Ai-Ai delas Alas defends Judy Ann Santos’s Fallen 44 Instagram post: "Wala namang kagalit-galit sa opinyon niya."

Ai-Ai delas Alas on attending the wake of the #Fallen44 at Camp Bagong Diwa: "Malaking bagay yun para maibsan [yung sakit]. Hindi yun about money. Iba yung presence na yayakapin mo yung namatayan."


Isa si Ai-Ai delas Alas sa showbiz personalities na personal na nagpaabot ng pakikiramay sa mga naulila ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP), o mas kilala bilang “Fallen44.”

Alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw ng January 30 ay dumating na ang Comedy Queen sa Camp Bagong Diwa, kung saan dinala ang mga labi ng mga yumaong miyembro ng SAF, pagkatapos makipagsagupa sa ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao, noong January 25.

Pahayag ni Ai-Ai, “Mabigat kasi alam ko yung feeling ng namatayan ng pamilya. Nanay at tatay ko, patay na rin.

“Ang bigat, e. Meron pa kasing nanay dun na nakita ko, binabanggit niya yung pangalan ko, umiiyak siya.

“Ako, pinipigil ko [maiyak] kasi ayoko naman na makita nila na umiiyak ako.

“Kailangan [magpakatatag] para ‘wag naman sila mahawa.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ai-Ai sa presscon para sa kanyang Ai Heart Papa Valentine concert na ginanap sa Teddy’s Burger, sa Shangri-La Mall, Miyerkules ng hapon, February 4.

Ibinahagi rin ni Ai-Ai na hanggang ngayon ay nananatili siyang malapit sa dati niyang police escort na mula sa PNP.

Kaya ganoon na lang din ang pakikiramay ng Comedy Queen sa mga kasamahan ng kaibigan niya sa pulisya.

Kaya mula sa kanyang pagiging hurado sa isang talent contest sa comedy bar ay dumiretso na si Ai-Ai sa Camp Bagong Diwa.

“At saka wala pa yung ibang patay nun. Hindi pa sila 44 nun. Siguro mga nasa kulang pa ng kalahati,” saad ni Ai-Ai.

Pilit mang nagpapakatatag ni Ai-Ai noong mga oras na iyon, bandang huli ay napaiyak na rin siya habang pinakikinggan ang kuwento ng mga naulilang pamilya ng Fallen 44.

“Ang sakit-sakit sa akin nung nakita kong umiiyak yung [naiwang pamilya].

“Pero more of medyo naano ako dun sa nanay na nakaupo na nakausap ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang nakatulala siya dun sa kabaong. Sabi nung nanay, ‘Sampung oras silang nagbarilan…’

“Parang kinukuwento niya, pero parang hindi sa akin.

"Parang sinasabi na lang niya siguro para maibsan yung nararamdaman niya.

“Sabi niyang ganyan, ‘Naubusan sila ng bala. Pinutulan siya ng kamay. Pinutulan siya ng paa.’

“Ayun, hindi ko na kinaya, siyempre.

"Lumunok na lang ako. Sobrang luhang-luha ako talaga,” lahad ni Ai-Ai tungkol sa karanasan niya nang makaharap ang mga naulilang kaanak ng Fallen 44.

Ayon pa kay Ai-Ai, halu-halong emosyon ang nararamdaman ng mga nadatnan niyang pamilya ng mga yumaong miyembro ng SAF sa Camp Bagong Diwa.

Galit ba ang ilan sa kanila?

Sagot ni Ai-Ai, “Siyempre ‘di ko naman tatanungin, ‘Galit po ba kayo?’

“Tahimik lang sila. Nagma-manifest yung asar nila ‘pag di sila nagsasalita.

“Halimbawa, sinabi mo, ‘Condolence po.’ Titingin lang sa 'yo tapos yuyuko.”

ON CRITICISMS AGAINST PNOY. Naging sentro ng pambabatikos ng maraming Pinoy ang tila kawalan ng public accountability ni Presidente Benigno “NoyNoy” Aquino III sa nangyaring insidente.

Inalmahan din ng publiko ang hindi pagdalo ni PNoy sa heroes' welcome para sa mga nasawing PNP-SAF officers na ginanap sa Villamor Airbase, noong January 29.

Kaugnay pa rin ito ng nangyaring gusot sa likod ng sumablay na arrest operation ng mga miyembro ng SAF laban sa kinilalang international terrorists na sina Zulkifli (aka Marwan) at Basit Usman.

Sagot ni Ai-Ai nang hingan siya ng PEP ng reaksiyon ukol sa naturang isyu: “Lahat naman tayo may kanya-kanya tayong opinyon. May kanya-kanya tayong paniniwala.

“Siguro ako, siyempre kahit ako yung namatayan, masasaktan ako.

“Masasaktan ako na namatay kami para sa bayan, wala ka man lang dun for us.

“Masasaktan ako kung ako yung isa sa mga pamilya.

“Pero kagaya nga ng sinabi ko, lahat tayo may kanya-kanyang opinyon and kung paano mo maipaparamdam.

“Siguro yung iba, ganun, magalit. Natural lang yun kasi namatayan ng pamilya, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi ‘pag namatayan ka, masakit talaga.

“Kung ako malulungkot ako, maiiyak ako, magtatampo ako. Ganun lang yun talaga.”

Base sa kanyang karanasan nang bisitahin niya ang naulilang pamilya ng Fallen 44, malaking bagay ang personal na pakikipagdalamhati sa mga ito.

Sabi ni Ai-Ai, "Ang laking bagay na nun, hihipuin mo sila, yayakapin mo sila.

"Malaking bagay yun para maibsan [yung sakit].

"Hindi yun about money. Iba yung presence na yayakapin mo yung namatayan.

"Iba yun, e. Kasi ako, naramdaman ko yun, e."


ON KRIS-JUDY ANN FALLING OUT. Samantala, ipinagtanggol ni Ai-Ai ang kanyang mga kapwa-artista na naghayag ng disgusto sa pagiging insensitibo diumano ni PNoy matapos nitong unahin ang pagbisita sa isang car plant sa Laguna kaysa ang daluhan ang heroes’ welcome sa Villamor Airbase.

Partikular na ang Instagram post ni Judy Ann Santos kung saan ikinumpara nito si PNoy kay U.S. President Barrack Obama.

Matatandaang ito ang naging dahilan upang i-unfollow ng nakababatang kapatid ni PNoy na si Kris Aquino si Juday at ilan pang artista 'tulad nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid.

Read: Did Kris Aquino unfollow Judy Ann Santos on Instagram?

Sabi ni Ai-Ai, “Naiintindihan ko naman sila. Naiintindihan ko yung kapwa-artista na nagbibigay ng opinyon nila.

“Sabi nga natin, freedom of the press and freedom of speech.

“Yung kay [Judy Ann] nakita ko naman yung IG niya, e.

“Demokrasya ‘to, so lahat tayo entitled sa mga opinion natin.

“Wala naman siyang sinabing masama dun, e. Pinag-compare niya lang.

“Sabi nga niya, ‘Just saying.’ Sinasabi lang niya yung opinyon niya.

“Wala naman siyang masamang sinabi.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN