2014 MMFF Parade of Stars sidelights: Kris, Vice, Dingdong arrived late; Marian, Carla, Lovi, Dennis no show

These are the floats of the eights films participating in the 40th Metro Manila Film Festival.


Eksaktong 1:30 ng hapon ngayong araw, December 23, nagsimula ang parada ng 40th Metro Manila Film Festival (MMFF), mula Macapagal Avenue hanggang Quirino Grandstand sa Luneta.

Nataranta ang karamihan ng stars ng walong pelikulang kalahok nang on time pinasimulan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang parada.

Dahil dito, maraming big stars ang na-late ng dating dahil sa napaka-trapik pa sa EDSA patungong SM Mall of Asia at maaring hindi nila inakalang sisimulan agad ang parada.

Ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo ang unang float na pumarada. Sakay nito sina Robin Padilla, Vina Morales, Daniel Padilla, Jasmine Curtis Smith, at ilan pang artistang kasali sa naturang pelikula.

Sumunod ang My Big Bossing na sakay naman sina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon, Pauleen Luna, at Nikki Gil. Wala si Marian Rivera na isa sa mga leading ladies sa pelikula.

Habang nasa float ay naikuwento ni Vic sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kasama niya ang girlfriend na si Pauleen sa pagdiriwang ng Pasko.

“Magkakasama kami ng mga kapatid ko at ang mga anak ko, dito lang kami. Kasama si Pauleen siyempre,” pahayag ng comedian-TV host.

Pagkatapos ng My Big Bossing, pansamantalang natigil ang parada dahil tumigil muna ang sumusunod na float ng Feng Shui.

Hinintay pa kasi nila ang lead actress ng pelikula na si Kris Aquino na nasa Guadalupe, Makati pa raw nang nagsimulang umusad ang parada.

Hindi raw nakayanan ni Kris ang sobrang traffic. Nilakad na nga raw niya sa may kanto ng EDSA hanggang sa nakarating ito sa float niya sa may bandang Macapagal Avenue.

Na-late din ng dating si Vice Ganda na sumakay na lang sa hagad ng MMDA para malusutan lang ang traffic at makarating sa kanyang float ng The Amazing Praybeyt Benjamin.

Nasira pa ang generator ng float ng Praybeyt Benjamin, kaya nakikabit na lang sila sa generator ng float ng Feng Shui.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero excited pa rin si Vice sa pagkaway sa mga nagtitiliang fans.

“Parang Showtime pa rin, ganun pa rin ang feeling ko!” bulalas nito.

Sa float naman ng Shake, Rattle and Roll XV ay tanging si Erich Gonzales sa mga bidang babae ang nandun sa karosa. Wala sina Carla Abellana at Lovi Poe.

Sa mga bidang lalaki naman ay wala si Dennis Trillo, pero nandun si Matteo Guidicelli na excited dahil first time pa lang daw niyang sumali sa MMFF.

Magarbo naman ang pang-anim na float na Muslim Magnum .357 nina ER Ejercito at Sam Pinto. Para itong isang Muslim vinta na may female dancers na nagsasayaw ng Muslim dance sa ibaba ng float.

Kabaligtaran naman ang sa float ng English Only Please na parang hindi ito natapos. Hindi gaanong nakita sa ibabaw ng float ang dalawang bidang sina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay dahil sa parang may nasirang trapal na hindi na inayos.

Panghuling float ang sa Kubot: The Aswang Chronicles na pinuno ng mga burloloy at sinabayan pa ni Abra ng pagra-rap habang tumatakbo ang parada.

Na-late din ng dating ang bida ng pelikula na si Dingdong Dantes dahil nagpa-fit pa raw siya ng tuxedo niya kay Randy Ortiz na isusuot niya sa kasal nila ni Marian sa December 30.

Halos handa na raw ang lahat sa kasal nila ni Marian. “Pero dito muna tayo tutok sa Kubot,” pakli ng GMA Primetime King.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN