Coco Martin says he will be more careful about endorsing political candidates in 2016

“Napagod na rin ako, nagsawa na rin ako,” says Coco Martin about the current state of politics in the country.


Inamin ni Coco Martin na ngayon pa lamang ay may mga pulitikong lumalapit na sa kanya para humingi ng tulong sa pagpapakilala sa publiko.

“Mayroon mga nagtatanong, may mga lumalapit o nagpaparamdam,” sabi ng Kapamilya actor sa press conference na inihanda ng Dreamscape para sa pagbibida niya sa Ang Probinsyano, kagabi, August 27.

Subalit hindi raw tulad noong mga nakaraang eleksyon, gusto ni Coco na maging mas maingat sa kandidatong kanyang iiendorso sa national elections sa 2016.

Paliwanag niya, “Para po sa akin kasi, hindi lang naman ako ang pinag-uusapan dito.

“Sabi ko nga, napagod na rin ako, nagsawa na rin ako.

“Kumbaga, parang lahat naman tayo naghahanap na rin ng pagbabago, hindi lang para sa ating mga sarili, kundi para na sa ating mga magiging anak, sa ating pamilya o sa lipunan natin.”

Gusto raw niyang suriin nang mabuti ang sinumang iiendorso niya.

Pahayag ni Coco, “Napakaimportante po ng pagkakataong ito, kung saka-sakali, sa election next year.

"Kasi ito lang yung pagkakataon na mahahawakan ko ang sarili kong pananaw, pagkakaintindi o pagkatao.

“Kasi, after that, kapag naboto ko na sila, wala na.

“Kumbaga, sila na naman ang maghahari, gagawin na naman nila kung ano ang gusto nilang mangyari, di ba?

“Sabi ko nga, ngayon mas magiging mahigpit ako sa mga taong tutulungan ko o paniniwalaan ko.

"Kasi nakakapagod, nakakasawa.

“Parang may mga tao kang tinulungan, tapos magugulat ka na ganun pala yung nangyari.

"Ayaw ko nang maulit 'yon."

Dahil sa kanyang huling sinabi, inusisa ng entertainment reporters kung may mga inendorso ba siya noon na pinagsisisihan na niya ngayon.

“Mayroong iba,” pag-amin ni Coco.

Ngunit hindi na siya nagbigay ng detalye tungkol dito.

Sa halip, aniya, “Siguro sa pagkakataong ito, mas magiging mahigpit ka na.

"Kasi, kapag alam kong nangangailangan ng tulong, talagang sinusuportahan ko.

"Pero may mga tinulungan ako na talagang proud ako, like si Senator [Sonny] Angara.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang proud na proud ako."

Bakit tila mas matapang na si Coco ngayon sa kanyang mga pahayag tungkol sa pulitika?

Paliwanag niya, “Kasi, ito lang ang pagkakataon ko na makapagsalita. Next year, iba na naman 'yan.”



QUALIFICATIONS FOR ENDORSEMENTS. Kung sakali, ano ba ang gustong makita ni Coco sa isang pulitiko para makumbinsi siyang iendorso ito?

Sagot ng 33-year-old actor, “Unang-una, siyempre hindi naman sapat na pangako lang.

“Alam naman natin yung credibility ng bawat tao, alam mo naman yung bawat hangarin.

“Kumbaga, bilang tao, alam naman natin kung sino ang dapat, e.”

Pagkatapos ay binanggit ni Coco ang nais niyang pagbabago sa sistema ng pulitika sa bansa.

“Kung ako ang tatanungin, isa lang ang sasabihin ko, gusto ko lang ng pagbabago.

“At para mangyari 'yon... Kumbaga sa kanser, kahit maglagay ka ng bago, pero ganun pa rin ang sistema nila, kakainin lang 'yan.

“Kung maaari, gusto ko nga lahat bago para magkaroon tayo ng bagong lipunan.

“Kung dadagdagan lang din natin 'yan, uulit lang tayo nang uulit sa mga taong ilalagay natin sa posisyon, walang mangyayari, ganun pa rin.

“Sino ba ang mahihirapan? Tayo pa rin.”

Patuloy ni Coco, “Honestly, may realization nga po ako, e.

"Parang bakit kami natatakot sa gobyerno, bakit kami natatakot sa mga taong nakaposisyon?

“Kung tutuusin, tayo ang nagpapasahod sa kanila. Dapat tayo ang pinaglilingkuran nila.

“Sana, kung magkaroon ng pagkakataon, sana baguhin lahat.

“Sana, kung maaari, sana baguhin lahat, sana bata lahat para magkaroon ng pagbabago.”



ENDORSING GRACE POE? Samantala, dahil malapit si Coco sa beteranang aktres na si Susan Roces, hindi naiwasan ng reporters na tanungin kung papayag siyang iendorso ang anak nitong si Senator Grace Poe kung sakaling tumakbo ito sa 2016.

Matunog kasi ngayon ang balitang tatakbo si Senator Grace sa pagka-Presidente sa darating na halalan.

Tugon ni Coco, “Hindi pa po. Masyado pa pong maaga para magsalita ng mga bagay na ganyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit naman po si Ate Grace, hindi pa rin po siya nagde-declare.

“Hindi pa rin naman siya nagsasabi kung talagang tatakbo siya o hindi.”

Nilinaw rin ni Coco na wala silang napag-usapan tungkol sa pulitika nang maisipan nilang gawan ng TV remake ang isa sa mga classic films ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino, si Fernando Poe Jr., na asawa ni Susan at ama ni Grace.

Ito ay ang Ang Probinsyano na mapapanood sa ABS-CBN.

Ani Coco, “Definitely, bago namin gawin 'tong proyekto, nag-usap-usap po kami nila Tita Susan and mga boss dito sa ABS-CBN, kinaklaro namin na walang political agenda kung ano man po yung proyekto.

“Nagkataon lang po talaga na ngayon sisimulan yung project and next year yung campaign po."



NO PLAN TO ENTER POLITICS. Dahil usapang pulitika na rin, tinanong si Coco kung may balak siyang pasukin ang pulitika.

Agad na sumagot ng "hindi" ang aktor.

Katuwiran niya, “Sa ngayon, wala po akong naiisip na ganun.

"Kasi, para sa akin, masaya po ako sa kung nasaan ako ngayon at kung anuman ang ginagalawan kong mundo, sa aking trabaho po.

“Sa akin pong pagkakaalam, marami ring tao ang nasira dahil diyan sa magulong mundo na 'yan.”

Dagdag pa niya, “Iba-iba siguro ang destiny ng mga tao.

“Siguro, may mga tao talagang inilaan para sa ganung aspeto ng buhay.

“Ako siguro, kung ano ako ngayon, ito ang ibinigay sa akin ng Diyos.

“At sa ganitong paraan ko, bilang artista, ginagamit ko rin ito para makatulong ako sa kapwa.

“Siguro sa pag-arte ko, kahit papaano, nagagawa ko ang part ko dahil napapasaya ko ang mga manonood. Nakakapagbigay ako ng encouragement.

“Sa bawat role na ginagampanan ko, alam niyo yung nakakapagbigay ako ng magandang ehemplo para gayahin nila ako sa bawat karakter na ginagawa ko.”

Sa huli, idiniin ni Coco na ang mga artista ay may responsibilidad din sa kanilang mga manonood tulad ng mga pulitiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya nga po sinasabi ko palagi na ang bawat artista, may responsibilidad sila sa mga manonood.

“Kung bibigyan niyo ako ng opportunity para lang sirain ang buhay ko o ipakita ang mga maling bagay, hindi ko siya gagawin.

“Bakit? 'Yon yung sinasabi ko na mayroon akong responsibilidad sa mga manonood,” pagtatapos ng aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN