Nora Aunor on Dingdong Dantes: “Naku, dyusko, idol ko yun!”

Nora Aunor comments on her perceived monopoly of Best Actresss awards: "Hindi naman dapat, hindi naman sila dapat makaramdam ng ganun... Naniniwala ako na walang artistang hindi magaling, magagaling lahat ‘yan. Nagkataon lang na ako, yung mga roles na ibinibigay sa akin, talagang challenging.”


Siguradong tatanggapin daw ng Superstar na si Nora Aunor kung sakaling may mag-alok ng pelikulang magkasama sila ni Dingdong Dantes.

“Hindi na magdadalawang-salita. Masarap makasama yung taong mabait, magaling umarte,” sabi ni Nora tungkol sa Kapuso actor.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Superstar sa unang araw na nag-taping siya bilang special guest sa GMA primetime series na Pari ‘Koy, na pinagbibidahan ni Dingdong.

Nang makausap namin si Nora ay hindi pa sila nagkikita at nagkakasama ni Dingdong.

Sa San Jose Del Monte, Bulacan, ang lokasyon ng taping ni Nora; habang si Dingdong naman ay nasa kabilang unit pa sa Quezon City.

Inilarawan ni Nora kung ano ang karakter na ginagampanan niya sa Pari 'Koy, at kung bakit tila naghihirap ang kasuotan niya noong dalawin namin ang taping.

Ayon sa Superstar, “Ako’y isang ina, may asawa, may anak.

"Namatay ang asawa ko, nawala yung anak ko, apo ko. Parang hinanap ko sila.

“Yung character, saka na lang nila malalaman. Iba yung character.”


MUTUAL ADMIRATION. Ipinarating namin sa Superstar na excited si Dingdong na makatrabaho siya.

Sagot dito ni Nora, “Naku, dyusko, idol ko yun!”

Paano niya naging idolo si Dingdong?

Sabi ni Nora, “Madalas kong mapanood yung kanilang teleserye, ng kanyang asawang si Marian [Rivera], palagi akong nanonood noon.”

Nabanggit ng aktor na madalas silang magkasalubong ni Nora sa ilang events, tulad ng mga awards night, pero wala pang pagkakataon na nagkasama sila sa isang proyekto.

Pinatotohanan naman ito ng Superstar.

Aniya, “Sa isang awards night [Golden Screen Awards], nandoon kami sa backstage.

"Nakaupo kami ng kasama ko, dumaan siya bigla. Sabi ko, ‘Idol, idol, gawa tayo ng pelikula.’

“Sabi niya, ‘Sige, sige.’ Ang bait nga niya, ang bait-bait.

“‘Tapos, ‘eto nga, nagkaroon ng katuparan kahit sa TV, pero umaasa pa rin ako na magkasama kami sa isang pelikula.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dream come true daw para kay Dingdong na makatrabaho ang Superstar.

Sabi naman ni Nora, “Lalo na sa akin.”


IS SHE? Magkasunod ang proyekto ni Nora sa GMA Network.

Nauna siyang nag-guest sa isang episode ng Karelasyon, kung saan nakasama niya ang anak na si Lotlot de Leon at apo na si Janine Gutierrez.

At ngayon ay special guest naman siya sa Pari ‘Koy.

Isa na ba siyang Kapuso?

Nakangiting tugon ng aktres, “Ay, hindi ko alam.

“Pag-aralan muna nating mabuti kung paano.

“Pero nag-meeting kami sa isang ipu-produce ko para sa GMA, susubukan ko lang ng isang buwan.

“Parang makulay, pero iba-ibang istorya.

“Yun, okey na, mag-i-schedule na lang kami ng taping, apat ang direktor, iba-iba rin.”

Magdidirek na rin ba siya?

“Naku, matagal niyo nang tinatanong sa akin ‘yan, aalisin ko muna ang nerbiyos ko para magdirek!” natatawang sabi ng Superstar.

Maraming nakalinya na gagawing pelikula si Nora ngayon.

Nagbiro itong isa raw sa hinihintay niyang karakter ang gagawin niya ring pelikulang Tasaday, “Magta-topless ako.”

Parang na-excite siya sa topless?

“Siyempre naman, matagal ko nang pinapangarap yun!” natatawang biro pa rin niya.


ALL GIVING. Kapansin-pansin ang sipag ng Superstar na gumawa ng indie films ngayon.

Saad niya, “Oo naman, magaganda naman kasi ang dumarating kaya nakakapanghinayang na hindi gawin.

“At saka bago ako umalis, nag-iipon para sa pangpa-opera.”

Ngayong August siya dapat aalis para ipaopera ang kanyang lalamunan, pero dahil naumpisahan na niya ang ilang proyekto, baka pagkatapos na ng pelikulang Kabisera siya aalis.

Sa Boston, Massachussets daw siya magpapagamot.

Pero paano siya makakaipon gayong maliit lang naman ang talent fee niya sa indie films?

Paglilinaw ni Nora, “Hindi naman masyado... e, alam niyo naman ako, hindi ko matiis, ipinamimigay ko rin.

“Hindi ko nga matiis, kailangan wala akong hawak. Kapag may hawak, hindi rin nagtatagal.

“Wala, hindi ko rin naman dadalhin sa hukay yun... masaya naman ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

UNBEATABLE. Kinontra naman ni Nora ang opinyon ng iba na mahihirapang manalo ang ibang aktres kapag kabilang ang Superstar sa mga nominado sa Best Actress.

“Hindi naman, hindi naman totoo yun,” sambit niya.

Pero maging ang ibang aktres ay ganun ang pakiramdam.

Sabi ni Nora tungkol dito, “Wala, hindi naman dapat, hindi naman sila dapat makaramdam ng ganun.

"Nasa ano lang yun, nasa ibinibigay na role.

“Naniniwala ako na walang artistang hindi magaling, magagaling lahat ‘yan.

“Nagkataon lang na ako, yung mga roles na ibinibigay sa akin, talagang challenging.”

Kailangan piliin din ng iba ang mga karakter na ginagawa nila?

“Hindi mo naman maalis, lalo na kung bago pa lang, siyempre kung ano rin ang ibigay sa kanila.

“Parang ako noong araw... kaya rin ako nag-produce ng sarili kong pelikula para magawa ko kung ano ang gusto ko.

“Yung Tatlong Taong Walang Diyos [1976] ang ginawa ko, yun ang first time na nag-produce ako ng pelikula.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN