagay ang kanyang star na nakaukit ang kanyang pangalan, iba raw talaga ang naramdaman niya.

Nakangiting saad ni Sylvia, "Kanina, nung tumapat nga ako sa naka-assign na lugar para sa akin, ’di ko talaga alam kung ano ang gagawin ko.

"Ilalagay ko ba ang kamay ko kasi sa Hollywood, ganun, ’di ba?

“’Tapos nung buksan nila, at nakita ko ang star ko, ang lakas talaga ng tawa ko, sobra, grabe!

"Yun na ’ata ang pinakamalakas na tawa sa buong buhay ko, pero maya-maya ay nararamdaman ko na tumutulo na ang mga luha ko.

"’Tapos, piktyur-piktyur kami ng mga anak ko, asawa ko, mga kasama nila, mga kaibigan ko.

“’Tapos nga, tumutulo lang ang mga luha ko."

Patuloy niya, "Yung kanina, sabi ko nga, after ilang years, twenty-four years sa industriya…

“Basta, iba pala talaga yung Walk of Fame sa Best Actress award, sa Best Supporting award.

"Siyempre, thankful ako dun sa awards na yun, pero kanina, iba talaga.

"’Tapos kasama ko sina Dante Rivero, Chanda Romero, si Agent X44 Tony Ferrer, Carmi Martin…

“Iba yung fulfillment ng isang artistang ’tulad ko.

"Lalo na sa akin na ang dami ko naman talagang pinaghirapan bago ako nakilala.

"Ang dami naman kasi… aminin na natin, ang dami naman kasing lait sa akin noon, ang dami ko naman kasing hirap sa industriyang ito bago ko ito narating."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



LOOKING BACK. Tuloy, nagbalik-alaala siya sa kanyang pinagdaanan sa showbiz, lalo na noong iba pa ang imahen niya sa publiko.

Aniya, "Andami naman talagang nanlait sa akin noon.

"Na hanggang ST [Sex Trip] lang daw ako, starlet na hanggang diyan lang ’yan at ’di aangat.

"Parang kanina, naging thankful ako sa mga negatibong yun, kasi parang kundi dahil sa mga panlalait na yun, ’di ko mararating ang lahat ng ito.

"Kasi, ang ginawa ko, ginawa kong challenge yun sa buhay ko, na darating ang araw ay mararating ko rin ang gusto kong marating.

"At, naitawid ko yun nang maayos at masasabi ko ring aktres ako.

"Heto na yun, na napagtibay ko na ang sarili ko sa acting awards, ’tapos nadagdagan pa nitong star sa Walk of Fame.

"Parang kumpleto na talaga ako.

"Actress na ako in the true sense of the word."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN