Nora Aunor endorses Senator Grace Poe for President in 2016

Hindi pa man nagdedeklara ng kanyang kandidatura si Senator Grace Poe (kanan) bilang Pangulo sa 2016 elections, naghayag na ng pagsuporta ang Superstar na si Nora Aunor para sa anak ng veteran actress na si Susan Roces at ng yumaong si Fernando Poe Jr.


Hindi pa pormal na nagdedeklara si Senator Grace Poe ng kanyang political plans para sa 2016 elections. Pero ngayon pa lang ay may lantaran nang naghayag ng suporta para sa kanya.

Ito ay ang Superstar na si Nora Aunor.

Para kay Nora, deserving si Grace para maging presidente.

“Kung ako ang magsasabi sa kanya, dapat nga presidente, e,” sabi ni Nora sa ulat ni Mario Dumaual sa TV Patrol kagabi, Mayo 20.

Buo raw ang suporta niya para kay Grace kung sakaling magdesisyon itong tumakbo sa eleksyon.

“Yes po, 101 percent,” panigurado ni Nora. “Nakikitaan natin siya ng magandang halimbawa na dapat tularan ng mga nasa gobyerno.”

Nang hingan naman ng reaksiyon si Grace ukol dito, nagpasalamat ang senador sa Superstar.

Sabi niya, “Sinabi niya yun? Aba, e, nakakataba ng puso.

"Salamat sa tiwala at patuloy pa rin ang ating pagdadasal kung ano ba ang makakabuti sa mas nakararami."

FOR THE SAKE OF PHILIPPINE CINEMA. Pumunta si Nora sa Senado upang pangunahan ang mga taga-showbiz na sumusuporta sa panukalang batas ni Senator Poe para protektahan ang Philippine cinema.

Mas pinili ito ng Superstar imbes na dumalo sa Cannes International Film Festival, kung saan kabilang sa Un Certain Regard section ang pelikula niyang Taklub na idinirek ni Brillante Mendoza.

Pahayag ng aktres, “Totoo iyon, pagka hindi natuloy sa isang bagay, may talagang dahilan kung bakit.

“At mas mahalaga siguro kung bakit hindi ako natuloy.

“Obligasyon, ‘ika nga, para sa mga kasamahan sa industriya.”

Idinulog din ni Nora kay Senator Poe ang isyu ng pagbenta sa pelikula niyang Bona sa isang local station na wala umano siyang pahintulot bilang producer.

“Binenta po yata ng P400,000 yung Bona. Hindi ko po alam kung sino ang hahabulin,” sabi ni Nora sa senadora.

Inatasan naman ni Senator Poe si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairman Toto Villareal na makipagtulungan kay Nora para maresolba ang isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Itinutulak din ni Senator Poe ang pagtatag ng Philippine film commission para mas matulungan pa ang mga pelikulang Pilipino sa international trade at tourism.

BIRTHDAY GIFT. Nagdiriwang ng kanyang ika-62 kaarawan si Nora ngayong araw, Mayo 21.

Kahapon ay nagpauna na ng regalo ang Senado sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng national commendation bilang pagkilala sa naging mga kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Kasunod ito ng Lifetime Achievement Award na natanggap niya kamakailan sa ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) sa Malaysia.

Nagpaabot din ng pagbati si Senator Poe sa kaarawan ni Nora.

Naniniwala rin ang senador na may maitutulong ang Superstar para sa industriya ng pelikula.

Sabi ni Senator Poe, “Isang maligayang pagbati sa ating Superstar.

“Siyempre sa tagal na rin niya sa pelikula ay malalaman natin kung paano ba natin matutulungan lalung-lalo na yung mahihirap nating mga kasama rin sa industriya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN