Yasmien Kurdi on sixth batch of StarStruck: "I-enjoy nila ang bawat sandali ng competition."

Yasmien Kurdi on balancing family and career: "Kailangan ng time management, lalo na't ang pagiging ina at asawa ay isang full-time job. Ang pag-aartista naman ay kailangan ng iyong commitment. Mahirap ngunit masaya lalo na't mahal mo ang iyong mga ginagawa."


Sa September ay magbabalik na ang kauna-unahang reality-based artista search sa telebisyon, ang StarStruck, na ngayon ay nasa ika-anim na season na.

Isa sa natutuwa at excited sa muling pagbabalik ng StarStruck ay si Yasmien Kurdi.

Si Yasmien ang First Princess sa pinakaunang batch ng StarStruck, noong 2003, kung saan sina Mark Herras at Jennylyn Mercado naman ang itinanghal na Male and Female Ultimate Survivors.

Sabi ng Kapuso actress, “Masaya ako at maipapakilala na ang mga bagong discoveries sa pamamagitan ng StarStruck.

“Parang bumabalik uli ang mga memories ko nung una kaming lumabas sa first season ng StarStruck.

"At nakaka-proud isipin na ang layo na ng narating ng mga kasamahan namin sa loob o labas man ng showbiz."

Bukod kina Jennylyn at Mark, kasama rin sa unang batch ng StarStruck sina Cristine Reyes, Katrina Halili, Sheena Halili, Rainier Castillo, Dion Ignacio, Nadine Samonte, Jade Lopez, Christian Esteban, Anton dela Paz, Alvin Aragon, at ang yumaong si Tyron Perez.

Karamihan sa kanilang batch ay aktibo pa rin hanggang ngayon sa shwbiz.

Ano ang advice ni Yasmien sa mga bagong kasali sa Starstruck VI?

“I-enjoy nila ang bawat sandali ng competition, do their best, and pray always.

“Suportahan nila ang isa't isa para maging successful ang kanilang grupo.

“I wish them all the best,” sabi ni Yasmien nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng Facebook private messaging, noong Miyerkules, August 19.

 

SEXY MOM. Sa kabilang banda, hiningan namin ng komento si Yasmien sa mga nagsasabing mas maganda at mas sexy siya ngayong may asawa at anak na siya kesa noong dalaga siya.

Reaksiyon niya, “May ganun?! I guess, nasa aura lang iyong nakikita nila.

“Kasi, di ba, pag masaya ka at maganda ang iyong pananaw, somehow nagre-reflect yun outside.

“Mas content and happy lang ako sa buhay ko ngayon, sobrang na-eenjoy ko rin kasi ang paglaki ng baby ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano nababalanse ni Yasmien ang pagiging ina at asawa at pagiging artista?

Aniya, “Siguro po naging mas focused ako ngayon sa work ko at mas malinaw ang mga goals ko ngayon na isa na akong ina.

“Sa kabilang banda, kailangan ko naman ibalanse ang pagiging ina at asawa ko at pagiging artista.

“Kailangan ng time management lalo na't ang pagiging ina at asawa ay isang full-time job.

“Ang pag-aartista naman ay kailangan ng iyong commitment.

“Mahirap ngunit masaya lalo na't mahal mo ang iyong mga ginagawa.”

Gaano naman siya kasaya bilang talent ng GMA?

Tugon ni Yasmien, “Masayang-masaya po ako sa Kapuso network.

"Pamilya na po ang turing ko halos sa lahat ng mga katrabaho ko.

“Mahalaga po sa akin yung comfort zone ko.

"Nae-explore ko po yung mga acting skills ko sa pamamagitan ng pagganap ng iba't ibang karakter.

“At naibibigay po nila iyon sa akin.”

 

MAGPAKAILANMAN. Samantala, gaganap bilang isang pulis si Yasmien sa episode ng Magpakailanman, na pinamagatang “Ang Inang Hindi Ko Kadugo,” ngayong Sabado, August 22.

Kasama niya rito sina Phillip Salvador, Zoren Legaspi, Sheila Rodriguez, at Renz Valerio.

Ayon kay Yasmien, “Ito po ay kuwento ng mga pulis na nag-ampon ng isang batang naliligaw ng landas.

“Isang inspirasyon sa pagtulong sa kapwa... Ako po ay isang babaeng pulis na maprinsipyo, matapang.

"Ngunit sa kabilang banda ay malambot ang puso at maawain sa nangangailangan lalo na sa mga bata.”

Paano pinag-aralan ni Yasmien ang karakter ng isang pulis?

“Nag-focus po ako sa inner character ni Cathy na isang pulis at simpleng mamamayan na matulungin sa kapwa.

“Gusto ko pong maipakita, marami tayong mga pulis na tapat na naglilingkod sa bayan sa loob o labas man ng kanilang serbisyo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN