Lyca Gairanod thankful for all the blessings coming her way after The Voice Kids

Lyca Gairanod one year after winning The Voice Kids Philippines: “Marami na rin pong nabago sa akin. Nagkaroon na po kami ng bahay, nagkaroon na rin po kami ng sasakyan. At ang mga kapatid ko po, nakakapag-aral na rin po.”


Halos isang taon pagkatapos niyang tanghaling grand champion sa The Voice Kids Philippines ng ABS-CBN, malaki na ang ipinagbago ng buhay ni Lyca Gairanod.

Ayon nga sa 10-year-old singer, “Marami na rin pong nabago sa akin.

“Nagkaroon na po kami ng bahay, nagkaroon na rin po kami ng sasakyan.

“At ang mga kapatid ko po, nakakapag-aral na rin po.”

Sa darating na pasukan ay Grade 3 na si Lyca sa online school ng Eton International School, kunsaan nag-aaral din ang Kapuso child star na si Ryzza Mae Dizon.

May mga nabago ba sa ugali niya ngayong sikat na siya? Binabati pa rin ba niya ang mga dati niyang kaibigan?

Sagot ni Lyca, “Opo, kahit minsan, inaaway nila ako dati.

“Pero okey naman po, ako naman po ang nanghihingi ng sorry.”

Kapag wala raw siyang schedule, bumibisita pa rin daw si Lyca sa lugar na kinalakihan niya sa Tanza, Cavite.

Kahit busy na ngayon sa trabaho at sa pag-aaral, nae-enjoy pa rin naman daw ni Lyca ang kanyang pagkabata.

“Naglalaro pa rin po,” nakangiti niyang sabi.

Na-imagine ba niya noong na mangyayari ang mga nangyayari sa kanya ngayon?

Sagot niya, “Hindi po.

“Minsan po kasi, wala pong ganito dati.

“Nag-umpisa lang po ang The Voice Kids, doon ko lang po naranasan kung gaano pala kasaya.”

Nao-overwhelm ba siya sa mga nangyayari sa kanya?

“Opo,” nakangiting sagot ni Lyca.

“Nagpapasalamat po talaga ako kay God kasi Siya po ang nagbigay sa atin ng blessing.

“Siya po ang nagbigay sa atin ng lahat ng gusto natin, at kung ano ang gusto ni God, kailangan din nating sundin.

“Kasi, Siya ang magbibigay sa atin ng mga kapalaran.

“At saka, lahat naman po ng ibinibigay ni God, wala naman po yun kapalit.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lyca sa press conference para sa The PEP List Year 2 noong May 21, Huwebes, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CHILD STAR OF THE YEAR. Si Lyca ang nanalong Child Star of the Year sa PEPsters’ Choice category, kung saan ang mga bumoto ay ang PEP readers at fans.

Kabilang sa tinalo ni Lyca ay sina Ryzza Mae Dizon, Alonzo Muhlach, at Bimby Aquino Yap.

Ano ang pakiramdam na siya ang nanalo?

“Masaya po na ganun, natalo ko pala yung mga sikat na sikat talaga.

“Siguro po, yun talaga ang pinaghirapan ng mga fans ko na manalo.

“Pinaghirapan po nila na makaboto at gusto po nila na manalo ako dito.

“Matutuwa po sila at magiging masaya po sila at nagpapasalamat din po ako sa lahat-lahat ng bumoto sa akin sa PEP.”

Natanong din si Lyca tungkol sa kasabayan niya sa The Voice Kids na si Darren Espanto.

Pakiramdam ba niya ay tuluy-tuloy pa rin ang kumpetisyon nila ni Darren?

“Hindi po, hindi po,” pagtanggi ni Lyca.

“At saka, lahat naman po kami pantay-pantay, wala naman pong tumataas. Pantay-pantay lang.

“At lahat naman po kami na Top 4, ini-enjoy naman po namin habang bata pa po kami.

“At saka, manalo man o matalo, basta go lang nang go.”

Si Darren ay magkakaroon ng ng solo major concert. Siya ba ay wala pa?

“Meron na rin po, marami-rami na rin po. Lahat naman po kami, merong mga concert,” sagot ni Lyca.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN