Yul Servo eyes Congress in 2016 elections

IMAGE Noel Orsal

He may or may not run again, but Yul Servo is sure he will go back to doing indie films. He says, "Iba iyong fulfillment sa indie... hindi iyon mababayaran talaga ng pera."


Hindi pa tiyak ni Yul Servo kung ano ang magiging kapalaran niya sa mundo ng pulitika kapag natapos ang kanyang ikatlo at huling termino bilang konsehal ng third district ng Maynila sa 2016.

Pero sigurado raw ang actor-politician na kahit anuman ang mangyari sa kanyang political career, hindi niya iiwan ang showbiz.

Katunayan, nabanggit ng award-winning actor na gusto niyang maging aktibong muli sa mundo ng indie films.

“Kasi dito ako sa indie talaga nagsimula bilang artista sa pelikula.

"Kaya kahit hindi ganoon kalaki ang TF [talent fee], nahahasa talaga ang craft mo sa indie,” sabi ni Yul nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono.

May offer nga raw sa kanya ngayon, “Sana matuloy… iba iyong fulfillment sa indie.

“Hindi iyon mababayaran talaga ng pera, kaya mahal ko ang indie, e.”

Pangarap din daw niyang makasama sa pelikula si Batangas Governor Vilma Santos.

“Isa siya sa ipinagmamalaki ng industriya, isang karangalan yun para sa akin na makapareha ko siya.

“And bilang artista, parang gusto mo makatrabaho lahat ng magagaling.

“Bukod nga kina Governor Vi, kasama rin siyempre diyan sina Maricel Soriano at Sharon Cuneta.

“Kaya kung bibigyan ako ng chance na makatrabaho si Governor Vi, malaking bagay at katuparan ng dream ko iyon,” wika ni Yul.

 

SUPER. Sinabi rin ni Yul kung bakit saludo siya sa galing ng Superstar na si Nora Aunor, na nakapareha niya sa Naglalayag (2004) at nakasama sa Dementia (2014).

“Noong bata pa ako… ang mother ko ay Noranian, talagang lahat ng mga komiks at magazine ay kinokolekta niya.

“Talagang pumupunta yung mommy ko sa mga pelikula ni Ate Guy, then naging partner ko sa Naglalayag.

“Hindi lang naging ka-partner, biro mo naging mag-asawa kami doon, nagkaroon kami ng anak.

“Naka-kissing scene ko pa siya, hindi ba?"

Lahad pa ni Yul, "Noong nakatrabaho ko siya, grabe!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lagi siyang on time at lagi siyang take one, kahit walang rehearsals. Ganoon kalupit.

“Kitang-kita ko yung sinasabi nila na mata pa lang ay umaarte na, talagang totoo 'yon.

“Bale hindi pa siya kumikilos, mata pa lang… bilang kaeksena mo siya, kabatuhan mo, talagang mahahawa ka sa galing niya.

“Kumbaga, mabibigyan ka niya ng power niya, hindi lang siya ang may power.

“Sine-share niya ito sa co-actor niya, kaya nagte-take one din ako.

“Grabe ang galing niya, talagang hindi mo matatawaran kapag nakatrabaho mo siya.”

Wish ba niyang samahan siya ni Nora sa darating na eleksiyon kung puwede ang aktres?

Sagot ni Yul, “Ako naman, pinipilit kong sa mga artistang kaibigan ko na medyo huwag lumapit.

“Kung kaya ko naman, bakit pa ako hihingi ng tulong sa kanila?

“Alam ko naman ang schedule nila, ayaw kong mang-istorbo.

"Pero kung sila mismo ang mag-aaproach sa akin, oo naman.

“Siyempre welcome na welcome sila para samahan ako sa kampanya.

"Pero kung sa akin manggagaling, nahihiya rin kasi ako, e.”

 

PASSION. Ano ang mas matimbang sa kanya ngayon—politics o showbiz?

Sagot niya, “Ang sabi nga nila, ang paglilingkod, maski wala ka sa politics ay makakapaglingkod ka.

“Pero siyempre, iba pa rin iyong nasa politika ka, mas magagawa mong makatulong sa mas nakararami kapag may posisyon ka.

“Biruin mo kapag konsehal ka o ano ka, hindi lang isa ang matutulungan mo, kundi iyong buong nasa siyudad.

“Kasi gagawa ka ng ordinansa at resolusyon, mas marami kang matutulungan.

“Pero mas love ko ang pag-acting, iyon kasi talaga ang passion ko... magse-seventeen years na ako sa industriya.

"Kaya natutuwa at nagpapasalamat ako na napunta ako kay Direk Maryo J. [de los Reyes, his manager].

“Talagang na-guide iyong pag-aartista ko, hindi ako napunta sa ibang tao na isa o dalawang pelikula, tapos na ang career.

“At saka pinili ni Direk Maryo talaga ang mga trabahong gagawin ko e,” saad ni Yul, na pitong Best Actor at dalawang Best Supporting actor awards na ang napanalunan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nabanggit pa ni Yul na apat na beses siyang nagpaalam sa manager niyang si Direk Maryo bago siya pinayagan nitong pumasok sa politika.

“Ayaw niya, yung pangatlong paalam ko ang sagot niya sa akin, ‘Sige kumandidato ka, pero wala ka na sa poder ko, ha.’

“Iyong pang-apat na paalam ko, joke lang bale, sabi ko, ‘Hindi ba ako puwede talagang kumandidato ng konsehal?’

“Aba, nagulat ako, sabi niya, ‘Sige, pumasok ka, tutulungan kita.’

“Lahat naman ng ipinangako ko kay Direk Maryo at sa lahat ng mga artistang tumulong sa akin, nagbigay ng financial... hanggang ngayon ay hindi ko nababali iyon.”

 

PERFORMANCE. Aminado rin si Yul na nakatulong ang showbiz sa pagpasok niya sa pulitika.

“Ang laking bagay na artista ako nang pumasok ako sa pulitika.

"Kasi yung ibang kandidato, yung singkuwenta porsiyento na gagawin nila, nagawa ko na, e.

“Iyong magpakilala o makilala ka ng mga tao, kumporme na lang sa iyo kung paano mo ito iko-convert sa boto.

“Pero hindi naman na porke artista ka ay mananalo ka na.

“Noong time na yun kasi, forty-seven kami na naglalaban bilang konsehal.

“May incumbent na councilor, mga sikat, antigo, mga bata rin…

"Pagdating sa kampanya, ako ang pinagkakaguluhan dahil artista nga ako.

“Pero hindi pala doon nasusukat iyon kasi pagtapos ng botohan, pang-lima lang ako, e.

“So, nasabi ko na hindi porke artista ay iboboto ka nila.

"Kaya pinatunayan ko naman sa kanila, naglingkod ako nang tapat at buong-puso.

"Kumbaga, iyong performance ang ipinakita ko, performance rin talaga ang pinagbabasehan ng mga botante, e.

“Pinatunayan ko na hindi lang ako artista, kundi talagang sinipagan ko.

“May mga proyekto sa grassroots, sa barangay… pati sa legislative, talagang nagtrabaho naman ako,” saad pa ni Yul.

 

HEARTWARMING. Nabanggit din niyang nakakataba ng puso na ang mga tao mismo ang nagsasabi na kumandidato siyang congressman sa susunod na eleksyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga nagre-request na mga constituents ko na tumakbo akong congressman.

“Kapag nag-iikot ako, sinasabi nila na, ‘Tumakbo kang congressman dahil tapos na ang term mo bilang konsehal.’

“Siyempre, hindi naman lahat ng tao ay para sa iyo o pabor sa akin o kakampi mo.

“Pero nakakataba ng puso kapag sinasabi ng mga tao na nagustuhan nila ang trabaho ko bilang konsehal

“At gusto nga nilang kumandidato ako sa mas mataas na posisyon.”

Ayon pa kay Yul, si Vice Mayor Isko Moreno ang tumayong mentor niya sa pulitika.

“Siya yung lagi kong kinokonsulta kapag may mahahalagang desisyon na kailangang gawin.”

Ilang percent ang possibility na kakandidato siyang congressman, 50-50 ba?

“Sa sarili ko, hindi fifty-fifty, talagang hundred percent gusto kong tumakbo.

“Pero ang partido pa rin ang may last say pagdating sa mga bagay na iyan. Kumporme pa rin iyan, e.

“Sa ngayon, ang kandidato namin sa Asenso Manileño, iyan ang political party namin, bilang vice mayor ay si Danny Lacuna.

“So, tingnan natin kung ano ang mangyayari bago mag-October.”

Dagdag pa ni Yul, “Ang gusto ko lang naman, umangat ang pamumuhay ng mga taga-distrito ko.

“Gusto kong magbigay ng todong public service para sa ikauunlad ng third district ng Maynila, iyon ang priority ko.

“Sa tulong ng Panginoong Diyos, naniniwala ako na tutulungan Niya ako.

"Alam Niya ang aking pagserbisyo ay buong puso, tapat… kung lalaban man ako, gusto kong lumaban ng may respeto at malinis.

"Para kung manalo man ako ay alam ko sa puso ko na hindi ako nandaya.

“Hindi ako nang -apak, at hindi ako nanlamang ng kapwa ko.

“Kasi kahit ayaw mo, minsan ay ilalagay ka talaga ng Panginoon doon, e, kaya naniniwala ako sa destiny ko.

“Kasi kapag sakaling hindi ako inilagay doon ng Panginoon, naniniwala ako na mayroon Siyang ibang plano para sa akin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

 

PROMISE. Ipinagmalaki rin ni Yul na malinis siyang politician.

“Isa iyan sa iniwasan ko talaga, ang magkaroon ng issue sa corruption.

“Pangako ko kasi iyan kay Direk Maryo, sa pamilya ko, at sa mga kaibigan kong artistang sumuporta sa akin.

“Hindi ako mangungurakot maski na singkong-duling, mahirap kasi kapag natukso ka roon, e.

“Ang sa akin kasi, kung para sa tao, para sa tao dapat at hindi ko ilalagay sa bulsa ko iyan.

“Kasi hindi naman ako nandirito para magpayaman, andito ako para maglingkod at makatulong sa mga nasasakupan ko.

“Isa pa, gusto ko na kapag natapos na ako sa pulitika, kaya kong maglakad na nakataas ang noo ko,” pagtatapos ni Yul.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN