Kristoffer Martin on Joyce Ching: “Kahit mag-ex na kami, nandiyan pa rin kami para sa isa’t isa.”

Bukas man sila sa posibilidad na muling manumbalik ang kanilang magandang pagtitinginan, sinabi ni Kristoffer Martin na mas gusto nila ni Joyce Ching na patatagin ang pundasyon ng kanilang pagkakaibigan sa ngayon.


“Hindi kami dumating sa point na sumagad sa pagiging broken.”

Inihayag ni Kristoffer Martin, 20, na hindi na nila kailangan ni Joyce Ching, 20, na dumaan sa mahabang “healing process” matapos nilang tuldukan ang kanilang relasyon noong 2013.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga sumusubaybay sa dating magkasintahan na nagkaroon pa sila ng alitan kaugnay ng isyung nagkasolian sila ng singsing at mga salitang nabitiwan nila patungkol sa isa't isa noong panahong iyon.

Ngunit sa huli ay nangingibabaw pa rin umano ang kanilang pagiging mabuting magkaibigan, sa kabila ng sakit na naramdaman nang tapusin nila ang kanilang relasyon na umabot ng dalawang taon at walong buwan.

Pahayag ni Kristoffer, “Yung relationship namin, hindi nabuwag as KrisJoy [Kristoffer and Joyce], e.

“Kung paano kami nag-start, nag-start yung friendship, nagkaroon ng relationship, tapos nag-break, tapos ganito, friends pa rin kami.

“Strong pa rin. Yun siguro yung advantage namin.

“Kahit mag-ex na kami, nandiyan pa rin kami para sa isa't isa.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment reporters si Kristoffer sa presscon ng Healing Hearts na ginanap sa Executive Lounge ng GMA Network Center kagabi, April 27.

NOT YET. Iginiit ni Kristoffer na “hindi pa” sila nagkakabalikan ni Joyce sa kabila ng mga kinakiligang larawan nilang magkasama on and off cam mula nang simulan nila ang taping para sa naturang teleserye noong huling bahagi ng 2014.

Ganunpaman, “mas solid” at “mas mature” na raw sila pagdating sa pakikitungo sa isa't isa.

Sabi pa ni Kristoffer, “Ngayon kasi, mas naging maingat kami sa isa't isa.

“Hindi lang one-sided yung decision namin para sa isa't isa.

“Kumbaga, we see things in so many perceptions bago kami mag-conclude ng sitwasyon.”

Ano ang ibig sabihin niya na naging mas maingat sila?

Paliwanag ng Kapuso actor, “Kasi kabisado na namin kung saan mas magiging vulnerable yung isa.

“Mas nakilala namin yung isa't isa through yung nangyari sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung bigat, yung challenge na nangyari sa amin, mas naging stronger yung relationship namin."

Aminado si Kristoffer na hindi na mawawala ang pagmamahal niya para kay Joyce dahil na rin sa kanilang pinagsamahan.

Dugtong pa ng binata, “Kung magkaroon ka man ng ibang taong mamahalin, you still love the person from your past, pero in a different level.

"Pero yung love, nandiyan pa rin."

Bukas si Kristoffer sa pagsasabing posibleng magkabalikan pa rin sila ni Joyce, lalo pa't lubusan na nilang kilala ang isa't isa.

Ngunit sa ngayon ay mabuting kaibigan lang daw ang turing nila sa isa't isa.

“Yung level ng [status] namin ni Joyce, mas nagse-settle siya sa level ng pagiging friendship.

"So far, ganun muna kami.

“Kasi alam naman namin yung gusto namin ngayon, mas naka-focus kami sa studies and career.”

Bukod sa pagiging abala sa kanilang showbiz career, nag-aaral ng Entrepreneurship si Kristoffer sa San Beda College; habang si Joyce ay kumukuha ng kursong Film sa Meridian International School.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN