Nagpahayag ng pagkadismaya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa desisyon ng Korte Suprema na payagan si Senator Grace Poe para tumakbo sa pagka-Presidente.
Ayon sa report ng GMA News Online ngayong araw, March 11, sinabi ito ni Duterte sa isang campaign rally sa Our Lady of Lourdes College sa Valenzuela City.
Sa pahayag ng matapang na presidential candidate, inihambing nito si Poe sa mga kumakandidato sa pagka-Pangulo sa United States ngayong taon.
Pahayag ni Duterte, “Ang ibig kong sabihin, baka two years after, may makitang ebidensiya at sabihing, ‘E, Amerikano talaga iyan,’ naloko na.
“E, di mabuti pa na kay Trump na lang tayo bumoto o kay Hillary kay pareho lang din.”
Si Donald Trump ay ang nangungunang Republican candidate, habang si Hillary Clinton naman ay kandidato ng Democratic Party.
Sa November 8 pa magaganap ang eleksyon sa USA.
Dagdag pa ni Duterte, wala naman siyang personal na problema kay Poe.
“Anyway, wala akong ano kay Grace. She’s a decent lady. She’s very bright, courteous. It’s only about her citizenship,” saad niya.
Matatandaang naging isyu ang pagka-Pilipino ni Grace Poe nang i-disqualify siya ng Commission on Elections dahil umano sa kulang pa ang kanyang citizenship requirements.
Ngunit noong March 9 ay pinayagan naman din ng Korte Suprema na tumakbo ang baguhang pulitiko.
Read: Supreme Court says Grace Poe is qualified to run for presidency