Wally Bayola: "Mahirap na magkamali ka muna bago ka matuto."

Ibinahagi ni Wally Bayola sa Kapuso Mo Jessica Soho ang kanyang buhay mula noong bata siya hanggang sa kanyang muling pagbangon mula sa eskandalong kinasadlakan. Pahayag ni Wally sa mga natutunan niya mula rito, “Much better na matuto ka nang matuto nang hindi ka nagkakamali.”


Masasabing nakabangon na nga ang komedyante at TV host na si Wally Bayola mula sa kinasangkutang eskandalo halos dalawang taon na ang nakalilipas.

Muling bumango ang pangalan ni Wally dahil sa iba't ibang karakter na ginagampanan niya sa "Problem Solving" segment ng noontime show na Eat Bulaga.

Partikular na ang karakter niyang si Lola Nidora, na hadlang sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub, sa kinahuhumalingan ngayong KalyeSerye tuwing tanghali.

Sa panayam sa kanya ni Jessica Soho sa episode ng Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) kagabi, August 30, ikinuwento ni Wally kung sino ang naging peg niya sa kanyang popular na karakter.

“Sinasabi nila na, ‘Ano ka rito, donya ka, mayaman.’

“Kapag sinabing mayaman, yung tipong powerful, ganung klaseng karakter na mala-Celia Rodriguez.”

Si Celia ang madalas gumanap na kontrabidang mayaman sa mga pelikula at teleserye. Lagi raw nakataas ang mukha nito na kanya namang ginaya.

Pero ang boses, mala-Jaclyn Jose daw na underacting ang inspirasyon ni Wally.

Ang salita namang ‘babala’ ay naging bukambibig na rin ng sambayanan dahil sa tuwing binibigkas ito ay laging nakadikit ang mga salitang: ‘Asawa ni Babalu.’

Sabi ni Wally, lumang joke na ito, pero ngayon lang nabigyan ng labis na atensiyon mula nang nasabi niya ito sa KalyeSerye, bilang pagbibigay-babala kay Alden upang huwag nang ipursigi ang panunuyo nito kay Yaya Dub.

Ang katagang ‘Sa tamang panahon’ naman ay sumikat din dahil sa kanyang pagharang sa namumuong pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub, na tinagurian na ngayong AlDub loveteam.



HUMBLE BEGININGS. Forty-three years old na ngayon si Wally o Walter James Bayola.

Ipinanganak siya noong May 3, 1972 sa Naga.

Lumaki siya sa kanyang mga kamag-anak at inampon din siya ng isang pari.

Kuwento niya, “Maganda yung buhay ko sa kumbento, walang gutom dun.

“Marangyang buhay tapos maraming kaibigan.

"Noong namatay na yung pari, kinuha na ako ng lola ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dito na raw muling nakaranas ng kahirapan sa buhay si Wally.

Nai-feature na rin sa Magpakailanman ang kanyang buhay, kung saan naging highlight dito ang pagkikita nila ng kanyang estranged father.

Pag-amin ni Wally, hindi siya maka-relate sa usapin ng relasyon ng mag-ama dahil hindi niya ito naranasan habang lumalaki siya.

“So, wala akong idea kung paano magpaka-tatay sa anak, kasi wala, as in lost ako pag ganun.

“Kaya ang turing ko sa anak ko… sinulatan ko pa siya kung bakit minsan, ‘Bro ang tawag ko sa sa iyo or barkada, kasi ayokong ano e, hindi ko alam kung paano magpaka-tatay, e.’

“Sinabi ko ang totoo sa kanya.”

Unang nag-aral ng kolehiyo ang komedyante sa Ateneo de Naga, pero dahil sa kakapusan, lumipat siya sa Naga College Foundation.

Sumali siya sa theater club ng pamantasan upang maging iskolar.

Twenty percent lang daw ang diskuwento nito sa kanilang tuition fee, pero malaking bagay na ito para makabawas sa kanilang gastusin.

Noong nagkaroon daw sila ng play, nagustuhan ng may-ari ng eskuwelahan ang kanyang performance kaya ginawang 50 percent na lamang ang kanyang bayad sa tuition.

Hanggang sa maging libre na ang kanyang pag-aaral.



GREATEST BIRTHDAY GIFT. Twenty years old nang mag-asawa si Wally kaya maaga rin siyang nasabak sa realidad ng buhay.

Pinasukan nito noon ang pagiging bodegero, host sa sing-along bar, at pagiging miyembro ng banda.

Mula rito, napunta siya sa isang comedy bar at dito na siya na-discover ng Eat Bulaga.

Lahad niya, “Mga dalawang linggo din kaming nagbu-'Bulagaan' nun. Tapos, after two weeks, tapos na.

“Bumalik ulit ako sa comedy bar hanggang tumawag sa akin si Mamu [Andrew de Real], ‘Balik ka daw sa Eat Bulaga! as a regular ka na, araw-araw ka nang papasok.’

“Nagulat ako kasi kinaumagahan, hindi ko malilimutan noon, unang pasok na regular na pasok sa Eat Bulaga! is May 3, 2000. Birthday ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Andun na ako sa studio, nagpapasalamat ako na, ‘Thank you, thank you sa birthday gift Niyo.’”



LIFE BEHIND THE CAMERA. Kahit sa pagpapatawa kumikita si Wally, pagdating sa buhay sa likod ng mga kamera ay may kalungkutan ito.

May lima na silang anak ng asawang si Riza, ngunit ang isa sa mga ito ay may sakit na kanser.

May orbital tumor ang kanyang 18-year-old daughter na si Rian.

Limang taon pa raw ang hihintayin upang ganap na madeklarang cancer-free ito mula sa tuluy-tuloy na gamutan.

Nakadalawang taon na ang anak na sumasailalim sa paggagamot ng mga doktor.

Saad ni Wally, “Simula nung nadiskubre namin na meron siya nito, sobrang pagsubok sa amin yun.

"Hanggang sa paunti-unti na na-survive namin yung mga pangangailangan.

"Kailangang matapos niya yung chemotherapy niya, tapos ngayon under medication siya.

"Five years pa bago malaman kung talagang total free na siya o puwedeng bumalik [ang cancer].

“Ngayon nakadalawang taon na siya, may tatlong taon pa.”

Pinipilit daw ni Wally at ng kanyang pamilya na kayanin ang pagsubok na ito.

Sabi ng asawa niyang si Riza tungkol kay Wally, “He’s very responsible.

"Hindi niya talaga kami pinabayaan kahit kailan, yung mga bata.

"Yun yung pinakaano dun, hindi niya kami iniiwan.

“Ang bait. Mabait naman si Wally...

"May konting kalokohan… malaking kalokohan siguro... pero mabait, mabait na tao."

Paano ba ginagawa ni Wally na magpatawa araw-araw sa kabila ng kanyang dinadalang pagsubok sa buhay bilang ama?

Saad ng komedyante, “Iniisip ko na lang, ‘O, mamaya ka na. Mamaya na lang. Mamaya na 'yang emo-emo, ha. Lola [Nidora] muna ako.’

“Kasi ilang oras lang naman ito, e.

"Pagkatapos ng Lola, 'O, balik ka ulit. Bahala kang magmukmok diyan sa gilid.'"



OVERCOMING TRIALS. Sa dinami-dami ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan, paano nga ba niya lahat ito pilit na nilalagpasan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Wally, “Mahirap na magkamali ka muna bago ka matuto.

“Much better na matuto ka nang matuto ng hindi ka nagkakamali.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN