Sen. Chiz Escudero confirms talks with Sen. Grace Poe for possible tandem in 2016 elections

Hindi pa nakakapagdesisyon sina Senator Grace Poe at Senator Chiz Escudero kung tatakbo sila sa 2016 national elections at kung sino ang tatakbong President at Vice President.


Inamin ni Senator Francis 'Chiz' Escudero na nagkaroon sila ng pag-uusap ni Senator Grace Poe para sa posibleng tandem nila sa 2016 national elections, subalit wala pa raw silang final decision tungkol dito.

Ayon sa kabiyak ni Heart Evangelista, nangangailangan pa sila ng mas maraming oras para makapagdesisyon tungkol sa posibilidad na maging running mates sa 2016, ayon sa ulat na lumabas sa GMA News Online nitong Lunes ng hapon, June 8.

Marami pa raw silang dapat ikunsidera, kagaya ng “lack of a party and machinery” na kailangan para sa pangangampanya.

Sabi ni Senator Escudero, "Wala pang pagkakasundo, wala pang desisyon.

"May pag-uusap. 'Di ko puwedeng ikaila yun.

"Pero kung may desisyon o pasya na, wala pa.

"Dahil hindi katulad ng iba na may pondo at partido, kami wala noon.

"So, siguro tama lang na mahabang panahon ang gugulin ni Senator Poe, ko, at kung sakali, kaming dalawa, sa anumang pagpasya namin sa pagtakbo o 'di namin pagtakbo sa 2016."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nilinaw rin ng senador na hindi pa sila nakakapagdesisyon ng senadora kung sino ang tatakbong President at Vice President dahil pinag-iisipan pa nila kung magtatambal ba sila.

"Right now, wala pang ganoon...

“Ang pinag-uusapan namin ay ang pagtakbo o 'di pagtakbo.

"Priority palagi ang pasya ni Senator Poe."

Dagdag pa ni Senator Escudero, “Kung anong ginawa kong pagsisilbi para sa tatay niya noon, gayundin ang pag-alok ng suporta sa kanya sa kung anumang magiging pasya niya."

Matatandaang si Senator Escudero ang nagsilbing spokesperson ng yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. nang tumakbo ito sa pagka-Pangulo noong 2004.

Kilala namang magkaibigan sina Senator Escudero at Senator Poe, at nauna nang sinabi ng senadora na mas magiging kumportable siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon kung si Senator Escudero ang makakatambal niya.

Sinabi rin umano sa interview ni Senator Escudero na ang plano niyang maging running mate ni Senator Poe ay walang kinalaman sa pakikipag-alyansa kundi sa ngalan ng kanilang pagkakaibigan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Parehong independent ang dalawang senador nang tumakbo sila sa pagka-senador.

"Wala kaming alyansa. Mayroon kaming pagkakaibigan.

"Hindi siguro puwedeng tawaging alyansa yun dahil hindi naman kami mga partido," sabi ni Senator Escudero.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close