Director Joyce Bernal on being called MMFF box-office director: “…wala pa naman.”

“Never naman ako naging title-conscious, e. Okey na sa akin kapag nalalaman ko na marami ang natuwa sa pelikulang natapos namin,” says Direk Bb. Joyce Bernal, one of the three directors of the MMFF 2014 entry My Big Bossing’s Adventures.


Nahihiya si Direk Bb. Joyce Bernal kapag sinasabihan siya na siya na ang box-office director ngayong Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil sa pelikulang My Big Bossing’s Adventures.

Natatawa na lang si Direk Joyce at nakikiusap na huwag siyang tawagin sa gano’ng titulo dahil magsisimula pa lang ang theatre run ng mga official entries ng MMFF 2014.

Masyado pa raw maaga para sabihin kung sino ang magiging top-grosser ng festival.

“Naku, huwag n’yo akong tawagin na box-office director at wala pa naman.

“Nagsisimula pa lang ang lahat ng entries kaya hintayin muna natin ang magiging result.

“Tsaka if ever na ang My Big Bossing ang maging top-grosser ng MMFF, hindi lang naman ako ang director niyan. Nandiyan din si Direk Tony Reyes at Direk Marlon Rivera. Tulung-tulong kami sa pagbuo ng My Big Bossing.

“Nagpapasalamat nga kami kay Bossing Vic Sotto dahil pinagkatiwala niya sa aming tatlo ang trilogy na ito. Lalo na sa akin na first time ko siyang makatrabaho at feeling ko naman ay natuwa siya sa trabaho ko!” tawa pa ni Direk Joyce nang makapanayam namin siya sa press launch ng GMA-7 primetime teleserye na Once Upon A Kiss nung December 19 sa GMA Annez Building.

Kahit na may mga napatunayan na bilang isang box-office director si Direk Joyce, hindi pa rin daw siya kumportable kapag binibigyan siya ng gano’ng titulo.

Para sa kanya ay tama na yung nagawa niya nang tama ang kanyang trabaho at natuwa ang producer at ang mga artista sa pakikipagtrabaho sa kanya.

“Never naman ako naging title-conscious, e. Okey na sa akin kapag nalalaman ko na marami ang natuwa sa pelikulang natapos namin.

“Importante sa akin yung may connection ako sa mga manonood. ‘Tsaka yung alam nila na ganito ang mapapanood nila kapag ako ang direktor. Yung tamang-aliw lang at may konting drama, pero over-all ay feel-good at sulit ang binabayad nila sa sinehan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Tsaka hindi naman lahat ng idinirek kong pelikula ay kumikita nang malaki. Aminado naman ako diyan. May hit and miss din ako,” diin pa niya.

FIRST TIME WORK WITH VIC AND RYZZA MAE. May ilan nang nagsasabi na ang My Big Bossing nga ang magiging top-grosser ng MMFF sa taong ito kahit na ang makakalaban pa nito ay ang mga pelikula nina Vice Ganda na D’Amazing Praybeyt Benjamin at ang Feng Shui 2 ni Kris Aquino at Coco Martin.

“Pressure ba ito?” tawa pa ni Direk Joyce.

“Magkakaiba naman ang mga kuwento at depende naman ‘yan sa mga manonood kung ano ang gusto nilang panoorin sa first day. At kung ano ang gusto nilang panoorin nang paulit-ulit.

“Ang masasabi ko lang ay mag-e-enjoy sila nang husto sa My Big Bossing kasi three-in-one na siya, e.

“Meron kaming comedy, drama, suspense, at adventure.

“At ang ganda ng chemistry nila Bossing Vic at ni Ryzza Mae Dizon.

“Pareho ko silang first time na makatrabaho at ang galing, e. Swak ang personalities nila.

“Si Ryzza, ang bilis niyang maka-follow ng directions. Akala mo lang na hindi siya nakikinig, pero natatandaan niya lahat ng sabihin ko sa kanya.

“Ang nakakatuwa pa sa batang ‘yan, kapag may running joke kami sa set, natatandaan niya. ‘Tapos gagamitin niya ‘yon sa ‘yo kapag kasama siya sa biruan sa set.

“Ang galing nga, e. Parang ngayon lang ako naka-encounter ng ganyang klaseng bata na magaling mag-memorize ‘tapos yung pang-asar mo sa iba ay gagamitin niya sa ‘yo!” tawa pa niya.

WORKING WITH MIGUEL AND BIANCA. Nagsimula agad si Direk Joyce sa bago niyang hinahawakan na teleserye na Once Upon A Kiss. First time niyang mahawakan ang mga bida rito na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali.

Nagkaroon naman daw siya ng pagkakataon na makilala ang dalawang Kapuso young stars na ito and so far, wala siyang nae-encounter pang problema sa dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang maganda kasi sa mga bagets na ito, willing silang matuto talaga.

“Nailagay na kasi sa isipan nila na kailangan maging magaling sila para may kasunod silang projects pa.

“’Tsaka may competition talaga. Kaya hindi puwedeng pa-easy-easy lang sila dahil hindi basta-basta ang makakatapat nila.

“Kita ko naman ang sipag nila Miguel at Bianca. Hindi sila yung typical na mga teenagers na may kakulitan. Makikita mo sila sa set na nasa kanya-kanya nilang mga lugar at inaaral nila ang mga lines nila.

“Kaya kapag tinawag mo na sila, alam nila ang mga gagawin nila. Bigyan mo lang sila ng konting directions pa at nakukuha naman nila agad.

“Nakakatuwa naman ang mga ganyang mga artista kasi ramdam mo na serious sila sa pinasok nilang trabaho.

“Aware sila na malaki ang ipinuhunan ng TV network sa kanila and they have to make it work.

“Ang maganda nga ay sumusunod sila. Walang pasaway. Ako na lang ang maging pasaway!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN