Glaiza de Castro admits to worrying after Marian Rivera’s withdrawal from The Rich Man’s Daughter

Glaiza de Castro refuses to compare Marian Rivera and Rhian Ramos: “Well, hindi ko na-compare yung ibinigay nilang performance kasi magkaiba talaga sila ng atake. Masasabi ko na may iba silang paraan kung paano made-deliver yung mga lines nila at parehong okey... I admit, ina-accept ko rin na yung mga tao, may kanya-kanya silang preferences, may kanya-kanya silang choices. Pero ako, wala ako sa posisyon para sabihing ‘eto mas magaling ‘to.”


Maiiyak daw siguro si Glaiza de Castro kung nagkataong hindi muna itinuloy ng GMA Network ang The Rich Man’s Daughter pagkatapos mag-backout ng bida ritong si Marian Rivera.

Dahil sa maselan niyang pagbubuntis sa una nilang anak ni Dingdong Dantes, nagdesisyon ang Kapuso Primetime Queen na huwag nang ituloy ang partisipasyon niya sa teleserye.

Sa kabila nito, nagdesisyon ang mga namamahala ng produksiyon na ituloy pa rin ang proyekto at kinuha nila si Rhian Ramos bilang kapalit ni Marian.

Natatawang sabi ni Glaiza nang tanungin kung ano magiging reaksiyon niya sakaling hindi natuloy ang kanilang teleserye, “Siyempre iiyak ako!

“Kasi, noong nagsimulang malaman namin na parang, yun nga, hindi na raw magagawa ni Yan, parang lahat kami, ‘Paano kami?’”

Nagsimula raw siyang kabahan noong kinansela ang presscon para sa The Rich Man’s Daughter noong mismong araw na iyon.

Lahad ni Glaiza, “Kasi galing ako noon ng pictorial ng YES! Magazine, tapos sabi nga, on the way, hindi muna matutuloy.

“Tapos kausap ko ang stylist ko, magmi-meeting pa raw sila. Hindi pa raw alam kung ano ang mangyayari.

“So, parang ako, ‘Hala, paano na ‘to, paano na ang lahat?’

“Thankfully naman…”

Hindi naman daw niya magawang tawagan at tanungin si Marian kung ano na ang nangyayari.

“Ayoko siyang tanungin kasi ayoko siyang ma-stress. Alam ko na marami pa siyang iniisip na ibang bagay.

“Ayokong makadagdag sa stress o explanation na kailangan niyang ibigay kaninuman.

“So, hinintay ko na lang na mag-unfold yung result o desisyon na meron ang management o production.

“Thankfully, hindi kamin na-shelved, natuloy pa rin namin.

“At kinamusta ko si Yan.

“Nagpapasalamat ako sa kanya na sa kabila ng lahat, inilaban niya ako dito at isa siya sa mga rason kung bakit ako nandito.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza sa grand launch ng The Rich Man’s Daughter noong Lunes, May 4.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MARIAN/RHIAN. Nanghinayang naman si Glaiza sa mga eksenang nakunan kung saan kasama niya si Marian.

“Sobra, sobra akong nanghinayang,” sambit niya.

“Kasi, isa yun sa mga bagay na hindi ko na mauulit.

“O kung maulit ko man siya, iba na ang feeling.”

Ano ang reaksiyon niya nang kinailangan nilang i-reshoot ang mga eksenang yun dahil pinalitan na nga ni Rhian si Marian?

Ayon kay Glaiza, “Tineyk ko na lang na parang teatro ‘to.

“Kasi sa teatro, inuulit ang scene, inuulit ang istorya, ‘di ba?

“Kahit sabihin na naibigay mo na, may pagkakataon na napaglalaruan mo siya or maibibigay mo nang mas maayos or ibang atake.

“So, ganun na lang siya na tiningnan ko. Hindi ko na siya tiningnan na parang burden pa sa akin.

“Kasi, lahat naman kami dito nag-adjust at lahat naman kami dito nagulat at hindi namin inasahan yun.”

Tiwala naman daw si Glaiza kay Rhian nang malaman niyang ito ang napili ng Kapuso network para pumalit kay Marian.

Nagkasama na sila noon sa primetime series na Stairway to Heaven (2009). Nagkataon lang na magkaaway sila noon, pero ngayon ay “lovers” na sila.

Bagamat wala silang preparasyon bago nila gawin ang The Rich Man’s Daughter, kailangang lumabas ang chemistry sa pagitan nina Glaiza at Rhian bilang magkarelasyon ang ginagampanan nila.

Pagsang-ayon ng Kapuso actress, “Opo, kailangan talaga.

“E, yung eksena pa naman namin ni Rhian, yung unang ginawa namin, nagbabatuhan kami ng popcorn sa moviehouse. Yun ang unang-unang eksena namin.

“Before namin i-take yun, tinatanong ko siya kung kumusta siya.

“Siyempre, nararamdaman ko rin yung pressure na nararamdaman niya, ‘di ba? Hindi naman biro.

“Tapos alam ko rin na, kumbaga, wala pa siyang preparation.

“Naayos naman lahat unti-unti, kumbaga, naramdaman ko sa umpisa na nahihirapan pa siya.

“Pero nagulat ako na ang bilis niyang naka-cope up.”

Ayaw namang pagkumparahin ni Glaiza ang pag-arte nina Marian at Rhian, lalo na sa mga eksenang parehong kinunan ng dalawang aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Katuwiran ni Glaiza, “Well, hindi ko na-compare yung ibinigay nilang performance kasi magkaiba talaga sila ng atake.

“Masasabi ko na may iba silang paraan kung paano made-deliver yung mga lines nila at parehong okey.

“Let’s say sa isang theater nga, dalawa ang actors.

“I admit, ina-accept ko rin na yung mga tao, may kanya-kanya silang preferences, may kanya-kanya silang choices.

“Pero ako, wala ako sa posisyon para sabihing ‘eto mas magaling ‘to.

“Bilang actor, kailangan mong buksan ang isip mo at sarili mo sa kung sino man ang ibinibigay sa ‘yo at kung anong trabaho ang ibinibigay sa ‘yo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN