Nora Aunor explains her stand against PNoy administration

Nora Aunor: "Maaaring maganda ang buhay ng ibang mga Pilipino sa ibang bansa, pero marami din tayong kababayan ang naaalipusta, nakukulong, at pinapatay. Pero kulang na kulang ang suportang naibibigay ng gobyerno natin. At iyon ang patuloy na ipinaglalaban natin, bilang kapwa Pilipinong nagmamalasakit sa kanila."


Unang public appearance ng Superstar na si Nora Aunor, matapos ang pagsali niya sa "PNoy Resign!" rally ng Migrante, ang pagdalo niya sa opening ceremonies ng ginaganap na Sinag Maynila Independent Film Festival noong Miyerkules ng gabi, March 18.

Naganap ang opening ceremonies ng Sinag Maynila sa 5th floor (rooftop area) ng SM Aura, sa Bonifacio Global City, Taguig.

Sa naganap na dinner matapos ang opening rites ay masaya nakipag-bonding si Nora sa filmmakers na kasali sa kumpetisyon, pati kay Brillante Mendoza na siyang festival director ng unang Sinag Maynila indie filmfest.

Kaisa ng saloobin ni Nora ang ilang filmmakers ugnay sa naganap na rally sa Mendiola noong March 17.

Read: Superstar Nora Aunor joins rally for President Noynoy Aquino's ouster

Pangunahing tagasuporta naman ng Superstar ang National Artist for Literature na si Bien Lumbera at Manunuri Chairman Tito Valiente, dalawa sa mga labis na tumutol sa pagkakadiskwalipika ni Nora bilang National Artist noong 2014, sanhi ng pag-disapprove ni Pangulong Noynoy Aquino.

Read: NCCA questions decision of Malacañang to exclude Nora Aunor as National Artist nominee

Pero diin ni Nora, hindi ang isyu ukol sa National Artist disqualification niya ang pangunahing layon ng Migrante rally, kundi ang malalang sitwasyon ng mga OFW at iba pang mga Pilipino, 20 taon matapos ang pagkamatay ni Flor Contemplacion, ang Pilipinang binitay sa Singapore noong 1995.

YOLANDA VICTIMS. Sa ating bansa ay naging saksi raw si Nora at mga kasama, sa pangunguna ni Direk Brillante, nang gawin nila ang pelikulang Taklub noong Nobyembre 2014.

Sabi ni Nora sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Nakakaawa ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Leyte matapos ang bagyong Yolanda.

"Kung tutuusin, hindi dapat maging ganoon ang paghihirap ng mga kababayan natin, na nasalanta na nga't lahat, napabayaan pa ng gobyerno, kahit maraming tulong at donasyon ang naipagkaloob ng mga kapwa Pilipino at ng gobyerno ng ibang bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Saan napunta ang umabot sa bilyong mga donasyon?

"Nakakapanlumo kung makikita ninyo ang kalagayan ng mga nasalanta at nawalan ng tirahan doon.

“Maiisip niyo, may gobyerno pa ba tayo?"

Iyon at iba pang katotohanan, ayon din kay Nora, ang sanhi ng kanyang buong-pusong pagsuporta sa cause-oriented groups, ‘tulad ng Migrante, na nagsagawa ng nasabing rally kamakalawa.

NORA AS OFW. Sa nakaraang rally ng Migrante ay nagsalita si Nora sa harap ng mga dumalo, kabilang ang iba't ibang sektor ng mga manggagawa—‘tulad ng Migrante, Gabriela, IWA (International Women's Alliance), Courage, at iba pang sector— para sa kapakanan ng mga kabataan at kababaihan.

Mayroong taga-media na kumuwestiyon naman sa layunin ni Nora sa pagsali sa OFW rally at sa "matinding mensahe" raw niya kay Pangulong Aquino.

Sambit ni Nora tungkol dito, "Ako man, naging OFW din noon.

“Walong taon akong namalagi sa States para magtrabaho at naranasan ko ang hirap ng buhay doon, bilang isang Pilipino.”

Nababalita rito ang pagiging singer ni Ate Guy sa iba't ibang dako sa Amerika.

Pero hindi ang pagiging isa niyang dating caregiver din, nang muli silang magkita ng dating Indian actor na si Sajid Khan, na naging kapareha niya sa isang pelikula noong early '70s.

Sa isang hiwalay na panayam ng PEP ay naisatinig ito ni Nora.

Sabi niya, "Mahirap ang naging sitwasyon ko noon bilang caregiver, dahil hindi na ako makakanta; may katigasan pa ang ulo ng inaalagaan ko.

"Naging kaibigan ko at ka-loveteam si Sajid noong mga bata pa kami.

"Ang sinasabi ko lang, mahirap maging OFW, dahil maging ang ibang mga Pilipino ay hindi nagkakaisa.

“Kanya-kanya doon dahil kailangan nating lahat na mabuhay.

"Maaaring maganda ang buhay ng ibang mga Pilipino sa ibang bansa, pero marami din tayong kababayan ang naaalipusta, nakukulong, at pinapatay.

“Pero kulang na kulang ang suportang naibibigay ng gobyerno natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At iyon ang patuloy na ipinaglalaban natin, bilang kapwa Pilipinong nagmamalasakit sa kanila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN